Mahirap talagang magpalaki ng tiyanak. Kung lagi kang dumadaan ng site na to , malamang nabasa mo yung tungkol sa mga tiyanak. Nagulat ako minsan ng makita ko ang isa sa aking mga pamangkin , may dalang putol na kahoy , pulang cartolina , isang bond paper , pambabaeng gunting na hiniram (kulay pink at parang tenga ng kuneho yung hawakan) at isang malaking mangkok. Tinanong ko kung anong gagawin nya , pinagagawa pala siya ng logo ng Araullo na nagdiwang ng ika-100 anibersaryo http://beta.inq7.net/opinion/index.php?index=2&story_id=78752&col=61, bigla kong naalala ang sarili ko nung bata pa ako, mahilig akong mag-drawing pero ala akong mga gamit. Tinuping papel ang gamit kong ruler , tutupiin ko naman yung papel tsaka didilaan para putulin , siguro kung may samurai, yun ang gagamitin ko. Laway din ang pambura ko dati , pag walang pantasa , ikikiskis mo ng mabilis yung lapis sa isang papel o kaya sa magaspang na bato, pero walang lalabas na genie , matulis na lapis lang. Pag medyo matibay-tibay ang ngipin mo, ngatngatin pwede din. Kanin naman yung pandikit ko dati , nakuha ko tong ideya na to sa mga adik na nagbabalot ng marijuana sa lugar namin.
Nung sumahod ako, binili ko ng gamit si kupal. Protractor , triangle , gunting , cutter , glue, compass , lapis , pangkulay etc. Minsan gumising ako galing sa 12 oras na pagkakahimlay sa aking higaan , sinabihan ako ni Mother na kausapin ang aking pamangkin. Hindi daw niya nakikitang gumagawa ng assignment, hindi nakikinig sa Nanay nya , sa ate nya at sa kanya. Sa itsura ko pag bagong gising , sabog ang buhok at mapulang mga mata na may panis na laway pa , hindi pa kaya siya matatakot sa akin at makikinig? Pinatawag ko at tinanong ko,
Jamo: Gumagawa ka ba ng assignment?
Tiyanak: Opo , pag vacant ginagawa ko ( wow , ambait "opo")
Jamo: Bakit ang aga mong umuwi nung nakaraan?
Tiyanak: Maaga kaming pinauwi eh!
Jamo: Patingin nga ng notebook mo.
(Umakyat at binitbit ang note book, sabay abot ng isang notebook)
Jamo: Lahat , titignan ko lahat.
Pagbuklat ko ng mga notebook , merong something in common , lahat may date ng June 14 ang huling sulat eh June 28 na. Napuna ko rin ang class schedule nya , mula 9:45 AM hanggang 7:00 PM ang pasok.
Jamo: Sabi mo ginagawa mo tuwing vacant , eh alas 12:00 ang vacant mo , papaano mo ginagawa yung mga assignment mo bago mag-vacant?
( Nagkutkot na ng kuko ang kupal , sabay yuko.)
Jamo: Bakit ang aga mong umuwi lagi , alas-singko pa lang nakakasalubong na kita pag pumapasok ako , eh hanggang alas -7 ka di ba?
Tiyanak: Kase sabi nila 'cutting classes' daw ako .
Jamo: Bakit di ka pumapasok ?
Tiyanak: Kase ala akong assignment.
Jamo: Ano bang pinapa-assignment sa yo?
Tiyanak: Lagyan daw nung cover yung notebook , pag ala akong assignment di na'ko pumapasok.