Tuesday, November 15, 2011

Isteytsayd

Para ka lang sumakay ng Manila Bus (uy o mani labas?) nung sumakay ako ng Boeing 747. Andaming pinoy na karaniwan ay mga senior citizens. Nakakairita lang pakinggan ang ilang mga pinoy na pilit ang english accent samantalang di pa naman lumalapag ang eroplano sa lupain ni Uncle Sam at kapwa pinoy lang din naman ang mga kausap.


Pinili ko ang upuan sa tabi ng bintana sa pag-aakalang may kagila-gilalas akong makikita. Sa huli pala ay puro ulap lang ang aking magigisnan kaya pinasya ko na lang na isara ito at manood na lang ng palabas sa telebisyon na nakakabit sa likuran ng mga upuan. Sa gawing kanan ko ay ang pilipinong seaman na di kalaunan ay magiging kaututang dila ko hanggang sa makarating kami ng Los Angeles airport.


Pinoy ang babati sa’yo pagdating ng airport. Pinoy ang mga porter. Pinoy ang karamihan sa mga nasa immigration. Paglabas ko ng terminal ay nagpaalamanan na kami ng kaibigan kong seaman. Add ko na lang daw sya sa FB. Para kang nasa refrigerator paglabas mo ng terminal , buti na lang at may nagbigay sa akin ng tip na wag kalimutang magdala ng winter clothes.

Ang malaking pagkakaiba ng amerika, ang lahat halos ng tao ay babati sa’yo ng “How are ya doing?” na karaniwan ko namang sinasagot ng “I’m doing great!” na kalaunan ay napalitan na ng mas sozy na “ I’m doing good” o kaya ay “ Good…good….” na para bang ilalabas mo na yung baraha mo sa larong lucky 9.

Masama ang titig sa akin ng drayber ng sinakyan kong shuttle. Huli na ng malaman ko na lagi ka pala dapat naka-seatbelt na hindi nakaugalian sa atin. Ang daanan ay parang NLEX/SLEX. Ang traffic ay gumagalaw di gaya sa atin. Bibihira ang kalat. Walang palaboy , kasi pag nagkaroon , siguradong tepok sa lamig. Ang iced tea ay walang asukal. Mura ang mga pagkain. Walang buwaya sa daan. Mura ang mga elektronikong kagamitan. At ang galing nilang lahat mag-ingles.

O eto yung mga larawan ko sa LA. Mapapansin mong mas malaki pa yung dyoga ng tisay sa ulo mo. Ehehehehe:





Thursday, November 10, 2011

Ang Paglalakbay


Laguna ! ng ikaw ay marating ko , para bang ako’y nagbago. Kakaibang damdamin….

Akalain mong pumipilantik pa at tumitipa pa pala ang aking mala-luyang mga daliri. Narinig mo na ba ang latest ke jamongoloids?

Kasalukuyan kong tinitipa ang mga panitik na'to sa lupain ng mga puti at egoy. Hanep no? Si jamongoloids asa Lake Forest, USA! Yeah, you heard and read it right moron! ehehehe. Gaya ng iba pang anekdota at nobela sa buhay ko, ang kapalpakan, katatawanan at panibagong pakikipagsapalaran ay di na ko ata talaga lulubayan at nakarating na nga sa ibayong dagat.

Nagsimula ang lahat sa aplikasyon ng Visa. Hindi ko matatanggap na babagsak ako sa mga ganitong proseso. Pero kung mag-kwento ang mga kasama ko sa trabaho, tila mas mahirap pa sa isang panel interview ang panayam ng pagkuha ng US Visa. Kelangan alam mo to , dapat sabihin mo totoo, ganito suotin mo, ganito ginawa ko at kung ano ano pa. Nakagalitan nga ko ng aking Ina ng aminin kong ninenerbiyos ako. Sabihin ba namang:

" Ang mga kinakabahan lang ay yung mga walang pinag-aralan!"

O di ba? Laging tama ang aking ina, tunog walang kwenta pero makabuluhan talaga. Pinagkalooban ako ng US Visa na para akong nakakuha ng JO (Job Offer tanga! jobless ka kasi!).

Fast forward. Hinatid na ako ni Mader at ng aking kasintahan sa airport. NAIA I ang nakalagay sa aking tiket. Pagdating ng NAIA I, nagpaalamanan na kami ng dalawa sa pinakamamahal kong babae sa buhay. Nagyakapan pa kami ng aking Ina na medyo maluluha pa, dahil prang pakiramdam nya ay mawawala
ako ng ubod ng tagal samantalang dalawang linggo lang naman ako sa Estados Unidos. Malinaw na nakalagay sa aking tiket na NAIA I ngunit napansin ko na walang direktang pupunta ng LA (Lopez?). Kaagad akong nagtanong sa isang nagwawalis:

"Naku boss walang direct flight dine, dun ka siguro sa NAIA II"
"Eh boss swak lang ba na lakarin yun?" , tanong ko.
"Pwede naman, pero kung di ka nagmamadali, sakay ka na lang ng shuttle sa ibaba" sagot naman ng matulunging taga-walis ng airport.

Labas ako ng airport at muling sinalubong ng dalawa. Ayaw ko silang paalisin pa, alam mo naman ang buhay ng isang Jamongoloids, di ka na magtataka kung mahagingan ako ng isang rumaragasang eroplano, maging makulay lang ang aking mundo (smiley not valid). Baba kami ng hagdan, bitbit ko ang aking me kabigatang maleta, dahil di gagana yung gulong tanga, hagdanan nga, habang nasa likuran ko ang aking backpack (natural). Pe-pwesto pa lang ako ng upo ng umepal na ang isang manong:

" Ay Sir maghihintay po ba kayo ng shuttle? Wala hong dumaraan na shuttle pag Linggo, mag-taxi na lang po kayo".

Nagpasalamat na lang ako ke manong, habang nahalata naman ng aking kasintahan na unti-unti na namang nauupos ang aking napaka-ikling pasensya kaya ako'y kanyang tinapik sa balikat. Agad ko namang tinanong kung okey lang ang aking pinakamamahal na ina, dahil ako'y nag-aalala na baka umepal naman ang kanyang rayuma. Akyat na naman kami papunta sa itaas dahil puro dilaw ang taxi na nasa ibaba. Kung di mo, naitatanong , mababa ang Ninoy (limandaan, boploks!) sa mga dilaw na Visa taxi. Isandaan at limampung piso ang bayad sa sinakyan naming taxi, na hindi naman halatang tinaga kami ni manong drayber. Ang kinainaman nga lang ay saulado nya ang oras ng lipad, anong eroplano, pati numero at kung saan ito tutungo kaya di ko na inintindi ang salaping tinaga sa akin. Nga pala, 15 minuto ang aabutin kung nilakad namin siya, me kasamang mura yan sigurado mula sa aking ina na hindi sanay ang mga tuhod sa mga biglaang walkathon na gaya nito.

Sobrang haba na ng kuwento na tiyak na masusundan pa ng mga pakikipagsapalaran ko sa lupain ng gatas at pulot. Hindi na o kaya ay tsaka ko na ibabahagi yung nakilala kong prinsipal sa pila, check ball na kilay ng opisyales ng immigration, mineral water na nagkakahalaga ng limampung piso, yung alcohol ko na nakumpiska , yung nakatabi kong seaman na pinoy, ang sinakyan kong haytek na Boeing 747.
Palipad pa lang ang eroplano nito!

O sya , hanggang sa muli. Paalam!

Thursday, April 21, 2011

Dentista

Isang ordinaryong araw iyon habang masaya kong nginunguya ang aking paboritong agahan. Sinangag at dalawang pirasong itlog. Sa kalagitnaan ng aking pag-ngasab ay me naligaw na mumunting bato sa sinangag na sumakto sa medyo naghihingalo kong ngipin. Presto nabiyak!


Hindi basta-bastang nabiyak huh? Nanatiling nakanganga ang aking bibig ng ilang segundo habang inaabot ko ng aking daliri ang bahagi ng nabiyak na ngipin. Paumanhin sa mga kumakain o busog habang binabasa ang lathalaing ito, pero meron pang tumutulong pinagsamang kanin at dugo habang ginagawa ko ang makapigil-hiningang operasyon. Samantala , ang aking masunuring aso ang tangi kong tagapagtangkilik ng mga sandaling iyon. Nakatitig lamang sya sa akin , marahil nasa isip nya, "ayos! my Master just lost his appetite, akin na ang almusal!".


Sa wakas nabunot ko rin ang kalahating bahagi na nabiyak. Di naman kasukdulan ng pagiging garapal at mala-iskwater na pag-uugali , sinipat ko pa itong maigi at nagbalik sa aking gunita kung bakit matagal ko ring inalagaan ang nag-iisa kong bulok na ngipin at ayaw kong pumunta sa dentista.....


Unang taon sa hayskul. Bigla na lamang kaming pinababa ng aming guro at sinabihang pumila sa harapan ng klinika. Lilinisin daw ng dentista ang aming mga ngipin. Nag-unahan pa ang iba kong kamag-aral at di na isinaalang-alang ang patakarang pandak ang dapat mauuna sa pila. Maingay at tulakan sa pila ang nangyari. Lahat makulit.


Sa aking harapan ay ang aking kamag-aaral na itatago na lang natin sa pangalang P. Di na natin siya papangalanan dahil baka ma-gugel nya pa ang kanyang pangalan sa pahinang ito at mai-sumpa pa sya ng kanyang mga kamag-anak. Si P ay tipikal na estudyante sa pampublikong paaralan (parang ako hindi no?) , payat , gusut ang polo na makutim, pudpod ang sapatos sa kalalaro ng sipa, malangis na mukha na medyo tadtad ng black and white heads at higit sa lahat, sungki-sungki ang ngipin na manilaw-nilaw ang mga gilid habang ang gilagid kapag nabanggit mo ang salitang "gingivitis" sasagot ka na lang ng "kailangan pa bang i-memorize yaan?"


Siya ang unang isinalang habang ako naman ay nakatingkayad sa may bintana habang pinapanood ng live ang isasagawang paglilinis "daw" ng ngipin. Ang mga sumunod na pangyayari ay talaga namang kailangang me patnubay ng magulang. Halos magkikikisay si P ng simulang linisin ang kanyang ngipin. Merong tinatapakan sa upuan na me binubugang hangin upang umangat ito at yun ay paulit-ulit na inaapakan ng aking mapalad na kamag-aral na si P. Kitang-kita ng dalawa kong singkit na mata ang pagtagas ng mapulang dugo sa gilagid ni P pagtapos lubayan ng makinang panlinis ng ngipin.


Hindi pa doon nagtatapos ang showdown ng dentista at mukhang nabuhay ang galit nya sa sirang ngipin at sa hamong dulot ng bibig ni P. Mukhang ginanahan siya ng husto, maya-maya pa ay inilabas nya na ang injection your honor! Rinig ko na tumatanggi pa si P dulot marahil ng takot sa hitsura ng malaking karayom at sa sakit na rin ng unang operasyon na ginawa sa kanya pero wala ng nagawa ang kaawa-awa kong kamag-aral.


Di ko malaman kung paano nagkasya ang ulo namin sa pagsilip sa bintana. Nanlalata pa si P ng lumabas ng pintuan ng klinika, lahat ay nakatitig sa kanya. Ang kanina'y maingay at magulong pila ay naging parang pila ng mga bibitayin. Nang ako na ang isasalang ay sari-saring palusot at pagsisinungaling ang aking nasambit. "Nasagasaan po ako ng jeep ng grade 2" , "me pilay po ako sa kaliwang braso". Nagningning ang aking mata ng sabihin ng dentista na magpatingin muna sa doktor bago ko magpabunot. Ngunit di doon nagtatapos ang aking kalbaryo. Pa-pastahan nya daw ang aking isang ngipin. Ang mga sumunod na nangyari ay di na napawi pa sa aking ala-ala. Para akong binarena sa ngipin ng basta-basta. Natapos ang araw na iyon na ang lahat halos ng kalalakihan ay pawang naging biktima ng masaker sa bibig.


Nga pala , ang pinastahan kong ngipin ay ang bulok kong ngipin na nabiyak. Idagdag mo pa sa mahabang listahan kung bakit ako takot sa dentista ang pelikulang Dr. Giggles na pinapanood sa aking ng demonyo kong kaibigan noong mga panahong betamax pa ang uso.

O sya , welcome back . Sound trip muna:

Sunday, April 17, 2011

Kaka.....

[Walang kaugnayang Patalastas]

Inuman session. Binibida ng isa sa aking magiting na kumpare ang katalinuhan diumano sa aritmetika ng isa naming inaanak...

Ninong#1: Nak, twenty minus eight?

Inaanak: Ten! ay Eleven!

Ninong#2: (Ako ito) Ang galing ah? Ke bilis sumagot, kaso parehas mali!

Ninong#1: O eto , twenty divided by five?

Inaanak: (nagkamot lang ng ulo, at napangiti)

Ninong#2: Ay tanga? Sayang lang ang baon dito!

Ninong#1: Hindi yan , o eto, bente pesos bawasan mo ng otso pesos?

Inaanak: Twelve pesos! Ninong#1: Bente pesos hatiin mo sa tigli-limang piso?

Inaanak: Kwatro!

(Tawanan...) Ang bata talaga , ang galing pag pera!

Kaka-miss. Di naman siguro masyadong obyus kung sino at ano ang namimiss kong pakinggan. Sinubukan kong ihinto muna ang aking pinakikinggang CD na may pinamagatang "Billboard Top 100 of 1970" dangan kasi ay sobrang di ko na kilala ang ibang kanta at parang me hinahanap na iba ang aking tainga. Inilipat ko sa radyo at pinihit ang talapihitan sa 96.3.

Hindi ko masabi na pangit ang mga sumunod na kanta. Pero kumbaga sa kape, iba na nga ang timpla. Hindi ko malaman kung mapait o kulang sa tamis. Hindi ko na rin naririnig tuwing madaling araw , karaniwang tuwing alas dos ng madaling araw ang awiting "Birthday Song" ni Don McLean na nagkataong paborito rin ng isa sa mga DJ na si Martha del Rosario, ayon na rin sa kanilang dating website na ngayo'y di na gumagana http://www.wrock.fm/ (pero tatangkain pa ring pindutin at puntahan ng isang tangang nagbabasa)

Simula ng bilhin ng Manila Broadcasting Company ang istasyon mula sa pamilyang Hodreal noong 2008, mukhang pinalitan na rin ang mga dating DJ. Ilan sa mga ito ang peborit ko, lalo na ang tambalang Paul and Cherry na pinipilit palitan ng tambalang balahura at balasubas? (ang layo huh?):

- Butch Allen
- Dominic
- Cherry
- Dylan Thomas
- Joven
- Rick
- Paul
- Sandy
- Lianne
- Martha Del Rosario
- Naomi
- Faith Gonzalvo

Kaka-miss din ang kanilang mga dating programa gaya ng Celebrity Minute, kung saan ang mga paborito nating lokal na mang-aawit ay kanilang kakapanayamin at patutugtugin ang kanilang paboritong Lite Rock songs, Lite Rock Exclusives, Fast Dance , Lite Rock Favorites of the Week at higit sa lahat ang Three Of A Kind!

Mahirap talaga mapalitan ang mga bagay na nakasanayan na ng iyong panlasa. Ang tanong , ibabalik pa ba sila? Ilan taon na ang nakakalipas , pero isa ako sa mga tagahanga na hanggang ngayon ay nakanganga at umaasa.


Ngayon , wala ata akong mapagpilian. Pakadyot-kadyot bay? Kelangan ko ba talagang imemorize ng bonggang bongga yan? Bruno? Brownie? Beauty? Meganun? Bisayaang walang hanggan? Joke ba yun? tas me sasagot pa ng uhummmmmmm.


Ipagpaumanhin po ng ibang tagahanga ng mga istasyong ito pero parang gusto kong ibato yung radyo sa labas ng bintana. Kung maari ho , umilag na lang kayo.


Heto, pinatay ko na ang radyo. Isasalang ko itong isa pang piniratang CD na nabili ko sa Quiapo kahapon, "Billboard Top 100 of 1980".

Monday, February 28, 2011

Nasaan ka noong EDSA?

Hindi ko na matandaan, pero malamang naglalaro lang ako noong kainitan ng EDSA I. Mga pitong taon pa lang kasi ako ng mga panahong ito. Ang aking papa't mama naman(hanep, mayaman?) ay malamang kasalukuyang abala sa pagkakarpinterya at pagtitinda ng ulam.

Bakit? Sa aking pagkakaalam, ang Republika ng Zapanta, kung saan ako isinilang, ay pugad ng mga loyalista. Maka-Marcos halos lahat.

Personal ko namang idolo si Macoy. Para sa akin , hindi lahat ng ginawa nya sa Republika ng Pilipinas ay masama. Isa pa sa mga hinahangaan ko sa kanya ay ang pagiging magaling at matalino niyang Lider. Bagama't aminado tayo na marami rin siyang naging atraso sa ating kababayan at nalulong din siya sa sobrang kapangyarihan. Ang iba pang bagay na nagustuhan ko sa kanya, malamang ay gumugol ng isang mala-nobelang lathalain na hindi ko nais talakayin.

Me diwa ang EDSA I. Me halaga. At meron tayong aral na dapat matutunan. Ito lang ang kinikilala kong tunay na mapayapang rebolusyon at lehitimong pag-aaklas ng sambayanan. Nararapat na masulat sa ating kasaysayan. Ang ikukuwento ko sa aking magiging anak. Yung mga sumunod na EDSA ay pawang pang-aagaw lang ng kapangyarihan. Walang hustisya. Pansariling interes lang at kuntsabahan ng mga swapang. Nilahukan ng mga elitista at uto-uto..

Di ko trip na magsulat ng ukol sa EDSA pero di ko mapigilang magbigay ng reaksyon ukol sa aking napanood na panayam sa mga estudyante ukol sa alam nila sa EDSA, minsang maligaw ang aking pagpindot ng remote control sa ANC News.


Muntik na akong malaglag sa aking kinauupuan ng mabanggit ng isang estudyante na isang "General Tomas Diaz daw ang lumagda sa Martial Law!" Meron pang isa na ang edsa daw ay "ginawa ng mga americans", hindi na naberipika kung ang tinutukoy nya ay ang kahabaan ng EDSA. Mayroon pang nag-akala na si "Ninoy ay naging presidente bago pa si Cory?" At sari-saring ewan at hindi alam.

Malamang natutulog yung iba nung kasalukuyang itinuturo ang araling EDSA sa asignaturang kasaysayan, o mas paborito ang aritmetik? O mas marami lang sa kanila talaga ang walang pakialam? Maiintindihan ko kung ikakatwiran nila na sila'y me karga o sabog habang tinatanong.

Hindi ko rin masasagot ang ibang katanungang ipinukol ng tagapagbalita sa mga estudyante, gaya ng eksaktong petsa. Pero masisiguro kong masasagot ko ang iba pang katanungan at matapat kong aaminin kung hindi ko alam kesa magpanggap na may alam.

Malamang na nakakatawa sa iba yung mga tinuran ng mga kinapanayam na kabataan, pero ako? sa totoo lang...kinilabatutan.

Parang naisip ko tuloy minsan hindi na angkop ang awiting Magkaisa ni Virna Lisa tuwing gugunitain natin ang EDSA. Mas akma siguro, Malayo Pa Ang Umaga ni Rey Valera.

Kawawa.

Friday, February 25, 2011

R n Beatles


Mistula akong sinumpa. Hindi ako makainom ng malamig , kaya kahit absent ako kahapon , di pa rin ako makalaklak ng alak. Namamaga kasi ang aking lalamunan , kaya nagkasya na lang ako sa panonood ng telebisyon habang hinihimas ang aking ALAGA! (aso nga gago...).

Hindi ako ang hari ng remote control, dahil me kasamang kontrabida na nakaluklok sa kanan ng aking trono. Si Atheng (my love yihi!). Siya ang nagpapasya kung saang istasyon ako hihinto habang pinipindot ko mula 55 pababa. Anong magagawa ko eh alipin ako ng pag-ibig?

American Idol 10 ang palabas na napili ng Reyna. Parehas kaming natuwa sa palabas dahil Beatles ang tema. Ang magkaka-grupo ay pabubunutin ng awitin ng maalamat na banda at ito'y kailangang mabigyan nila ng hustisya sa harap ng mga inampalan.

Poreber na talaga ang awitin nila. At sadyang ang mahusay na mang-aawit , kahit ano ang ipakanta mo, maganda talaga ang kalalabasan. Tulad ni Paul McDonalds, ikanga'y ang aking manok sa patimpalak na ito. At wag kang magugulat kung sasabihin ko sa yong dito na nagtatapos ang paksang ito. Tinatamad ako eh, ungas. O hala , maki-awit ka na sa kanila.....

Thursday, February 10, 2011

Wer na U?


Enero pa dapat napakawalan ang lathalaing ito, ngunit sa di malamang kadahilanan o nangangalay ata ang aking mga daliri o tinatamad ako na mas gusto ko pang mangulangot kesa magtipa ng isang artikulo.

Pamilyar ang mukha ng nasa bidyo na pinapanood/pinakikinggan ni Boss June ng madaanan ko sya sa kanyang upuan. Boss ang tawag ko sa mga senior namin na nahihingan ko ng tulong at madalas kong tanungan sa mga makakati sa ulo kong cases. Nang tanungin ko siya kung sino yun , nabanggit niya ang pangalang Joanne Lorenzana. Parang me nauga sa hungkag na bao ng aking bungo. Gaya ni Bb. Lorenzana , asan na nga ba ang iba pang alagad ng sining na matagal ko ng hinahanap? Tamang hanap kasi ako nitong mga nakaraang linggo eh, una mga banyagang mang-aawit, yung mga dekada sisenta at sitenta (60's at 70's indio!). Tapos ipo-poste ko sa peysbuk , tapos gugustuhin ng mga ulupong kong kaibigan na mahilig din sa oldies.

Ngayon mga alagad ng OPM naman ang gusto kong hanapin. At gumawa ako ng maikling talaan nung mga medyo mahirap hagilapin. Nakikini-kinita ko na ang eksena nito sa darating na Linggo, isang tasang tsaa, hinihimas ang aking alaga.... (aso gago!) habang nagbabalik-tanaw sa musika ng dekada sitenta.

Nga pala, wag mo kong tanungin kung bakit walang apelyido si Keno at Lilet, hinanap ko ito, pramis, ngunit di ko nasumpungan. Kung nais mong mapakinggan ang awitin nila , punta ka ng youtube.com at hanapin sila doon, hindi ka mabibigo. Sawndtrip tayo.

Joanne Lorenzana
Kung Alam mo Lang
I'll Never Let You Go
Back In Your Arms
www.joannelorenzana.com

Raymond Lauchengco
So It's You
Farewell (uu kanta ito nung graduation nyo?)
Saan Darating ang Umaga
www.raymondlauchengco.com

Keno
A Friend
Leaving Yesterday Behind

Gino Padilla
Closer you and I
I Believe in You
Angel in Disguise

Timmy Cruz
Boy

Lilet
Kahit Bata Pa
Kay Palad Mo
Kaibigan Lang Pala

Flippers
Sa Bawat Sandali
Hindi Ako Iiyak

Bidyo naharbat sa youtube.com, nagpaalam ako sa may-ari ng bidyo ngunit dinedma ako kung payag o hindi.

Thursday, January 13, 2011

Kasama ko sa KASAMAKA





Anim na beses ko na siyang pinapanood ng paulit-ulit-ulit. Di ko alam kung nagagwapuhan ako sa mga kuha ko o merong di maipaliwanag na damdamin dun sa video na pinost ni Sir Butch dun sa nakaraang pagkikita-kita ng IV-1 na naging outreach program.

Isa't kalahating oras lang ang tulog ko pero nag-pagising pa rin ako sa aking kasintahan na adik sa Plants Vs.Zombies para mag-grocery. Ito kasi ang napagkasunduan namin ng presidente ng klase, Pablo Pingol Jr. aka Olbap Longip, ang magdala ng kaunting maitutulong sa ilang kababayan natin na may kapansanan. Naging negatibo pa nga ako sa una, dahil sinabi kong hindi maasahan ang ilan naming kamag-aral sa mga ganitong pagkikita-kita sa buwan ng Disyembre kaya napagpasyahan na ganapin sa buwan ng Enero.

Linggo ng magkita-kita kaming magka-kaklase sa harapan ng Mababang Paaralan ng Rafael Palma upang dumiretso pagkatapos sa bulwagan ng La Paz kung saan magaganap ang pagkikita-kita at programa. Gaya ng huling pagkakadaupang palad na nailahad ko na sa mga nauna kong lathalain, napakasaya nito bagamat mabibilang mo sa pinagsama-samang daliri sa paa't kamay ang mga dumalo. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang layunin ng presidente ng klase na ipagpatuloy ang pinlanong pagtulong. Isa sa mga hinangaan ko ay ang aming kamag-aral na si Olivia Salazar na piniling mag-trabaho sa DSWD at pagsilbihan ang mga batang may kapansanan ng kasapi ng KASAMAKA CBR Foundation. (saludo ako sa iyo klasmeyt!).

Ang video ang magsasalaysay ng mga sumunod na pangyayari. Normal at masaya ang aking pakiramdam sa kabuuan ng palatuntunan. Sigurado ako na kung mga matatanda ang aming tinulungan , di ko mapipigilang lumuha. Di ko maipaliwanag kung bakit parang ordinaryo lamang ang aking naramdaman ng matapos ang programa.

Natapos ang aming reunion sa Starbucks sa MOA. Hinatid ko ang aking kasintahan patungo sa kanilang tahanan malapit lang din sa pinag-ganapan ng outreach program. Di ko inaasahan na ang isa sa mga inimbita dun sa outreach program ay makikita pa rin namin sa daanan. May kadiliman ang lansangan ngunit malayo pa lamang ay nakita nya na kami habang kalong ang kanyang kapatid (ata) na may kapansanan at kami ay kanyang binati. Binati ko rin siya ng isang matamis na ngiti ngunit di ko na nagawang tanungin pa siya kung bakit nasa kalsada pa rin sila bagamat gabi na at nagpatuloy kami sa paglalakad. Maraming tanong ang naglaro sa aking isip habang papalayo kami sa kanila. Parang gusto ko silang balikan at tanungin kung bakit nasa labas pa rin sila ng kalsada kalaliman ng gabi. Kumain na ba sila? Wala ba silang bahay o sa kalsada lang ba sila matutulog? Puro de lata halos yung naibigay ko, meron man lamang ba silang pambukas sa lata ng sardinas? Paano at saan nya lulutuin yung bigas na kasama sa aking mga napamili?

Dito ako nakaramdam ng awa at medyo nangilid ang aking luha. Ito yung hindi ko naramdaman nung ginaganap ang palatuntunan. Di ko naisip na maliban sa kapansanan di ko naitanong sa aking sarili kung gaano kaayos yung buhay ng aming mga nabahaginan ng kaunting tulong? Gayunpaman, naisip ko na sa ngayon , yun pa lang ang talagang maitutulong namin. Sana kahit paano, makakasapat na yon para pantawid-gutom ng ilang-araw dun sa mga dumalo na talagang hikahos sa buhay. Sana maulit. At sana sa susunod maraming kaklase ang sumama at tumulong sa mga miyembro ng KASAMAKA.
Video galing sa YouTube hiniram sa: http://butchcafe.wordpress.com





Sunday, November 28, 2010

Impluwensya ni Doraemon 3

Bella Angeles Abangan
Kung nais maging positibo ang pananaw sa buhay, magkaroon ng inspirasyon, dagdag na lakas ng loob at maging matibay ang pananalig sa buhay, magbuklat lamang ng pahayagang Tempo at basahin ang "Lakbay Diwa".

Huli na ng malaman ko na nagturo pala si ma'am sa PLM , hahantingin ko sana ang kanyang klase at magpapalipat. Napakasarap atang makinig sa isang propesora na tunay na alagad ng yeso't pisara, napakadami mong matututunan sa buhay. Hindi ako nagsusulat ng mga gaya ng sinusulat ni ma'am , pero pag nababasa ko ang kanyang lathalain , parang ang sarap mabuhay, lumaban sa pagsubok at magtagumpay. Aminado ako na madalas akong magpahid ng luha kapag nababasa ang kanyang mga maikli ngunit makabuluhang sinusulat, kaya pag di ko trip maiyak, pinagtyatyagaan ko na lang yung mga babasahing tulad ng Toro, Remate at Bomba (joke only!).Ang manunulat na tulad ni ma'am ang aking impluwensya sa makabuluhan, inspirasyunal at maka-Diyos na mga sulatin(kung meron man, ehehehe).

Masashi Kishimoto
Hindi ito yung naka-imbento ng nilalagay ng nanay mo sa lutuin para sumarap, unggoy! Si G. Kishimoto ang gumawa ng manga komiks na NARUTO. Sa tanda kong ito (kahit di halata), lulong pa din ako sa mga nagliliparang ninja, samurai , kung-fu at karate. Isang matalik na kaibigan ang nagpakilala sa akin ng ligaya ng pagbabasa ng Manga at dapat sisihin sa pagka-ulol ko sa Naruto. Hindi naman ako masyadong naa- adik dito, kasi bumili pa ko ng dvd kahit alam ko na ang mangyayari, bumili pa ko ng keychain na madalas namang nawawala dahil nalalalaglag o me kumukuha sa aking bag pero bumibili pa rin ako ulit, inaabangan ko din ang paglabas ng pinaka-sariwang kabanata sa ganap na ika-12 ng madaling-araw tuwing huwebes at higit sa lahat , gaya ng mga di masyadong pangkaraniwang hibang dito , pagtapos basahin ang manga, pinagdidiskusyunan namin ito at pinagku-kwentuhan kahit pare-parehas naman kaming katatapos lang itong basahin!

Impluwensya kay Masashi ang obra ni Akira Toriyama, ang Dragon Ball. Sa kabilang banda, kung ako naman ay napagkalooban ng talento sa pag-guhit at pagsusulat, gagawin kong inspirasyon ang husay ni G. Kishimoto, at mawawalan ng trabaho si G. Carlo Jay Caparas dahil ang mga lathalain ko ang babasahin ng mga Pilipino (kasarap mangarap!).

Hiroshi Fujimoto
Alyas Fujiko F. Fujio. Pangarap ko ang mga nagawa ni G. Fujimoto, ang makapag-sulat o lumikha ng isang lathalain o karakter na nakakatawa ngunit nagpapakita ng kabutihang-asal gaya ng pagsisikap, katapangan , pagiging marangal at paggalang sa matatanda. Siya ang henyo sa likod ng karakter na Doraemon na sumikat sa kanilang bansa. Isipin mo na lang , kung totoo lahat ng gadget na lumalabas sa bulsa ng robot na pusang ito , e di kung ikaw si Nobita mapapakanta ka na lamang ng "What a Wonderful World".

Nasa ibaba ang maikling trivia na matagal kong sinaliksik ukol sa karakter na 'to (mga dalawang click sa gugel). Sige na nga para di ka magmukhang tanga , tatanungin muna kita. Alam mo ba?

1. Na ang ibig sabihin ng "Doraemon" ay pusang-gala.

2. Na si Doraemon ay walang tenga dahil kinain 'to ng isang daga, dahil dito nagkaroon siya ng
buratophobia o matinding takot sa daga (tanga ang maniniwala!).

3. Na si Doraemon ay galing sa hinaharap, inimbento ni Sewashi na kaapo-apuhan ni Nobita.

4. Na nilikha si Doraemon upang mapabuti ang susunod na henerasyon ni Nobita, na walang kapaga-pagasa sa buhay at puro ngawa lang ang alam.

5. Na Gian o Jaian ang tunay na pangalan ni "Damulag". Ewan ko ba kung bakit eto pinangalan , pwede namang Bartolo o kaya Bondying?

6. Na si Nobita ay Grade-IV, section kalabasa (oooowwwwsss?).

7. Na ang kwento ni Doraemon ay hindi natapos dahil natigok na si G. Fujio noong 1996, pero maraming nagsulputang mga kwentong katapusan pagkaraan nito.

8. Na tapos na 'to nagbabasa ka pa?

Thursday, November 25, 2010

Impluwensya ni Doraemon 2


PATALASTAS:
Nakasalubong ko ang isa sa aking cute na inaanak at ako'y kanyang binati ng isang napaka-tamis na ngiti, sabay mano:

Inaanak: Ninong Jam nauna ko sa'yo!

Ibig sabihin nito , pengeng limang piso...

Jamo: Alang dalang pitaka si Ninong eh!

Sabay hawak sa ulo ng aking inaanak para di na ko masimangutan.

Jamo (ulit): Anong gusto mong regalo sa pasko?

Para malayo na yung usapan sa limang-piso.

Inaanak: Cellphone! Sabay ngiti ng ubod-tamis na may halong ningning ng mata na tila may malaking pag-asa.

Jamo: Tanga! Di pwede, marami na kayo!

Tinapik ko yung ulo ng bata sabay talikod. Naisip ko, tangina, lumaki pa tuloy yung limang-piso, ehehehehe.

Dra. Margie Holmes
Kung payong sekswal din lang naman ang hanap mo, si Dra. Holmes ang eksperto. Isang mahusay na sikolohista na handang makinig sa iyong problema at ibahagi ang kanyang kahusayan, bigyan ka ng propesyunal na payo gaano man kataba o kaigsi ang "pototoy" mo, sinluwag man ng batya ang "pitaka" mo?. Hindi man ganoon kahusay ang kanyang pananagalog, mababasa mo sa kanyang panulat ang garantisadong sagot at payo sa kahit anong problemang sekswal mo.
Ang nagustuhan ko sa matalinong propesorang ito na isa sa aking iniidolo? Simple lang , "Walang Bolahan!".

Alfie Lorenzo
Ke Tito Alfie ko nakuha yung mga banat na me open and close parentheses (yung ganito, tanga!). Enjoy ako basahin ang mga kolum niya, dahil iilan lamang sya sa mga manunulat na may mga pagsasaliksik na ibinabahagi ukol sa paksa na kanyang isinusulat. Mas na-aaliw akong basahin ang sinusulat nya kapag meron siyang kaaway. Sino ang makakalimot sa banatan nila at pagpapalitan ng birada nina Pete Ampoloquio at Peter Ledesma? (di mo kilala? i-google mo tanga!)

Si Alfie Lorenzo ay miyembro ng pamosong "Troika" kasama ang dalawa pang yumaong beterano at mahusay na manunulat na sina Oskee Salazar at Billy Balbastro. Kaiba sa ibang manunulat sa showbiz, intelihente at halatang hindi binayaran ang mga sinusulat ni G. Lorenzo. Mas nagustuhan ko rin sa kanya ang walang takot na pagpapahayag ng kanyang opinyon at saloobin sa kanino mang tao, sa mundo man ng pulitika o itinuturing mang star ng showbiz. "Star nga ba?".

Meron pa sana akong idadagdag , kaso lang aandap-andap na ang koneksyon ko sa SBW (Sun Broadband Wireless, engot!), hanggang sa muli!

Tuesday, November 23, 2010

Impluwensya ni Doraemon

Nahiya naman ako sa isang dating kamag-aral sa kanyang komentong iniwan sa FB (Facebook, tanga!), ito ang nagtulak sa akin (tinulak daw oh?) upang muling buhayin ang blog na ito. Ngunit ang katotohanan, namatay ang 3rd hand kong laptop na hp ze200t. Sosyal di ba? Pero sinabi ko ang tatak para wag ka ng bumili boplox! Parang plantsang nagbabaga ang processor at nasa bundok ng timbuktu ang piyesa. Sa madaling salita, bumili ako ng bagong laptop mula sa pinagputahan ko heto nababasa mo na naman ako.

Narito ang kanyang tinuran. Paumanhin ngunit di ko na isasalin sa ating sariling wika , kasehodang magdugo ang ilong mo, tsaka wag mo ng tanungin kung ano yung ":D" (tungaw!):

A good person! A good writer! He could have been more popular than Bob Ong should he focused on his writing skills! :D

O di ba? Parang komento lang ng guro na isinulat sa form-138. Nakakataba ng puso, isang salamat na lamang ang aking naiganti. Pero di ko ata kayang higitan ang talento ni Master Bob Ong. At dahil nabanggit na rin lamang ang kanyang pangalan, naisip kong ilathala ang mga manunulat na naka-impluwensya sa paraan ng aking pagsusulat.

Bob Ong
Bago ko pa nabasa ang unang libro ni Bob Ong na Abanakakabasanapalako (tama ba?) na pinahiram sa akin ng isang espesyal na kaibigan (hindi yung tumutulo laway ha?), nagsusulat na ako. Pero hindi ko kinarir at pinagpapalipasan ko lang ng oras lalo na sa mga panahong nalilipasan tayo at tanging nginangatngat ay dulo ng mongol. Hindi natin kayang tapatan ang husay , banat at diskarte ni Master B.O , pero aminado ako na malaki ang impluwensya niya sa aking paraan ng pagsusulat at ang istilo nya ay aking hinahangaan.

Jose Rizal
Nasa kolehiyo na ako ng higit kong maunawaan kung gaano katalim ang panulat ni Dr. Jose Rizal. Lingid sa kaalaman ng iba, naging malalim ang aking pananaliksik sa buhay ng ating pambansang bayani. Pambihira ang kanyang katalinuhan at mas lalo ko pa syang inidolo ng malaman ko na mahilig din siyang maglaro ng ahedres. Nang malaman ko pa na matinik to sa tsikas, kung saan tula ang pinandadale kumpara ngayon na lab kowts ang pandagit, mas naging kahanga-hanga ang ating pambansang bayani di lamang dito kundi sa iba pa niyang naisulat. Ang pagsusulat ko ng mga seryoso at makabayang lathalain ay dulot ng impluwensya ng ating dakilang bayani.

Conrado De Quiros
Kung magiging mahusay ako sa pagsusulat sa ingles, wala na akong hihilingin pa kundi maging kasing-husay ng kolumnista ng isa sa pinaka-matapang at pinagkakapitagang dyaryong inquirer. Ang mga kolum ni G. De Quiros sa "There's the Rub" ay malaman, napapanahon, totoo at matapang. Pinakapaborito kong isinulat nya ay yung pinuno nya lang yung buong kolum niya ng katagang "Hello Garci".

Xerex Xaviera
Sa maniwala ka o hindi me impluwensya din sa aking itong manunulat na ito. Nasa ikatlong grado ako ng mabasa ko ang una niyang kolum ng magbitbit sa eskwelahan ang isa kong kamag-aral ng dyaryong abante. Hindi ko na babanggitin pa ang pangalan ng aking kaklase pero ang clue , wala siya sa larawan ng aming klase na sinundan ng artikulong ito (naku daling hulaan kung sino absent , ehehehe). Dalawang lathlala ni G. Xaviera ang di na nawaglit sa isip ko, yung una kong nabasa na binobondyobi niya yung mga baboy ng tiya nya kaya malulusog ang mga ito at masisigla at yung isa na ang pamagat ay "Ano? May kuto sa bulbol?". Bago ka humagalpak ng tawa o ngumiting parang demonyo, nais kong malaman mo na me aral ang mga sinusulat ng manunulat na ito. Ang una ay nagpapakita na ang mga tao ay mayroong mga kaugaliang sekswal
na kailangang isangguni sa eksperto o propesyunal at yun namang ikalawa ay nagmumulat na maging maingat sa pakikipagkangkangan kung kani-kanino (whew! lusot ba?).

Minsang naisipan kong gumawa ng isang lathalain na nakakapagpainit ng pakiramdam at ginamit ang impluwensya ni G. Xaviera(parang vicks?), at ilagay ito sa isang forum na naglalaman ng maraming ganito gamit ang alyas sa panulat na (secret...?) at pinamagatang (sekreto ulit...). Nagulat na lamang ako dahil ang aking kasama sa trabaho ay umiidolo na sa akin (huli ka kapatid!), na hindi nya nalalaman na ako pala iyon. Naniwala na lamang siya sa akin nung ipakita ko sa kanya ang mga kopya ng mga word document na naglalaman ng orihinal na kwento at sabihin ang detalye nito. Itinigil ko na ang pagsusulat ng mga kwentong ganito dahil masikip lang sa pantalon.....

Me kasunod....(antok na ko eh).

Sunday, May 30, 2010

OLDSKUL







Hindi nagtatapos sa mga litrato noong ika-apat na baitang ang bumaha sa facebook. Marami pang mga nagsulputang lumang litrato. At lahat sila ay talagang nakakatuwa at nagbabalik ng sayang dulot noong ako ay supot pa. Eto yung mga panahong de-ikot pa ang mga kamera at hanggang 24 shots lang. Di tulad ngayon na kahit lahat ng pagtutuwad-tuwad ang gawin mo sa harap ng digicam, di ito mauubusan.

Ang pagpapalitan ng litrato ay hindi lamang humantong sa muling pagkikita-kita sa facebook. Nauwi ito sa isang personal na pagkikita-kita na ginanap sa CCP. Kung ihahalintulad ito sa isa pang grupo ng mga ka-batch din mula sa pribadong eskwelahan na nagkita-kita rin sa naturang lugar, marami sa amin ang absent ngunit bakas ang mas masaya at walang halong erehan na pagkikita-kita. Di ko mailalarawan ang saya. Hindi ako nagsisisi na pinilit kong bumangon kahit pagod pa ang aking katawan dulot ng magdamag na trabaho.

Malalaki na nga kami. Ang mga dating supot ay pawang mga tatay na. Ang mga walang muwang na kaklaseng babae ay may mga anak na rin. Ako, na dating di nawawala sa unahang pila dahil sa pangalawa o dili kaya ay pangatlo sa pinaka-maliit na estudyante, ngayo'y tila pinaka-malaki pa ata sa lahat ng dumalo.

Di rin nakaligtas sa usapan ang mga nakakatawang pangyayari noong kami ay nag-aaral pa. Pati yung bagong apartelle/motel na itinayo sa harapan ng aming eskwelahan ay napagbalingan. Talagang malalaki na nga kami.

Oo malalaki na nga kami. Ang dating hawak ay lapis at papel , ngayo'y bote ng red-horse at sigarilyo na. Nang magkaroon ng munting palaro , ang hep-hep hooray ay ginawang pek-pek burat! O di ba masaya? At ako pa ang tinanghal na nagwagi sa palarong ito, tumanggap ng Giorgio Armani na pabango bilang gantimpala. Palatandaan na kapag kabastusan, kampeon ang inyong abang-lingkod ehehehe.

Ika-nga ni Gary Valenciano, sana'y maulit muli. Mabuhay kayo, mga naging kaklase ko at ka-batch sa Mababang Paaralan ng Epifanio delos Santos. I lab yu ol !



Tuesday, April 27, 2010

Kesong Keso


Me kesong maliit , me kesong malaki, kesong maasim at ubod ng sarap ng keso gaya ng binanggit ko. Dito ko unang narinig ang katagang "say cheese!". Bumalik sa aking gunita ang dahilan kung bakit ganito na lamang ka-cheesy ang aming mga ngiti sa larawang ito ng aking mga kamag-aral noong ako'y nasa ika-apat na baitang sa Mababang Paaralan ng Epifanio Delos Santos Elementary School.

Tanggal agad ang aking pagod mula sa magdamag na pagtatrabaho ng aking masilayan ang larawang ito mula sa isang kamag-aral na nagkataong nahanap ako sa facebook. Nagbalik ang mga di malilimutang istorya ng aking kabataan na hindi na mawawaglit sa aking gunita:

NOISY
Aalis ang aking guro ng araw na iyon at dadalo daw sa isang mahalagang pulong kaya nagpasya siyang iwan ang klase at inutusan ang isa kong kamag-aral na isulat sa pisara kung sino ang maingay.

Tila nakawala sa kural ang aking mga kaklase makaraang lumisan ang guro sa silid aralan. Ang pisara ay halos mapuno ng mga pangalan at di mabilang na tantos at guhit ng mga kaklase kong maingay. Pahuhuli ba naman ang isang madaldal at makulit na tulad ko? Kabilang ako sa mga nalistang maingay ngunit mga dalawang guhit lamang ata ang bilang ng aking noisy. Kumpara sa mga landslide victory ng iba kong kamag-aral na halos magwala na sa pag-iingay habang wala ang aming ikalawang ina.

At dumating ang guro. Nakabibinging katahimikan ang bumalot sa buong silid-aralan. Mukhang napagod ng husto sa di malamang kadahilanan at mukhang hindi natuwa sa nakitang dami ng guhit at pangalan ng maiingay. Mula sa kung saan ay meron na siyang hawak na pamatpat.

Tinawag ang unang nakalista, pinalahad ang kamay. Isa! Dalawa! Tatlo!

Tatlong palo ang tumama sa kanyang mga palad dahil tatlong guhit ang nakalista sa kanya bilang noisy. Parang naging epileptic ang naturang estudyante dahil di malaman kung ipupunas sa pwet ang kanyang mga kamay o hihipan ito upang mawala ang sakit na dulot ng ginawang palong dumapo sa kanyang mga palad.

Hindi lumipas ang mahabang panahon at natikman ko rin ang dalawang hampas sa aking mga palad. Masakit nga talaga.

Gusto ko sanang maiyak sa hapdi ng aking mga kamay pero medyo natawa talaga ako ng makita ko ang bilang ng guhit na inilista sa isa kong kamag-aral. Lagpas sampu ata.

Kung di ako nagkakamali di na umabot ng sampu yung hampas na dumapo sa kanyang mga palad. Suko na kumbaga. Nadala. Mukhang napawi din naman ang galit ng aming guro at siguro ay naawa.

Ng mga sumunod na mga araw ay nagpaalam muli ang aking guro na me dadaluhang importanteng pulong at nagtakda ng isang estudyante na maglista ng maingay. Kakaiba sa nakaraang tagpo , ng meron akong kaklase na kumibot lang ng konti at nailista ay pumalahaw na agad ng atungal na kala mo ay bibitayin. Walang nagawa ang aking kamag-aral na naglilista kundi burahin ang kanyang pangalan dahil sa awa upang tumigil na rin sa pagngawa ang nailista.

Lumipas ang ilang oras na parang sementeryo sa katahimikan ang buong silid-aralan hanggang muling dumating ang aming guro.

Kababait na mga bata....

MAGNANAKAW

Isang ordinaryong araw, isa sa aking mga kamag-aral ang ngumawa na siya raw ay ninakawan. Isa sa aking mga kaklaseng babae ang kanyang pinagbibintangan. Itago na lang natin siya sa pangalang Gloria (ang shayah no?).

Nagkaroon ng isang malawakang kapkapan, at sa aking pagkakatanda ay walang nakuhang ibidinsya na si Gloria nga ang nang-umit sa aming kamag-aral.

Uwian.

Habang lulan ako ng pampasaherong jeep ay natanaw kong naglalakad si Gloria kasama ang isa pang di ko na matandaang ngalan ng aking kamag-aral. Likas na makulit, hindi ko na rin malaman kung bakit ko naisipang isigaw ang pabirong pangungusap na ito habang mabilis na umaandar ang jeep na aking sinasakyan:

" Gloria! Alam ko na kung sino yung nagnakaw, yung MAGNANAKAW!!!!".

Kinabukasan....

Isa sa aking mga kamag-aral ang nag-chismax sa akin na galit na galit daw akong hinihintay ng Nanay ni Gloria sa aming silid-aralan. Sinabihan ko daw ang kanyang anak na MAGNANAKAW!!!

Gustuhin ko mang magpaliwanag. Naunahan na ako ng takot at dali-daling umuwi na at nagpasyang hindi na pumasok ng mga araw na iyon.

Natatandaan kong nung mga sumunod na araw ay sinasabihan ako ni Gloria na lagot ako sa nanay niya, pero dinedma ko na lang ang mga ito. Hindi ko na nagawang ipaliwanag pa ang naturang pangyayari o humingi ng paumanhin sa aking kaklase dahil sa likas kong kadaldalan at kawalanghiyaan nung mga panahong iyon.

Marami pa akong mga kwentong nais ibahagi na sariwa pa sa aking ala-ala nong mga panahong ito na nasa larawan. Mga tumaeng kaklase, malakas na lindol noong 1990, pagkamulat sa mga makamundong bagay at iba pa, pero sapat na itong mga kwentong ito para gunitain ang mga masasayang nakaraan.

Ang aral na makukuha sa kwentong ito: Wag magbibitaw ng mahabang pangungusap habang umaandar ang Jeep, malamang yung huling salita lamang ang maririnig. Sa susunod , pumara muna bago magbitaw ng dyoks. Oki?

Monday, April 12, 2010

Bobotante

Minsan mabuti ring nagbabatuhan ng putik ang mga taong ating iluluklok sa gobyerno. Yun kasing putik pwedeng lagyan ng palamang bato , tas pag me inabot. Bukol.

Muntik ko ng piliin ang isang taong laki sa hirap, taga-tondo, nag-breast stroke o free style daw sa dagat ng basura at magtatapos daw ng ating kahirapan para maging Presidente. Bilib ako, sa una pa lang sa paghawak ng tao, sa diskarte sa mga patalastas, di ko gaanong pinansin ang paratang na nag-ala Moises siya, hindi dahil sa paghati ng dagat kundi sa ginawang pagbaluktot ng isang mahabang kalsada para makinabang ang kanyang negosyo. Katwiran ko, inggit lang marahil sa kanya yung iba. Lalo na yung isang medyo hawig ni Judy Ann Santos nung mga panahong mukhang siopao pa siya, kung bola-bola o asado, hindi ko na sasabihin.

Hindi daw siya mahirap. Sabi nung isang medyo napapanot na kandidato na maputok sa botante dahil sa kanyang apelyido. Hindi ko rin ito iboboto kahit sabihing malinis pa sya sa pinagbabaran ng Tide with Safeguard ni Bossing. Dahil para sa akin, wala nga siyang bahid, ngunit wala din siyang kayang gawin, at gagawin. Kung bakit ko nasabi? aba'y sa susunod na lang kung sisipagin. Hindi ko rin to pinakinggan, dahil natural lamang sa isang kalaban na mambato ng tae (ang baho nun ah?). Nang me kapanayamin sa ANC na isang kolumnista na nagsasabing me mga dokumento siyang makapagsasabi na ang kapatid pala nitong si kandidato ay natigok sa isang pribadong ospital at ibinurol sa isang pang-elitistang punerarya. Aba'y nagduda na ako.

Nang gugelin ko ang kanyang pangalan (i-google tanga?), sabi ni wikipedia, http://en.wikipedia.org/wiki/Manny_Villar. Gumradweyt ng Holy Child Catholic School at MAPUA ang butihing senador. Aba'y niloloko ata ako nito. Pribadong paaralan nag-aral tas pinalalangoy sa basura? Magagalit si fader nyan...

Eksaherado ang pagsasabi nyang mahirap. Kahit sabihing nagkaroon ang nanay niyang si Aling Curing ng tindahan sa Singalong na dati raw mistulang Tondo, kung saan tayo lumaki. Pwedeng naging mahirap pero hindi ganoon kahirap kung paano nya ipakilala ang kanyang sarili sa mga bobotante. Masyado ata tayong ginagawang tanga. Nagduda din ako ng mabalitaan ko na nagtalunan sa barko nya ang mga pulitikong gaya ni Chavit Singson na bespren ni sherap. Aba'y bespren nito si madam poreber powerful tas magiging kakampi nya? Ganundin ang iba pang pulitiko na kaalyado ni madam. Parang kukunot ang noo mo sa isyung siya ang lihim na kandidato ni madam poreber powerful na magiging kongresista , pagtapos ay magiging speaker of the house tas magkakaroon ng cha-cha, magiging parlyamento ang gobyerno at siya ang maluluklok na Prime Minster pagkatapos di pa rin siya makukuntento , hanggang maging Monarkiya at siya na rin ang magiging Reyna, o di ba?

Kung nag-iisip ka at magsusuri, aba'y matuto kang magtanong , magsuri at wag magbobo-bobohan...

GIYERA sa MAYNILA

Pinaka-aabangan ang laban ni Dirty Harry at Ginoong bulaklakin sa Maynila. Himayin natin.

Nang maging alkalde ang bumubuhay ng Maynila, nabuhay nga ang Lungsod. Nagkikislapan ang ilaw sa daanan, malinis ang daanan ,at masaya hanggang Baywalk. Ang ilaw na ito ay hanggang
ay abot hanggang Mabini na ipinasara naman dati ni Dirty Harry. Ke Dirty Harry naman, gusto ng pantay na oportunidad, sa sobrang pagkapantay pati sidecar pwede na rin sa malaking lansangan gaya ng Taft, kung kaya mong humataw kahit sa kahabaan pa ng Osmena pwede. Di naman to pwede ke G. Bulaklak na gusto ng kaayusan at kalinisan.

Parehas na halos walang droga sa panahon ng panunungkulan ng dalawa. Parehas naman silang tumulong sa mga mahihirap , mas peborit nga lamang ni Dirty Harry ang Tondo kaya mas buhos ang atensyon niya doon, ewan ko lang ke G. Bulaklakin kung peborit nya ang St. Andrew's Field (San Andres Bukid kupal!).

Kung iisipin , mahirap pumili. Pero bibigyan kita ng tip. Nung nag-aaral ako sa kolehiyo , tinalo ni G. Bulaklakin si Dirty Harry, nadama ko ang pagkakaiba nila dahil ang Alkalde ng Maynila ang may hawak sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Napabalita dati na me ibebentang pag-aari ng isang paaralan si G. Bulaklakin, samantalang sa panahon naman ni Dirty Harry ay nakita kong me mga bagong eskwelahang ipinagawa at ipinaayos. Mas may malasakit sa edukasyon si Dirty Harry, marami siyang pagkukulang pero siya ang iboboto ko.

Lapit na bumoto ha? Wag kang bobo.

Larawan ni Manny Villar ay nadampot ko lang sa internet at wala akong pakialam kung kanino man ito.

Friday, March 19, 2010

Nakakaumay

Nagbalik-tanaw sa aking gunita yung binitawang salita ng aking maestra sa asignaturang sikolohiya sa isa kong kamag-aral na lagi na lamang huli kung pumasok at lagi pang natutulog sa klase. Tinanong sya kung bakit lagi siyang parang pagod na pagod sa pagpasok , sumagot ang aking kaklase ng buong pagmamalaki na pinagsasabay niya ang pagtatrabaho at pag-aaral. "Kung malakas pa naman ang iyong mga magulang at kaya kang igapang sa pag-aaral , hayaan mo silang magtrabaho para ka papag-aralin. Pagkatapos mong mag-aral , puro trabaho rin ang aatupagin mo hanggang sa pagtanda". Parang malapit sa pangungusap na iyan ang tinugon ng aking propesora sa sagot ng aking masipag na kamag-aral. Anong nangyari sa aking uliran at dakilang kaklase? Binagsak siya ng naturang guro sa asignaturang iyon dahil patuloy pa rin siyang nahuhuli ng pasok at tila kandilang aandap-andap tuwing nagka-klase.

Bakit ko naalala ang mga tagpong iyon?

Dahil nauumay ako sa trabaho....

Tama ang tinuran ng aking maestra. Wala ka ngang gagawin pagtapos mo ng kolehiyo kundi kumayod. Meron ding sumiksik sa aking gunita habang nagtitipa ng lathalaing ito. Sabi naman ng Boss ko sa una kong trabaho. "Mag-anak ka Jam para magkaroon ka ng bagong perspektibo at inspirasyon sa buhay"

Naisip ko , salbahe to ah? Mambuntis daw ako pero di sinabing mag-asawa?

Pagod lang siguro ako at umay sa trabaho. Ni hindi ko na nga makuhang mag-lathala ng regular dito. Pero okey lang , tinitgasan pa naman ako eh, hehehe. Heto habang nagpapatuyo ng buhok, tsaka ko naisipang magtipa.

Gayunpaman kailangan ko lang sigurong maglibang-libang at pagtagni-tagniin ang mga sinabi ng mga taong nagbigay impluwensya sa akin kung ano ako ngayon. Baka me punto rin sila.

Heto , gumawa ako ng talaan ng mga dapat kong gawin para mawala ang umay sa buhay:

Magpunta sa Pambansang Museo sa susunod na linggo.
Mag-swimming ng hindi nagpapaalam kay Mowa (dahil ayaw nya kong umitim lalo).
Magluto ng espesyal na pulutan para sa isang palihim na inuman sa Linggo ng gabi...
Magbuhat ng bakal.
Mag-jogging sa Linggo ng umaga.
Mag-date sa Fort Santiago
Maglaro ng ahedres sa kabliang baranggay.
Mag-aya ng mga dating kasama sa trabaho ng isang biglaang kainan session.
Laruin si Moja.
Laruin ang sarili.
Laruin ang iba....ehehehe

O sya, sound trip muna...wrong spelling huh? Noel Cabangon dapat. Relak , watch and listen.

Sunday, January 31, 2010

Dialogo at Upakan

Na-wow mali ako nina Joey De Leon. Akala ko sila talaga ang kumatha ng liriko at musika ng awiting Upakan, ito pala ay "spoof" bersyon ng orihinal na kantang Dialogo(Usapan) ng Singsing. Misteryo sa akin ang pangalan ng duet na ito. Di ko magugel (google tanga!) ang impormasyon ukol sa umawit. Ang naharbat ko lang, kasama ang kantang ito sa album na "Decade of Duets" kung saan binanggit ang pangalan ng mga nag-dueto, maliban lamang sa mang-aawit na Singsing. Medyo kukunot ang noo mo at maraming maiiwan na tanong , sino ang magkatambal na mang-aawit? Mag-asawa ba sila? Parehas ba silang me wedding ring na suot? O parehas silang putol ang pala-singsingan kaya gusto nila ng Singsing?

Kung di ko pa napakinggan sa "Singing Bee" di ko malalaman. Gayunpaman , pinahanga na naman ako ng TVJ, para sa akin , ibang klase ang utak nila sa kalokohan at pagpapatawa. Usapan ang ibig sabihin ng Dialogo tas ginawa nilang Upakan. Misteryo rin kung sino ang babaeng kaduweto at kakilitian ni Joey. Si Dina Bonnevie ba ito o si Ate Shawie?

Kanta tayo ulit bago kita ma-upakan.....





Sunday, January 10, 2010

Mainam na Bukang-Liwayway

O di ba okey ang pamagat? Kung baga pagmulat mo ng iyong mga mata ay magigisnan mo na kaagad sa durungawan ng inyong tahanan ang mainam na sikat ng haring araw at dumampi sa iyong balat ang mainit na silahis nito. Tanda na bagong taon. Bagong pag-asa.

Matapos gunitain kagabi kasama ng aking mga kumpare ang sarap ng ginawa naming maliit na Ihaw-ihaw salu-salo (mini-BBQ party, bungol!) noong nakaraang unang araw ng Enero, napagpasyahan naming ulitin ito ngayong Linggo ngunit iba naman ang pulutang aming titirahin. "Healthy" ang inuman namin. Dalawang bote ng Paul Masson (red wine tanga!), manok na ibinabad sa Mama Sita's oyster sauce at iba pang sangkap na itinuro sa akin ng aking inay, pang-marinade, para ihawin habang lumalagok. "Steamed Broccoli" na may oyster sauce at binudburan ng piniritong maliliit na pirasong bawang. Fruit Salad. Natirang ube sa refrigerator noong pasko. Ilan lamang sa mga maka-kalusugang pulutan na binira namin nuong bagong taon na gusto naming ulitin mamaya.Oki ba?

Simulan ang araw ng tama.

Alas singko 'y medya ay nagising ako hindi sa alarma ng aking selepono(cellphone di ba, engot?) kundi sa atake sa pulikat sa binti. Matapos ang mga ilang minutong pamamaluktot hanggang sa mawala ang pulikat ay tumayo na ako upang maghanda sa pagdya-dyaging. Pagbaba ko ng hagdan ay sinalubong ako ng pagkawag ng buntot ng aking alagang si Moja, tanda ng pagbati ng isang magandang umaga. Medyo malamig ang likidong aking naluhuran nung aking nilandi ang aking makulit na tuta, pag-amoy ko ay ihi pala ni kupal. Pagpasok ko ng banyo ay meron akong natapakang malamig na madulas. Tae pala ng sosyal kong aso na hindi mo malaman kung maliit na kangaroo o daga. Gustuhin ko mang magalit, naiisip ko naman na kung nakakasagot lang ang aso, baka mangatwiran ng "sa banyo naman ako tumae ah , abot ko ba ang kubeta?". Oo nga naman..

Buhkit kaya?

Habang tumatakbo papuntang CCP ay marami akong napuna na ewan ko kung tama ba o maling punahin o sadyang ako lang ang nakakapansin kaya ako magtatanong ng ganito. Isa-isahin natin:

Buhkit kaya kailangan pang isigaw ng barker kung saan ang biyahe ng isang dyip samantalang
nababasa naman ng pasahero sa harap at sa gilid kung saan ang ruta. Ang tanga namang dyipney drayber, binabayaran ang barker na isinigaw lang ang mga letrang nakatatak sa kanyang dyip na tiyak namang nababasa ng mga pasahero?

Buhkit kaya ang mga drayber ngayon kahit hindi mo parahin, hihintuan ka at uulitin pa yung nakapaskil na ruta sa kanya at para bang kung makahikayat ay alam nyang sa ruta nya ka pupunta? "Ay divisoria! Divisoria ! Lika na!", habang kumakaway pa sa akin. " Taena ka? tatawid ako at magdya-dyaging sa CCP hindi sasakay!", gusto ko sanang sabihin sa manong drayber kundi lang matipuno ang katawan. Matso ba?

Buhkit kaya yung wala namang kapansanang umaakay dun sa bulag at naglalahad ng kamay nya upang mamalimos eh hindi na lang sya ang mag-trabaho at iwan yung bulag sa bahay upang makagawa ng mas kapaki-pakinabang na bagay? Mas malusog naman syang tignan at mukhang malakas pa upang makapagbanat ng buto? Dahil ba mas nakaka-awa ang bulag at mas madali ang mamalimos? Buhkit di nya na lang bulagin yung mga mata nya para sya na lang ang mamalimos? Nagbibiro lang kaya ako? Pero sa totoo lang nakaka-awa lang talaga ang iba nating kapatid kaya siguro nila nagagawa ang ganito.

Buhkit kaya yung namamalimos naman na mga bata sa loob ng dyip eh meron pang inaabot na sobre o kaya ang-pao? Tapos meron pa silang sinusulat dun sa sobre na mga katagang " Ate ,koya konteng tolong lang po pangkaen lang. Salamat po!". Bisaya kaya ang kanilang guro kaya me pagka-bisaya din ang turo sa kanila at kaya ganito ang kanilang sulat? O meron silang asignaturang bisaya o sadyang "wrong splelling" lang talaga? Nilalagay kaya nila sa sobre para pormal na parang pakimkim o para papel na pera ang ibigay? Nag-aabot kaya sila ng ang-pao para swertehin yung nagbigay o yung pinagbigyan? Bakit di na lang nila direktang ilahad ang kamay nila para mas mabilis ang abutan? Ano naman ang masasabi mo dun sa isa pang bersyon ng panlilimos kung saan pupunasan ng bahagya yung mga sapatos na hindi mo talaga mawari kung pinunasan o pinagpagan sabay lahad ng kamay na tila ba naniningil sa serbisyong kanilang ginawad? Buhkit ayaw ng tanggapan ng DSWD na kunsintihin natin ang ganitong paraan ng panlilimos samantalang parang wala naman silang nagagawa para mawala ito? Buhkit di ako kumakagat sa ganitong pakulo?

Buhkit kaya patok ang Star City tuwing pasko at bagong taon lang? Buhkit di trip ng mga pinoy na magpunta dito tuwing ordinaryong araw lang? Buhkit kaya tayo nagbabayad ng mahal sa mga "rides" dito para lamang takutin , lulain at hiluhin? Buhkit andami laging kalat sa labas ng Star City at hindi sa loob nagkakalat ng basura yung mga walang disiplina at baboy nating mga kababayan?

Buhkit andami kong tanong? Buhkit may "h" ang aking buhkit?

O sya , sound trip ka muna. Happy New Year ha? Mwah!

Thursday, December 31, 2009

Moja

Me pasok ako sa trabaho nitong salubong ng Bagong Taon. Nasabi ko na lang sa sarili ko , "di bale ng me pasok sa bagong taon kesa pumasok ang bagong taon na wala ka nang papasukan".

Me bago nga palang kaibigan si Jamo , ang pangalan nya ay Moja. Kinuhanan ko sya ng larawan, dito makikita natin ang iba't-ibang talento nya sa pagtulog. Yan ang hilig nya, kumain , maglaro , mangagat at pag napagod ay matutulog. Marami akong gustong itipa sa blog ko nitong mga nakaraang araw, ngunit di ko trip tong keyboard na gamit ko , masakit sa daliri. Yung laptop ko naman ay nahiram. Pagpalit ko ng keyboard , maglalathala agad ako , pangako. Samantala, pagmasdan nyo na muna yung larawan ng aking bagong alaga, si Moja....




Sunday, November 08, 2009

Lalala-lalah Lalala-lalah Lovin You....

Sound trip tayo. Kaarawan na rin na lang ang huli nating tinalakay , kaarawan na rin ng isang magaling na mang-aawit ang ating pag-usapan. Bago pa man narinig ang mga pang-biritang boses nina Mariah Carey , Celine Dion at Whitney Houston , sumikat na ang makatanggal tonsil na boses ni Minnie Riperton. Isinilang si Minnie noong November 8, 1947. Isa sa mga sumikat niyang awit ang nais kong ibahagi dito, ang Lovin You. Eto yung minsang ipinasusubok sa ating awit na ang hirap abutin ng korus, yung may Lalala-lalah, lalala-lalah , lalalalalah-lalalala lalala-lala lapis, lampara? Sa baba yung liriko tanga. Sumabay ka na rin sa pagkanta. Nga pala , natigok si Minnie nuong ika-12 ng Hulyo 1979, ilang buwan bago ako isilang. Inabot siya ng kanser sa suso. Wag mo na itanong kung kaliwa o kanan ha? O sya, kanta na.
Lovin' you is easy cause you're beautiful
Makin' love with you is all i wanna do
Lovin' you is more than just a dream come true
And everything that i do is out of lovin' you
La la la la la la la... do do do do do

No one else can make me feel
The colors that you bring
Stay with me while we grow old

And we will live each day in springtime
Cause lovin' you has made my life so beautiful
And every day my life is filled with lovin' you

Lovin' you i see your soul come shinin' through
And every time that we oooooh
I'm more in love with you
La la la la la la la... do do do do do


Monday, October 26, 2009