Tuesday, November 15, 2011

Isteytsayd

Para ka lang sumakay ng Manila Bus (uy o mani labas?) nung sumakay ako ng Boeing 747. Andaming pinoy na karaniwan ay mga senior citizens. Nakakairita lang pakinggan ang ilang mga pinoy na pilit ang english accent samantalang di pa naman lumalapag ang eroplano sa lupain ni Uncle Sam at kapwa pinoy lang din naman ang mga kausap.


Pinili ko ang upuan sa tabi ng bintana sa pag-aakalang may kagila-gilalas akong makikita. Sa huli pala ay puro ulap lang ang aking magigisnan kaya pinasya ko na lang na isara ito at manood na lang ng palabas sa telebisyon na nakakabit sa likuran ng mga upuan. Sa gawing kanan ko ay ang pilipinong seaman na di kalaunan ay magiging kaututang dila ko hanggang sa makarating kami ng Los Angeles airport.


Pinoy ang babati sa’yo pagdating ng airport. Pinoy ang mga porter. Pinoy ang karamihan sa mga nasa immigration. Paglabas ko ng terminal ay nagpaalamanan na kami ng kaibigan kong seaman. Add ko na lang daw sya sa FB. Para kang nasa refrigerator paglabas mo ng terminal , buti na lang at may nagbigay sa akin ng tip na wag kalimutang magdala ng winter clothes.

Ang malaking pagkakaiba ng amerika, ang lahat halos ng tao ay babati sa’yo ng “How are ya doing?” na karaniwan ko namang sinasagot ng “I’m doing great!” na kalaunan ay napalitan na ng mas sozy na “ I’m doing good” o kaya ay “ Good…good….” na para bang ilalabas mo na yung baraha mo sa larong lucky 9.

Masama ang titig sa akin ng drayber ng sinakyan kong shuttle. Huli na ng malaman ko na lagi ka pala dapat naka-seatbelt na hindi nakaugalian sa atin. Ang daanan ay parang NLEX/SLEX. Ang traffic ay gumagalaw di gaya sa atin. Bibihira ang kalat. Walang palaboy , kasi pag nagkaroon , siguradong tepok sa lamig. Ang iced tea ay walang asukal. Mura ang mga pagkain. Walang buwaya sa daan. Mura ang mga elektronikong kagamitan. At ang galing nilang lahat mag-ingles.

O eto yung mga larawan ko sa LA. Mapapansin mong mas malaki pa yung dyoga ng tisay sa ulo mo. Ehehehehe:





Thursday, November 10, 2011

Ang Paglalakbay


Laguna ! ng ikaw ay marating ko , para bang ako’y nagbago. Kakaibang damdamin….

Akalain mong pumipilantik pa at tumitipa pa pala ang aking mala-luyang mga daliri. Narinig mo na ba ang latest ke jamongoloids?

Kasalukuyan kong tinitipa ang mga panitik na'to sa lupain ng mga puti at egoy. Hanep no? Si jamongoloids asa Lake Forest, USA! Yeah, you heard and read it right moron! ehehehe. Gaya ng iba pang anekdota at nobela sa buhay ko, ang kapalpakan, katatawanan at panibagong pakikipagsapalaran ay di na ko ata talaga lulubayan at nakarating na nga sa ibayong dagat.

Nagsimula ang lahat sa aplikasyon ng Visa. Hindi ko matatanggap na babagsak ako sa mga ganitong proseso. Pero kung mag-kwento ang mga kasama ko sa trabaho, tila mas mahirap pa sa isang panel interview ang panayam ng pagkuha ng US Visa. Kelangan alam mo to , dapat sabihin mo totoo, ganito suotin mo, ganito ginawa ko at kung ano ano pa. Nakagalitan nga ko ng aking Ina ng aminin kong ninenerbiyos ako. Sabihin ba namang:

" Ang mga kinakabahan lang ay yung mga walang pinag-aralan!"

O di ba? Laging tama ang aking ina, tunog walang kwenta pero makabuluhan talaga. Pinagkalooban ako ng US Visa na para akong nakakuha ng JO (Job Offer tanga! jobless ka kasi!).

Fast forward. Hinatid na ako ni Mader at ng aking kasintahan sa airport. NAIA I ang nakalagay sa aking tiket. Pagdating ng NAIA I, nagpaalamanan na kami ng dalawa sa pinakamamahal kong babae sa buhay. Nagyakapan pa kami ng aking Ina na medyo maluluha pa, dahil prang pakiramdam nya ay mawawala
ako ng ubod ng tagal samantalang dalawang linggo lang naman ako sa Estados Unidos. Malinaw na nakalagay sa aking tiket na NAIA I ngunit napansin ko na walang direktang pupunta ng LA (Lopez?). Kaagad akong nagtanong sa isang nagwawalis:

"Naku boss walang direct flight dine, dun ka siguro sa NAIA II"
"Eh boss swak lang ba na lakarin yun?" , tanong ko.
"Pwede naman, pero kung di ka nagmamadali, sakay ka na lang ng shuttle sa ibaba" sagot naman ng matulunging taga-walis ng airport.

Labas ako ng airport at muling sinalubong ng dalawa. Ayaw ko silang paalisin pa, alam mo naman ang buhay ng isang Jamongoloids, di ka na magtataka kung mahagingan ako ng isang rumaragasang eroplano, maging makulay lang ang aking mundo (smiley not valid). Baba kami ng hagdan, bitbit ko ang aking me kabigatang maleta, dahil di gagana yung gulong tanga, hagdanan nga, habang nasa likuran ko ang aking backpack (natural). Pe-pwesto pa lang ako ng upo ng umepal na ang isang manong:

" Ay Sir maghihintay po ba kayo ng shuttle? Wala hong dumaraan na shuttle pag Linggo, mag-taxi na lang po kayo".

Nagpasalamat na lang ako ke manong, habang nahalata naman ng aking kasintahan na unti-unti na namang nauupos ang aking napaka-ikling pasensya kaya ako'y kanyang tinapik sa balikat. Agad ko namang tinanong kung okey lang ang aking pinakamamahal na ina, dahil ako'y nag-aalala na baka umepal naman ang kanyang rayuma. Akyat na naman kami papunta sa itaas dahil puro dilaw ang taxi na nasa ibaba. Kung di mo, naitatanong , mababa ang Ninoy (limandaan, boploks!) sa mga dilaw na Visa taxi. Isandaan at limampung piso ang bayad sa sinakyan naming taxi, na hindi naman halatang tinaga kami ni manong drayber. Ang kinainaman nga lang ay saulado nya ang oras ng lipad, anong eroplano, pati numero at kung saan ito tutungo kaya di ko na inintindi ang salaping tinaga sa akin. Nga pala, 15 minuto ang aabutin kung nilakad namin siya, me kasamang mura yan sigurado mula sa aking ina na hindi sanay ang mga tuhod sa mga biglaang walkathon na gaya nito.

Sobrang haba na ng kuwento na tiyak na masusundan pa ng mga pakikipagsapalaran ko sa lupain ng gatas at pulot. Hindi na o kaya ay tsaka ko na ibabahagi yung nakilala kong prinsipal sa pila, check ball na kilay ng opisyales ng immigration, mineral water na nagkakahalaga ng limampung piso, yung alcohol ko na nakumpiska , yung nakatabi kong seaman na pinoy, ang sinakyan kong haytek na Boeing 747.
Palipad pa lang ang eroplano nito!

O sya , hanggang sa muli. Paalam!

Thursday, April 21, 2011

Dentista

Isang ordinaryong araw iyon habang masaya kong nginunguya ang aking paboritong agahan. Sinangag at dalawang pirasong itlog. Sa kalagitnaan ng aking pag-ngasab ay me naligaw na mumunting bato sa sinangag na sumakto sa medyo naghihingalo kong ngipin. Presto nabiyak!


Hindi basta-bastang nabiyak huh? Nanatiling nakanganga ang aking bibig ng ilang segundo habang inaabot ko ng aking daliri ang bahagi ng nabiyak na ngipin. Paumanhin sa mga kumakain o busog habang binabasa ang lathalaing ito, pero meron pang tumutulong pinagsamang kanin at dugo habang ginagawa ko ang makapigil-hiningang operasyon. Samantala , ang aking masunuring aso ang tangi kong tagapagtangkilik ng mga sandaling iyon. Nakatitig lamang sya sa akin , marahil nasa isip nya, "ayos! my Master just lost his appetite, akin na ang almusal!".


Sa wakas nabunot ko rin ang kalahating bahagi na nabiyak. Di naman kasukdulan ng pagiging garapal at mala-iskwater na pag-uugali , sinipat ko pa itong maigi at nagbalik sa aking gunita kung bakit matagal ko ring inalagaan ang nag-iisa kong bulok na ngipin at ayaw kong pumunta sa dentista.....


Unang taon sa hayskul. Bigla na lamang kaming pinababa ng aming guro at sinabihang pumila sa harapan ng klinika. Lilinisin daw ng dentista ang aming mga ngipin. Nag-unahan pa ang iba kong kamag-aral at di na isinaalang-alang ang patakarang pandak ang dapat mauuna sa pila. Maingay at tulakan sa pila ang nangyari. Lahat makulit.


Sa aking harapan ay ang aking kamag-aaral na itatago na lang natin sa pangalang P. Di na natin siya papangalanan dahil baka ma-gugel nya pa ang kanyang pangalan sa pahinang ito at mai-sumpa pa sya ng kanyang mga kamag-anak. Si P ay tipikal na estudyante sa pampublikong paaralan (parang ako hindi no?) , payat , gusut ang polo na makutim, pudpod ang sapatos sa kalalaro ng sipa, malangis na mukha na medyo tadtad ng black and white heads at higit sa lahat, sungki-sungki ang ngipin na manilaw-nilaw ang mga gilid habang ang gilagid kapag nabanggit mo ang salitang "gingivitis" sasagot ka na lang ng "kailangan pa bang i-memorize yaan?"


Siya ang unang isinalang habang ako naman ay nakatingkayad sa may bintana habang pinapanood ng live ang isasagawang paglilinis "daw" ng ngipin. Ang mga sumunod na pangyayari ay talaga namang kailangang me patnubay ng magulang. Halos magkikikisay si P ng simulang linisin ang kanyang ngipin. Merong tinatapakan sa upuan na me binubugang hangin upang umangat ito at yun ay paulit-ulit na inaapakan ng aking mapalad na kamag-aral na si P. Kitang-kita ng dalawa kong singkit na mata ang pagtagas ng mapulang dugo sa gilagid ni P pagtapos lubayan ng makinang panlinis ng ngipin.


Hindi pa doon nagtatapos ang showdown ng dentista at mukhang nabuhay ang galit nya sa sirang ngipin at sa hamong dulot ng bibig ni P. Mukhang ginanahan siya ng husto, maya-maya pa ay inilabas nya na ang injection your honor! Rinig ko na tumatanggi pa si P dulot marahil ng takot sa hitsura ng malaking karayom at sa sakit na rin ng unang operasyon na ginawa sa kanya pero wala ng nagawa ang kaawa-awa kong kamag-aral.


Di ko malaman kung paano nagkasya ang ulo namin sa pagsilip sa bintana. Nanlalata pa si P ng lumabas ng pintuan ng klinika, lahat ay nakatitig sa kanya. Ang kanina'y maingay at magulong pila ay naging parang pila ng mga bibitayin. Nang ako na ang isasalang ay sari-saring palusot at pagsisinungaling ang aking nasambit. "Nasagasaan po ako ng jeep ng grade 2" , "me pilay po ako sa kaliwang braso". Nagningning ang aking mata ng sabihin ng dentista na magpatingin muna sa doktor bago ko magpabunot. Ngunit di doon nagtatapos ang aking kalbaryo. Pa-pastahan nya daw ang aking isang ngipin. Ang mga sumunod na nangyari ay di na napawi pa sa aking ala-ala. Para akong binarena sa ngipin ng basta-basta. Natapos ang araw na iyon na ang lahat halos ng kalalakihan ay pawang naging biktima ng masaker sa bibig.


Nga pala , ang pinastahan kong ngipin ay ang bulok kong ngipin na nabiyak. Idagdag mo pa sa mahabang listahan kung bakit ako takot sa dentista ang pelikulang Dr. Giggles na pinapanood sa aking ng demonyo kong kaibigan noong mga panahong betamax pa ang uso.

O sya , welcome back . Sound trip muna:

Sunday, April 17, 2011

Kaka.....

[Walang kaugnayang Patalastas]

Inuman session. Binibida ng isa sa aking magiting na kumpare ang katalinuhan diumano sa aritmetika ng isa naming inaanak...

Ninong#1: Nak, twenty minus eight?

Inaanak: Ten! ay Eleven!

Ninong#2: (Ako ito) Ang galing ah? Ke bilis sumagot, kaso parehas mali!

Ninong#1: O eto , twenty divided by five?

Inaanak: (nagkamot lang ng ulo, at napangiti)

Ninong#2: Ay tanga? Sayang lang ang baon dito!

Ninong#1: Hindi yan , o eto, bente pesos bawasan mo ng otso pesos?

Inaanak: Twelve pesos! Ninong#1: Bente pesos hatiin mo sa tigli-limang piso?

Inaanak: Kwatro!

(Tawanan...) Ang bata talaga , ang galing pag pera!

Kaka-miss. Di naman siguro masyadong obyus kung sino at ano ang namimiss kong pakinggan. Sinubukan kong ihinto muna ang aking pinakikinggang CD na may pinamagatang "Billboard Top 100 of 1970" dangan kasi ay sobrang di ko na kilala ang ibang kanta at parang me hinahanap na iba ang aking tainga. Inilipat ko sa radyo at pinihit ang talapihitan sa 96.3.

Hindi ko masabi na pangit ang mga sumunod na kanta. Pero kumbaga sa kape, iba na nga ang timpla. Hindi ko malaman kung mapait o kulang sa tamis. Hindi ko na rin naririnig tuwing madaling araw , karaniwang tuwing alas dos ng madaling araw ang awiting "Birthday Song" ni Don McLean na nagkataong paborito rin ng isa sa mga DJ na si Martha del Rosario, ayon na rin sa kanilang dating website na ngayo'y di na gumagana http://www.wrock.fm/ (pero tatangkain pa ring pindutin at puntahan ng isang tangang nagbabasa)

Simula ng bilhin ng Manila Broadcasting Company ang istasyon mula sa pamilyang Hodreal noong 2008, mukhang pinalitan na rin ang mga dating DJ. Ilan sa mga ito ang peborit ko, lalo na ang tambalang Paul and Cherry na pinipilit palitan ng tambalang balahura at balasubas? (ang layo huh?):

- Butch Allen
- Dominic
- Cherry
- Dylan Thomas
- Joven
- Rick
- Paul
- Sandy
- Lianne
- Martha Del Rosario
- Naomi
- Faith Gonzalvo

Kaka-miss din ang kanilang mga dating programa gaya ng Celebrity Minute, kung saan ang mga paborito nating lokal na mang-aawit ay kanilang kakapanayamin at patutugtugin ang kanilang paboritong Lite Rock songs, Lite Rock Exclusives, Fast Dance , Lite Rock Favorites of the Week at higit sa lahat ang Three Of A Kind!

Mahirap talaga mapalitan ang mga bagay na nakasanayan na ng iyong panlasa. Ang tanong , ibabalik pa ba sila? Ilan taon na ang nakakalipas , pero isa ako sa mga tagahanga na hanggang ngayon ay nakanganga at umaasa.


Ngayon , wala ata akong mapagpilian. Pakadyot-kadyot bay? Kelangan ko ba talagang imemorize ng bonggang bongga yan? Bruno? Brownie? Beauty? Meganun? Bisayaang walang hanggan? Joke ba yun? tas me sasagot pa ng uhummmmmmm.


Ipagpaumanhin po ng ibang tagahanga ng mga istasyong ito pero parang gusto kong ibato yung radyo sa labas ng bintana. Kung maari ho , umilag na lang kayo.


Heto, pinatay ko na ang radyo. Isasalang ko itong isa pang piniratang CD na nabili ko sa Quiapo kahapon, "Billboard Top 100 of 1980".

Monday, February 28, 2011

Nasaan ka noong EDSA?

Hindi ko na matandaan, pero malamang naglalaro lang ako noong kainitan ng EDSA I. Mga pitong taon pa lang kasi ako ng mga panahong ito. Ang aking papa't mama naman(hanep, mayaman?) ay malamang kasalukuyang abala sa pagkakarpinterya at pagtitinda ng ulam.

Bakit? Sa aking pagkakaalam, ang Republika ng Zapanta, kung saan ako isinilang, ay pugad ng mga loyalista. Maka-Marcos halos lahat.

Personal ko namang idolo si Macoy. Para sa akin , hindi lahat ng ginawa nya sa Republika ng Pilipinas ay masama. Isa pa sa mga hinahangaan ko sa kanya ay ang pagiging magaling at matalino niyang Lider. Bagama't aminado tayo na marami rin siyang naging atraso sa ating kababayan at nalulong din siya sa sobrang kapangyarihan. Ang iba pang bagay na nagustuhan ko sa kanya, malamang ay gumugol ng isang mala-nobelang lathalain na hindi ko nais talakayin.

Me diwa ang EDSA I. Me halaga. At meron tayong aral na dapat matutunan. Ito lang ang kinikilala kong tunay na mapayapang rebolusyon at lehitimong pag-aaklas ng sambayanan. Nararapat na masulat sa ating kasaysayan. Ang ikukuwento ko sa aking magiging anak. Yung mga sumunod na EDSA ay pawang pang-aagaw lang ng kapangyarihan. Walang hustisya. Pansariling interes lang at kuntsabahan ng mga swapang. Nilahukan ng mga elitista at uto-uto..

Di ko trip na magsulat ng ukol sa EDSA pero di ko mapigilang magbigay ng reaksyon ukol sa aking napanood na panayam sa mga estudyante ukol sa alam nila sa EDSA, minsang maligaw ang aking pagpindot ng remote control sa ANC News.


Muntik na akong malaglag sa aking kinauupuan ng mabanggit ng isang estudyante na isang "General Tomas Diaz daw ang lumagda sa Martial Law!" Meron pang isa na ang edsa daw ay "ginawa ng mga americans", hindi na naberipika kung ang tinutukoy nya ay ang kahabaan ng EDSA. Mayroon pang nag-akala na si "Ninoy ay naging presidente bago pa si Cory?" At sari-saring ewan at hindi alam.

Malamang natutulog yung iba nung kasalukuyang itinuturo ang araling EDSA sa asignaturang kasaysayan, o mas paborito ang aritmetik? O mas marami lang sa kanila talaga ang walang pakialam? Maiintindihan ko kung ikakatwiran nila na sila'y me karga o sabog habang tinatanong.

Hindi ko rin masasagot ang ibang katanungang ipinukol ng tagapagbalita sa mga estudyante, gaya ng eksaktong petsa. Pero masisiguro kong masasagot ko ang iba pang katanungan at matapat kong aaminin kung hindi ko alam kesa magpanggap na may alam.

Malamang na nakakatawa sa iba yung mga tinuran ng mga kinapanayam na kabataan, pero ako? sa totoo lang...kinilabatutan.

Parang naisip ko tuloy minsan hindi na angkop ang awiting Magkaisa ni Virna Lisa tuwing gugunitain natin ang EDSA. Mas akma siguro, Malayo Pa Ang Umaga ni Rey Valera.

Kawawa.

Friday, February 25, 2011

R n Beatles


Mistula akong sinumpa. Hindi ako makainom ng malamig , kaya kahit absent ako kahapon , di pa rin ako makalaklak ng alak. Namamaga kasi ang aking lalamunan , kaya nagkasya na lang ako sa panonood ng telebisyon habang hinihimas ang aking ALAGA! (aso nga gago...).

Hindi ako ang hari ng remote control, dahil me kasamang kontrabida na nakaluklok sa kanan ng aking trono. Si Atheng (my love yihi!). Siya ang nagpapasya kung saang istasyon ako hihinto habang pinipindot ko mula 55 pababa. Anong magagawa ko eh alipin ako ng pag-ibig?

American Idol 10 ang palabas na napili ng Reyna. Parehas kaming natuwa sa palabas dahil Beatles ang tema. Ang magkaka-grupo ay pabubunutin ng awitin ng maalamat na banda at ito'y kailangang mabigyan nila ng hustisya sa harap ng mga inampalan.

Poreber na talaga ang awitin nila. At sadyang ang mahusay na mang-aawit , kahit ano ang ipakanta mo, maganda talaga ang kalalabasan. Tulad ni Paul McDonalds, ikanga'y ang aking manok sa patimpalak na ito. At wag kang magugulat kung sasabihin ko sa yong dito na nagtatapos ang paksang ito. Tinatamad ako eh, ungas. O hala , maki-awit ka na sa kanila.....

Thursday, February 10, 2011

Wer na U?


Enero pa dapat napakawalan ang lathalaing ito, ngunit sa di malamang kadahilanan o nangangalay ata ang aking mga daliri o tinatamad ako na mas gusto ko pang mangulangot kesa magtipa ng isang artikulo.

Pamilyar ang mukha ng nasa bidyo na pinapanood/pinakikinggan ni Boss June ng madaanan ko sya sa kanyang upuan. Boss ang tawag ko sa mga senior namin na nahihingan ko ng tulong at madalas kong tanungan sa mga makakati sa ulo kong cases. Nang tanungin ko siya kung sino yun , nabanggit niya ang pangalang Joanne Lorenzana. Parang me nauga sa hungkag na bao ng aking bungo. Gaya ni Bb. Lorenzana , asan na nga ba ang iba pang alagad ng sining na matagal ko ng hinahanap? Tamang hanap kasi ako nitong mga nakaraang linggo eh, una mga banyagang mang-aawit, yung mga dekada sisenta at sitenta (60's at 70's indio!). Tapos ipo-poste ko sa peysbuk , tapos gugustuhin ng mga ulupong kong kaibigan na mahilig din sa oldies.

Ngayon mga alagad ng OPM naman ang gusto kong hanapin. At gumawa ako ng maikling talaan nung mga medyo mahirap hagilapin. Nakikini-kinita ko na ang eksena nito sa darating na Linggo, isang tasang tsaa, hinihimas ang aking alaga.... (aso gago!) habang nagbabalik-tanaw sa musika ng dekada sitenta.

Nga pala, wag mo kong tanungin kung bakit walang apelyido si Keno at Lilet, hinanap ko ito, pramis, ngunit di ko nasumpungan. Kung nais mong mapakinggan ang awitin nila , punta ka ng youtube.com at hanapin sila doon, hindi ka mabibigo. Sawndtrip tayo.

Joanne Lorenzana
Kung Alam mo Lang
I'll Never Let You Go
Back In Your Arms
www.joannelorenzana.com

Raymond Lauchengco
So It's You
Farewell (uu kanta ito nung graduation nyo?)
Saan Darating ang Umaga
www.raymondlauchengco.com

Keno
A Friend
Leaving Yesterday Behind

Gino Padilla
Closer you and I
I Believe in You
Angel in Disguise

Timmy Cruz
Boy

Lilet
Kahit Bata Pa
Kay Palad Mo
Kaibigan Lang Pala

Flippers
Sa Bawat Sandali
Hindi Ako Iiyak

Bidyo naharbat sa youtube.com, nagpaalam ako sa may-ari ng bidyo ngunit dinedma ako kung payag o hindi.

Thursday, January 13, 2011

Kasama ko sa KASAMAKA





Anim na beses ko na siyang pinapanood ng paulit-ulit-ulit. Di ko alam kung nagagwapuhan ako sa mga kuha ko o merong di maipaliwanag na damdamin dun sa video na pinost ni Sir Butch dun sa nakaraang pagkikita-kita ng IV-1 na naging outreach program.

Isa't kalahating oras lang ang tulog ko pero nag-pagising pa rin ako sa aking kasintahan na adik sa Plants Vs.Zombies para mag-grocery. Ito kasi ang napagkasunduan namin ng presidente ng klase, Pablo Pingol Jr. aka Olbap Longip, ang magdala ng kaunting maitutulong sa ilang kababayan natin na may kapansanan. Naging negatibo pa nga ako sa una, dahil sinabi kong hindi maasahan ang ilan naming kamag-aral sa mga ganitong pagkikita-kita sa buwan ng Disyembre kaya napagpasyahan na ganapin sa buwan ng Enero.

Linggo ng magkita-kita kaming magka-kaklase sa harapan ng Mababang Paaralan ng Rafael Palma upang dumiretso pagkatapos sa bulwagan ng La Paz kung saan magaganap ang pagkikita-kita at programa. Gaya ng huling pagkakadaupang palad na nailahad ko na sa mga nauna kong lathalain, napakasaya nito bagamat mabibilang mo sa pinagsama-samang daliri sa paa't kamay ang mga dumalo. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang layunin ng presidente ng klase na ipagpatuloy ang pinlanong pagtulong. Isa sa mga hinangaan ko ay ang aming kamag-aral na si Olivia Salazar na piniling mag-trabaho sa DSWD at pagsilbihan ang mga batang may kapansanan ng kasapi ng KASAMAKA CBR Foundation. (saludo ako sa iyo klasmeyt!).

Ang video ang magsasalaysay ng mga sumunod na pangyayari. Normal at masaya ang aking pakiramdam sa kabuuan ng palatuntunan. Sigurado ako na kung mga matatanda ang aming tinulungan , di ko mapipigilang lumuha. Di ko maipaliwanag kung bakit parang ordinaryo lamang ang aking naramdaman ng matapos ang programa.

Natapos ang aming reunion sa Starbucks sa MOA. Hinatid ko ang aking kasintahan patungo sa kanilang tahanan malapit lang din sa pinag-ganapan ng outreach program. Di ko inaasahan na ang isa sa mga inimbita dun sa outreach program ay makikita pa rin namin sa daanan. May kadiliman ang lansangan ngunit malayo pa lamang ay nakita nya na kami habang kalong ang kanyang kapatid (ata) na may kapansanan at kami ay kanyang binati. Binati ko rin siya ng isang matamis na ngiti ngunit di ko na nagawang tanungin pa siya kung bakit nasa kalsada pa rin sila bagamat gabi na at nagpatuloy kami sa paglalakad. Maraming tanong ang naglaro sa aking isip habang papalayo kami sa kanila. Parang gusto ko silang balikan at tanungin kung bakit nasa labas pa rin sila ng kalsada kalaliman ng gabi. Kumain na ba sila? Wala ba silang bahay o sa kalsada lang ba sila matutulog? Puro de lata halos yung naibigay ko, meron man lamang ba silang pambukas sa lata ng sardinas? Paano at saan nya lulutuin yung bigas na kasama sa aking mga napamili?

Dito ako nakaramdam ng awa at medyo nangilid ang aking luha. Ito yung hindi ko naramdaman nung ginaganap ang palatuntunan. Di ko naisip na maliban sa kapansanan di ko naitanong sa aking sarili kung gaano kaayos yung buhay ng aming mga nabahaginan ng kaunting tulong? Gayunpaman, naisip ko na sa ngayon , yun pa lang ang talagang maitutulong namin. Sana kahit paano, makakasapat na yon para pantawid-gutom ng ilang-araw dun sa mga dumalo na talagang hikahos sa buhay. Sana maulit. At sana sa susunod maraming kaklase ang sumama at tumulong sa mga miyembro ng KASAMAKA.
Video galing sa YouTube hiniram sa: http://butchcafe.wordpress.com