Naubos yung buong araw ng rest day ko nung nakaraang linggo dahil sa pagaasikaso ko ng papel sa SSS. Hiniram ko lang naman yung salapi na pinagputahan ko ng maraming taon. Abril 18 ko ata ipinasa yung kahilingan sa pag-utang, aba a-kinse na ng Mayo ay wala pa ring liham mula sa ating ahensya na "Kabalikat mo sa Buhay". Sa aking pakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa Cubao, ako ay pinayuhang magsadya sa kanilang pangunahing tanggapan at dun manlimos este kunin ang tseke.
Para paikliin ang istorya, nahawakan ko na rin ang tseke na nagkakahalaga ng dalawampu't isang libong pisotas (o wag ka malito , tatlo lang ang zero nun). Limpak na salapi para sa akin , nagniningning ang aking mga mata habang tangan ang tseke at nagpasya na dun ko na rin i-withdraw sa ahensya ng PNB sa mismong pangunahing tanggapan naka-himpil.
"Now serving no. 11-20" , ang bumungad sa aking paningin ng lumapit ako sa gwardya ng bangko upang humingi ng numero. Ang aking nakuha , numero 99. "Whew ! Ok lang" sabi ko sa aking sarili. Libonaryo naman ako pag na-withdraw ko ito.
"Sir , kelangan tatlong ID" sabi ng gwardya sa akin habang inaabot ang numero. Ako nama'y nakangiti lamang pagkakuha ng aking numero. " Tatlong ID sir ? " magalang na ulit ng gwardya sa akin. "Ok" , sagot ko naman na parang binalewala lamang ang sinabi nya. "ID sir tatlo" , "Tatlo sir ID" . Kahit pa anong kumbinasyon ng salita , "marami akong ID sa aking pitaka unggoy! ehehehehe" Bulong ko pa.
Napansin ko na inaabot ng mahigit 15 minuto bago magpalit ng panibagong grupo ng numero. Kaya nagpasya akong kumain muna sa kanilang kantina. Lumibot pa ako upang magmasid ng mga obra maestra sa isang exhibit. At meron pa akong napanood na kumpetisyon ng ahedres. Saka ako bumalik ng bangko.
Sa wakas, grupo na namin ang tinawag. " Now serving 91-100". "Here I go!". Pagpasok ko ng bangko , agad na inayos ng isa pang gwardya ang aming pila, " Tatlong ID po ang kailangan !", ulit na naman nya. Hinanda ko na ang aking mga ID, Company-ID, SSS ID at yung dati kong Greenwich ID o kaya yung luma kong NBI Clearance o kaya Philhealth ID. "Madami tayo nyan boy". Bulong ko na naman sa aking sarili. Habang naka-pila , napansin kong tatlo lamang ang teller ng bangko , si Ate si Kuya at si Taba. Napansin ko ang pagiging magiliw nung isang maputi , bata at may kalusugang teller. ( Chubby ha? Baka ibang malusog ang nasa isip mo? ) . "Dito ko kay taba" , bulong ko sa aking sarili.
" Next" sabi ni ate. Pinauna ko na yung ale sa aking likuran dahil mas trip ko si Taba. "Next" sabi ni Taba. Nakangiti pa akong lumapit kay Taba at iniabot ang aking tseke. Ibinigay ko na rin ang aking mga ID. " Sir, wala ka na bang ibang ID?", tanong ni Taba.
" Hetong Greenwich ID ko" , sabay abot nito sa kanya. " Sir san po kayo ngayon nagta-trabaho?" . "Sa Link2Support po ma'am" , magalang kong sagot sa kanya. " E di hindi nyo na po Company ID tong sa Greenwich!", me pagka-matigas nya pang sagot sa akin. Nagsimula akong kabahan sa tinuran ni Taba sa akin. " Hetong NBI Clearance?" . Balik tanong ko sa kanya. "Ay sir expired na po yan di po yan pwede, di rin po namin tinatanggap yung Philhealth, ganito na lang po sir, produce po kayo ng isa pang valid ID tapos pwede naman po kayong pumunta sa iba pa naming Branch Office para i-encash ang check nyo", may himig pagtataboy nyang turan sa akin dahil sa mahaba pang mga kasunod. Dito na nawala ang aking pagtitimpi.
" Bakit kelangan ko pang mag-produce ng iba pang ID ? Hindi ba ako yan na narito rin?" sabay turo ko sa aking SSS ID at NBI Clearance. "Tignan mo ? Kelangan ko pang mag-produce ng Drivers License eh wala naman akong sasakyan, Passport? di naman ako mangingibang-bansa, nakapag-encash ako dito sa una kong loan bakit ngayon hindi na?" . Me mataas kong boses na tanong sa kanya habang binubuklat ko ang lahat ng laman ng aking pitaka sa kanyang harapan. Nagkalat na lahat, resibo , registration card , ticket , pera, discount card sa motel, at muntikan pang makita yung condom huh?. Iniabot ko ang ATM cards ko sa kanya. "Sir hindi po talaga pwede, credit card lang po", matigas nya pang sagot sa akin. Nagkamali ako kay Taba, hindi pala sya magiliw. Kung anung tila lambot ng kanyang katawan dahil sa taba , yun palang tigas ng kanyang puso, matigas ang paninindigan sa kanilang patakaran. "TATLONG ID", malamang ay nakatatak lagi sa kanyang isipan at pinasaulong Mission and Vision ng kanilang kumpanya bago pa man sya tanggapin sa kanyang trabaho. Gusto kong maiyak sa galit at sumigaw ng isang malakas na "PUUUtooong INaaaamoooyyyyy!", dahil sa inis at galit. " Pwede ko bang makausap ang Manager in duty?", habang humihinga ng malalim dahil sa tindi ng kinikimkim kong galit. "Yun po ang Manager" sabay turo sa isang medyo patpating lalaki na napagkamalan kong utility man lang ng bangko kung di pa pinag-suot ng gusot mayaman na polo.
"Kelangan di ako magalit dito , mukhang tulongges eh , kelangan utuin ng konti " , bulong ko sa aking sarili. "Good afternoon po Sir !", magalang ko pang bati sa manedyer habang inaabot ang aking kamay. Matapos kong ipaliwanag ang aking hinaing sa manedyer , para akong binuhusan ng kumukulong tubig, nagkamali na naman ako , nalaman kong mas malupit pa sa isang de-kalibreng abogado ang manedyer, yung pagkatuso ko at galing mang-uto , hindi umubra. " Hetong Philhealth-ID ko? " tanong ko sa kanya. " Nakalagay po dito sa likod ng Philhealth Card , not valid for authorization", habang itinuturo nya ang katagang iyon sa likod ng card. " Hetong NBI Clearance?" . "Expired na po yan sir tapos dapat ho every year pinapa-renew", sagot ng patpating manedyer na napagtanto kong matalino at mukhang sanay sa mga ganuong sitwasyon dahil hindi talaga ako umubra. Suko na ko , taas ang dalawang kamay!. Gusto kong murahin silang lahat habang pinupunit ang tseke sa kanyang harapan. Gusto kong maiyak sa inis . " The only thing that I'm asking is just a little CONSIDERATION", bulalas ko na lamang sa manedyer. Muntik ng dumugo ang aking ilong sa binitawan kong ingles. Ganito siguro pag nagtatrabaho ka sa isang call center, napapa-english kapag galit na.
"Consideration sir? Meron kami nyan !" , sabay kuha sa aking tseke at pinirmahan ang nasa likuran. Tila nakarinig ang manedyer ng mahiwagang salita. Yun lang pala ang kanyang hinihintay , ang makiusap ako at humingi ng konting konsiderasyon . Hindi ang mangatwiran at lantarang suwayin at kwestyunin ang patakaran at polisiya ng kanilang bangko.
" Dun na lang po kayo sa lalaki, pasensya na po kayo sir", sabay turo ni "Skinny Manager' kay kuya upang marahil ay hindi ko na awayin pa si Taba.
Bigla akong parang binuhusan ng malamig na tubig (di kaya ako mabasag ? kanina mainit eh no?). Para akong tumatanggap ng diploma ng abutin ang salaping bunga ng aking pinagputahan ng ilang taon. Bago pa ako umalis , tatlong beses ko pang binilang ang salapi . Hindi sa ibang lamesa kundi banda sa harapan ni Taba , upang ipakita sa kanya ang aking tagumpay.
Pero mukhang dedma lang si Taba.......
Sa huli, bago ako lumabas ng bangko ay may natutunan akong mahalagang aral na hindi ko na malilimutan at marahil ay dapat ibahagi ko sa iyo , kapatid.....
"Lagi kang makikinig kay Manong Guard....."
4 comments:
ha ha ha grabe naaliw ako sa kwento mo...may experience na rin kami dyan sa PNB nag loan din hubby ko bwisit na bwisit din dyan until now di nya makalimutan.
Nice Jam! Galing mo tlga magsulat. Ako naman ang aral na napulot ko d2 sa post mo ay: "Be simple as a dove but very wise as a serpent". Galing!!!!
---ermz
Stumbled upng your site in my attempt to search for SSS Loan Encashment.
Anyway, just like you na nagputa ng tatlong taon sa buwang buwang deduction sa SSS, eh napasakamay ko na rin ang first ever SSS Salary Loan ko. Excited ako, first time eh.
Sa kwento mo, kinakabahan tuloy ako magpa encash.
hahaha!!! katuwa ka kuya! nakakaaliw basahin ang mala-talambuhay mong karanasan sa pag-encash ng SSS Check mo sa PNB, bwahaha!! Kamag-anak ka ba ni Balagtas??? hehehe
Post a Comment