Isang ordinaryong araw iyon habang masaya kong nginunguya ang aking paboritong agahan. Sinangag at dalawang pirasong itlog. Sa kalagitnaan ng aking pag-ngasab ay me naligaw na mumunting bato sa sinangag na sumakto sa medyo naghihingalo kong ngipin. Presto nabiyak!
Hindi basta-bastang nabiyak huh? Nanatiling nakanganga ang aking bibig ng ilang segundo habang inaabot ko ng aking daliri ang bahagi ng nabiyak na ngipin. Paumanhin sa mga kumakain o busog habang binabasa ang lathalaing ito, pero meron pang tumutulong pinagsamang kanin at dugo habang ginagawa ko ang makapigil-hiningang operasyon. Samantala , ang aking masunuring aso ang tangi kong tagapagtangkilik ng mga sandaling iyon. Nakatitig lamang sya sa akin , marahil nasa isip nya, "ayos! my Master just lost his appetite, akin na ang almusal!".
Sa wakas nabunot ko rin ang kalahating bahagi na nabiyak. Di naman kasukdulan ng pagiging garapal at mala-iskwater na pag-uugali , sinipat ko pa itong maigi at nagbalik sa aking gunita kung bakit matagal ko ring inalagaan ang nag-iisa kong bulok na ngipin at ayaw kong pumunta sa dentista.....
Unang taon sa hayskul. Bigla na lamang kaming pinababa ng aming guro at sinabihang pumila sa harapan ng klinika. Lilinisin daw ng dentista ang aming mga ngipin. Nag-unahan pa ang iba kong kamag-aral at di na isinaalang-alang ang patakarang pandak ang dapat mauuna sa pila. Maingay at tulakan sa pila ang nangyari. Lahat makulit.
Sa aking harapan ay ang aking kamag-aaral na itatago na lang natin sa pangalang P. Di na natin siya papangalanan dahil baka ma-gugel nya pa ang kanyang pangalan sa pahinang ito at mai-sumpa pa sya ng kanyang mga kamag-anak. Si P ay tipikal na estudyante sa pampublikong paaralan (parang ako hindi no?) , payat , gusut ang polo na makutim, pudpod ang sapatos sa kalalaro ng sipa, malangis na mukha na medyo tadtad ng black and white heads at higit sa lahat, sungki-sungki ang ngipin na manilaw-nilaw ang mga gilid habang ang gilagid kapag nabanggit mo ang salitang "gingivitis" sasagot ka na lang ng "kailangan pa bang i-memorize yaan?"
Siya ang unang isinalang habang ako naman ay nakatingkayad sa may bintana habang pinapanood ng live ang isasagawang paglilinis "daw" ng ngipin. Ang mga sumunod na pangyayari ay talaga namang kailangang me patnubay ng magulang. Halos magkikikisay si P ng simulang linisin ang kanyang ngipin. Merong tinatapakan sa upuan na me binubugang hangin upang umangat ito at yun ay paulit-ulit na inaapakan ng aking mapalad na kamag-aral na si P. Kitang-kita ng dalawa kong singkit na mata ang pagtagas ng mapulang dugo sa gilagid ni P pagtapos lubayan ng makinang panlinis ng ngipin.
Hindi pa doon nagtatapos ang showdown ng dentista at mukhang nabuhay ang galit nya sa sirang ngipin at sa hamong dulot ng bibig ni P. Mukhang ginanahan siya ng husto, maya-maya pa ay inilabas nya na ang injection your honor! Rinig ko na tumatanggi pa si P dulot marahil ng takot sa hitsura ng malaking karayom at sa sakit na rin ng unang operasyon na ginawa sa kanya pero wala ng nagawa ang kaawa-awa kong kamag-aral.
Di ko malaman kung paano nagkasya ang ulo namin sa pagsilip sa bintana. Nanlalata pa si P ng lumabas ng pintuan ng klinika, lahat ay nakatitig sa kanya. Ang kanina'y maingay at magulong pila ay naging parang pila ng mga bibitayin. Nang ako na ang isasalang ay sari-saring palusot at pagsisinungaling ang aking nasambit. "Nasagasaan po ako ng jeep ng grade 2" , "me pilay po ako sa kaliwang braso". Nagningning ang aking mata ng sabihin ng dentista na magpatingin muna sa doktor bago ko magpabunot. Ngunit di doon nagtatapos ang aking kalbaryo. Pa-pastahan nya daw ang aking isang ngipin. Ang mga sumunod na nangyari ay di na napawi pa sa aking ala-ala. Para akong binarena sa ngipin ng basta-basta. Natapos ang araw na iyon na ang lahat halos ng kalalakihan ay pawang naging biktima ng masaker sa bibig.
Nga pala , ang pinastahan kong ngipin ay ang bulok kong ngipin na nabiyak. Idagdag mo pa sa mahabang listahan kung bakit ako takot sa dentista ang pelikulang Dr. Giggles na pinapanood sa aking ng demonyo kong kaibigan noong mga panahong betamax pa ang uso.
O sya , welcome back . Sound trip muna:
No comments:
Post a Comment