Monday, February 28, 2011

Nasaan ka noong EDSA?

Hindi ko na matandaan, pero malamang naglalaro lang ako noong kainitan ng EDSA I. Mga pitong taon pa lang kasi ako ng mga panahong ito. Ang aking papa't mama naman(hanep, mayaman?) ay malamang kasalukuyang abala sa pagkakarpinterya at pagtitinda ng ulam.

Bakit? Sa aking pagkakaalam, ang Republika ng Zapanta, kung saan ako isinilang, ay pugad ng mga loyalista. Maka-Marcos halos lahat.

Personal ko namang idolo si Macoy. Para sa akin , hindi lahat ng ginawa nya sa Republika ng Pilipinas ay masama. Isa pa sa mga hinahangaan ko sa kanya ay ang pagiging magaling at matalino niyang Lider. Bagama't aminado tayo na marami rin siyang naging atraso sa ating kababayan at nalulong din siya sa sobrang kapangyarihan. Ang iba pang bagay na nagustuhan ko sa kanya, malamang ay gumugol ng isang mala-nobelang lathalain na hindi ko nais talakayin.

Me diwa ang EDSA I. Me halaga. At meron tayong aral na dapat matutunan. Ito lang ang kinikilala kong tunay na mapayapang rebolusyon at lehitimong pag-aaklas ng sambayanan. Nararapat na masulat sa ating kasaysayan. Ang ikukuwento ko sa aking magiging anak. Yung mga sumunod na EDSA ay pawang pang-aagaw lang ng kapangyarihan. Walang hustisya. Pansariling interes lang at kuntsabahan ng mga swapang. Nilahukan ng mga elitista at uto-uto..

Di ko trip na magsulat ng ukol sa EDSA pero di ko mapigilang magbigay ng reaksyon ukol sa aking napanood na panayam sa mga estudyante ukol sa alam nila sa EDSA, minsang maligaw ang aking pagpindot ng remote control sa ANC News.


Muntik na akong malaglag sa aking kinauupuan ng mabanggit ng isang estudyante na isang "General Tomas Diaz daw ang lumagda sa Martial Law!" Meron pang isa na ang edsa daw ay "ginawa ng mga americans", hindi na naberipika kung ang tinutukoy nya ay ang kahabaan ng EDSA. Mayroon pang nag-akala na si "Ninoy ay naging presidente bago pa si Cory?" At sari-saring ewan at hindi alam.

Malamang natutulog yung iba nung kasalukuyang itinuturo ang araling EDSA sa asignaturang kasaysayan, o mas paborito ang aritmetik? O mas marami lang sa kanila talaga ang walang pakialam? Maiintindihan ko kung ikakatwiran nila na sila'y me karga o sabog habang tinatanong.

Hindi ko rin masasagot ang ibang katanungang ipinukol ng tagapagbalita sa mga estudyante, gaya ng eksaktong petsa. Pero masisiguro kong masasagot ko ang iba pang katanungan at matapat kong aaminin kung hindi ko alam kesa magpanggap na may alam.

Malamang na nakakatawa sa iba yung mga tinuran ng mga kinapanayam na kabataan, pero ako? sa totoo lang...kinilabatutan.

Parang naisip ko tuloy minsan hindi na angkop ang awiting Magkaisa ni Virna Lisa tuwing gugunitain natin ang EDSA. Mas akma siguro, Malayo Pa Ang Umaga ni Rey Valera.

Kawawa.

1 comment:

John Bueno said...

ayos to jamo, hehe

well ako nasa bahay lang ako nyan, pero I know what i was doing then, di ako pinalabas ng bahay kahit birthday ng bespren ko nuon, umiyak ako nyan eh LOL