Pupunta sana ako sa tahanan ng aking kasintahan kahapon, kaso lang hindi pa ko naliligo dahil nawalan kami ng tubig nung madaling-araw bago ako pumasok. Kesa maamoy nya pa ako at mabawasan pa ang nalalabi kong kakaunting pogi points (teka meron ba ko nun?) nagpasya na lamang akong umuwi ng maaga at gumawa ng mas kapaki-pakinabang na bagay, ang mag-trip na gumawa ng Maki. Ito ang una kong natutunan bago ako matutong magluto ng mga simpleng ulam, ang nagturo sa akin nito ay si Mommy Shawie. Medyo mahirap sa una ang pag-rolyo gamit ang maliit na kawayang banig, maraming dumidikit na kanin, minsan nabubutas ang nori(yung pambalot na gawa sa seaweed tanga!), minsan ang laki ng nagagawa ko, pero katagalan may natsa-tsambahan din akong mukhang maki na talaga. Siguro kaunting ensayo pa at mapeperpekto ko rin to. Mas maganda kung susubukan din ng kapwa tanga ko na tulad mo kaya ko isinusulat ito.
Narito ang mga sangkap at paraan ng preparasyon:
bamboo rolling mat - nabibili ito sa mga supermarket, nakabili ako sa shopwise. Subukan mo kung me mabibili ka sa botika , hehehe.
nori - ito ay gawa sa seaweed , nabibili rin sa mga suking supermarket.
japanese rice- meron akong nakita nito sa rustan, ngunit dahil sa mataas na presyo ng bigas dulot na rin ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kinalkal ko na lang ang kaldero namin. Mas maganda pag medyo malagkit. Pwede mo ring subukan ang NFA rice para may disenyo pa na maliliit na bato at di maipaliwanag na amoy minsan.
crabstick - hindi ito yong stick na may nakatusok na crab ha! (umayos ka!)
itlog - batehin at iprito ( tanung mo sa kuya mo kung paano magbati , ehehehe, ng itlog)
pipino - hiwain ng pahaba at katamtamang laki.
manggang hinog - hiwain din ng pahaba
japanese vinegar - syempre dahil purita lang si jamongoloids , datu puti na tinimplahan ng konting asukal lang.
toyo - marami akong kilalang meron nito sa ulo pero silver swan lang na nilagyan ng kalamansi ,okey na.
1. Ilatag ang nori sa ibabaw ng bamboo mat. Yung makinis na bahagi ang nasa ilalim.
2. Ilagay ang kanin na may suka. Ikalat sa ibabaw ng nori. Maglaan ng mga isang sentimetro sa itaas at ibabang bahagi.
3. Ilagay ang crabstick , pipino at itlog. Minsan pwedeng ilagay ang mga sangkap sa gitna bago irolyo. Maari ring mangga imbes na pipino o kaya'y ipalit ang mangga sa itlog. Mayroon din akong nababasa online na naglalagay minsan ng avocado, maari kang mag-imbento ng sangkap ayon sa iyong trip. Siguro hindi lang pwede atis.
4. Dahan-dahang irolyo ang kawayang banig .
5. Gamit ang kawayang banig , higpitan ang pagrolyo upang hindi humulagpos ang maki habang hinihiwa.
6. Hiwain ang maki ng katamtamang laki.
7. Kung itatanong mo kung para saan yung toyo at kalamansi , sawsawan yun. Alangan namang ipakita ko pa ang imahe ng pagpiga ng kalamansi sa toyo , kalabisan na ata no?
Ipatikim sa mga kasama sa bahay. Para sa mas magandang resulta , magtago para makita mo ang totoong reaksiyon nila habang tinitikman ang iyong hinandang maki. Pag me nasuka' okey lang , gawa ka na lang ulit ng bago hanggang makagawa ka ng isang masarap na maki.
Maki-baka !
Larawan ninenok sa: http://sushiday.com/archives/2006/10/26/how-to-roll-maki-sushi/
4 comments:
MAKIkidaan lang :-)
I-bu-bookmark ko ito.. sana makagawa rin ako ng masarap ng maki :-)
wow sarap naman nyan
nanie, salamat , patikimin mo rin kami ha? ehehehe
wow jamo wala ko masabi chet este chef ka na pala ngayon hehehe ayos ha mukhang masarap pero di ako nakain nyan eh! hehe
Post a Comment