Patalastas. Siguradong babaha yan sa araw ng laban ni Manny "Pacman" Pacquiao at Oscar "The Golden Boy" Dela Hoya. Mga bandang alas nwebe magsisimula ang mga unang laban , tapos ang main event mga alas dos na masisimulan. Ipagpalagay mo ng tatagal ang laban ng mga 30 minuto tapos sisingitan ng sandamukal at paulit-ulit na patalastas mula alak, medyas , gamot , sapatos , hotdog at malamang merong pang pulitiko, matatapos ang panonood mo ng mga alas-singko ng hapon. Bagamat ganyan ang siguradong magiging senaryo sa ika- anim ng Disyembre, mayroong tatabo ng limpak-limpak na salapi. Walang duda , isa na roon si Pacman na kahapon lang ay namigay ng 3 milyong piso sa mga kasamang makapagbabawas ng malaking timbang.
Meron din syang bahagi sa kikitain ng pay-per-view. Me kachug din sya sa mga patalastas. Malaki ang kanyang maibubulsa pag siya ay nanalo, at naniniwala din naman akong marami siyang matutulungan pag nagwagi ang pambansang kamao sa kanyang pangarap na laban.
Pag natalo si Pacman, meron pa rin siyang makukuhang limpak na salapi ayon sa kasunduan, meron din akong madadampot na limandaan dahil pumusta ko sa kalaban. Sa simula pa lamang ng kasunduan yan ang nakikita kong dahilan kaya sila maglalaban. Pera. Pwede nating sabihing gusto ni Oscar na gumanti kay Manny dahil sa paglipat nito sa Top Rank o kaya ay talaga ngang gusto ni Pacman na makasagupa ang kanyang dating iniidolo para matupad ang kanyang pangarap na laban na matagal na nyang minimithi. Prinsipyo. Pangarap. Para sa Bayan. Pero isa lang nakikitang kong malaking dahilan kaya sila maglalaban. Pera.
Bakit ako pumusta kay Oscar?
Sabi ng two-time Trainer of the Year na si Freddie Roach, matanda na si Oscar Dela Hoya. "Oscar can no longer pull the trigger" , sabay tawa at pakita ng isang baril-barilan sa harap ng media. Wala na raw ibubuga ang Golden Boy sa edad na 35. Idagdag pa natin ang katotohanan na siya ang nagsanay kay Oscar nang ito'y lumaban at natalo kay Floyd Mayweather Jr. kaya alam nya ang kapasidad nito. Sa isang banda, hindi ako kumbinsido sa naging panalo ni Pacquiao noon kay Marquez , bagamat talagang bumilib ako nung gulpihin nya si Diaz. Kung ginulpi niya si Marquez , walang duda na sa kanya ako pupusta.
Narinig kong sinabi sa telebisyon ng isang magaling na trainer na ang isang boksingero , habang tumatanda, nawawala ang bilis nito, pero ang lakas ng suntok ay naroon pa rin. Galing ng 135 lbs si Pacman , isa pa lamang sa ganitong dibisyon ang kanyang nakakalaban. Tiyak na magugulat siya sa lakas ng suntok pagtawid ng 147 lbs. Kung matanda na si Oscar at wala ng ibubuga bakit ganon na lang ang paghahandang ginawa ng kampo ni Pacman? Bakit kailangan pa ng plyometrics at supplement na pagkaraaan ay itinigil din? Sa edad na 35 , ay hindi pa matanda , para sa akin si Oscar. Lamang sa height at reach. Bibigat at lalakas pa sya pag nagdagdag ng timbang pagdating ng laban. Katanyagan at salapi rin ang mawawala sa kanya kaya nasisiguro kong hindi siya magpapaiwan sa laban. Malakas sumuntok si Pacman , walang duda, pero meron bang nakalaban na mahina sumuntok si De la Hoya sa mga huli nyang laban?
Katuwaan lang ang pustahan. Pera ang nakikita kong dahilan kaya ako pupusta sa kalaban. Ika nga ng aking kaibigang kainuman nung biyernes "ang puso ko ay kay Pacman pero pupusta ako sa kalaban" . Masaya ako pag nagpaalam ang aking limandaang piso sa aking lukbutan.
Sino ang mananalo?
Pag tinignan mo ang larawan sa itaas parang mahihinuha mo kung sinong dalawang tao ang talagang higit na tatabo at mananalo sa labang ito. Baka nga hindi natin nalalaman , ang lahat ay bahagi lamang ng isang malaking plano para pasakayin tayo sa isang kunwaring pangarap na laban para matupad ang pangarap nilang jackpot.
Panawagan: Sana naman merong magbigay ng link para sa Live Online Streaming- Manny "Pacman" Pacquiao vs. Oscar "The Golden Boy" Dela Hoya. Me pasok ako sa linggo eh.
No comments:
Post a Comment