Friday, October 12, 2007

In My Dreams

“Ah! böwakawa poussé, poussé" (Lyrics from #9 Dream)

Ako ba si John Lennon? Syempre hinde no.

Isa sya sa mga idolo ko pero parang tulad ng mga nangyayari sa kanya ang nangyayari sa akin. Nananaginip din ako ng kanta , at hindi kantang napapakinggan sa radyo. Bagong kanta. Ang pinagkaiba lang namin , si John tulad ng iba pang miyembro ng Beatles, naisusulat nila yung mga kanta nila sa panaginip. Ako , nakakalimutan ko. Maisulat ko man , minsan chorus lang , pagkatapos makakalimutan ko pa yung tono.

Ang una kong panaginip ay obyus na love song , paggising ko nanghinayang ako kasi parang napakagandang kanta ang nabuo. Sa sumunod kong pag-tulog, nagbaon na ko ng papel at ballpen sa aking higaan . Makalipas ang isang linggo , inaawitan ako ni Sampaguita ng isang medyo rock na awitin, bagong kanta pero chorus lang din. Pag-gising ko ay isinulat ko ang liriko sa papel, inilagay ko ito sa ilalim ng aking unan. Ilang araw ang lumipas at hinanap ko ang papel.

Nawala na si papel…..

Sa mga sumunod na araw ay iniwan kong bukas ang aking celfone kahit hindi ko talaga gawain, sa kadahilanang naniniwala akong masama ang “radiation” habang natutulog, (nabasa ko lang to somewhere , promise) upang mai-record na rin yung kanta ko pag-gising. Sa paghihintay sa aking panaginip na awit , iba ang aking napanaginipan. Meron daw akong kaibigang dwende. Mahilig siyang makipagusap sa akin at pumupwesto sya sa aking balikat. Sa panaginip , ramdam ko pa ang lamig ng kanyang maliit na paa habang umaakyat sya sa aking bisig papunta sa aking balikat.

Tanong ko , “Ikaw ba yan kaibigan?”

Hinawakan ko raw ang aking kaibigang dwende para hindi mahirapan sa pag-akyat. Parang totoo ang aking panaginip, pag-gising ko ay nagulat ako sa aking hawak.

Maliit na DAGA !!!

Binato ko pa yung bubwit sa bandang electric fan at nakita ko pang medyo nahilo ito at dali-daling tumakbo.

“Putang ina talaga!” Sabi ko, at pumikit na muli.

Lumipas ang isang buwan at nagkaroon akong muli ng panaginip. Sa pagkakataong ito , kumakanta na ako. At ang kasamang kong umaawit ay si Kenny Loggins, ang kumanta ng “Danny’s Song” at “Footloose” , kasama rin sina Peter, Paul and Mary na kumanta ng “Puff the Magic Dragon katol”.

(Concert na ito!!!)

“ Ayusin mo naman ang blending Jamo” sabi ni Kenny Loggins na nagtatagalog pa at me hawak na gitara.

Muli kong inawit ang naturang kanta , at isang napakagandang himig ang aming nagawa dulot na rin ng blending ng boses naming apat.

Bigla kong naisip, “kailangang mai-record ko ito”.

Sa puntong ito na ko nagising. Malapit ng mag-alas tres. Nagpapatugtog ng radyo ang aking Nanay, 96.3 W Bato (Wrock , tanga!) ang istasyon, kanta ng Air Supply. Malapit na mawala sa aking memorya yung kanta at tono dahil sa mapang-agaw pansing tugtog ng radyo.Kahit medyo nahihilo pa ay kinapa ko ang aking celfone sa aking bandang ulunan , pinuntahan ang Menu ,Entertainment, tas Record Sounds. Nung kakantahin ko na, sakto namang tumugtog yung alarm ng celfone , kanta naman ni James Taylor, “If I keep my heart out of sight “ (Okey ba ang aking pang-gising?)

Putang ina , nakalimutan ko na yung kanta….


Ganap na alas 3:15 ng madaling araw, umupo na ko sa aking tronong kubeta. Sa gitna ng malamig na umaga maririnig ang magandang awitin mula sa radyo , napangiti na lang ako ng marinig ang pamilyar na awit na yun ni Reo Speedwagon……


Title: In My Dreams
Music by: Reo Speedwagon

There was a time some time ago
When every sunrise meant a sunny day, oh a sunny day
But now when the morning light shines in
It only disturbs the dreamland where I lay, oh where I lay
I used to thank the lord when Id wake
For life and love and the golden sky above me
But now I pray the stars will go on shinin, you see in my dreams you love me

Daybreak is a joyful time
Just listen to the songbird harmonies, oh the harmonies
But I wish the dawn would never come
I wish there was silence in the trees, oh the trees
If only I could stay asleep, at least I could pretend you're thinkin of me
cause nighttime is the one time I am happy, you see in my dreams

Chorus:

We climb and climb and at the top we fly
Let the world go on below us, we are lost in time
And I dont know really what it means
All I know is that you love me, in my dreams

(solo)

I keep hopin one day I'll awaken, and somehow shell be lying by my side
And as I wonder if the dawn is really breakin
She touches me and suddenly Im alive

Chorus repeats 2x
Oho, in my dreams.....

Saturday, October 06, 2007

SCHUHPLATTLER

Ang salitang "schuhplattler" (ikaw na bahala bumigkas) ay isang tradisyonal na sayaw mula sa bansang Bavaria at Austria. Hindi po halimbawa ng isang batang may kapansan sa pagiisip ang nasa ating larawan ngayong araw na ito. Siya po ay si Evan M. O' Dorney , ng Walnut Creek, California, nagwagi sa 2007 National Spelling Bee. Isa lamang po sa na-spell nya ng tama ang salitang schuhplattler (muli , ikaw ng bahalang bumigkas) . Habang pinanonood sa ESPN ang patimpalak na ito ng mga bubuyog , nung ma-spell nya ng tama ang salitang ito sa round 8 , naramdaman ko na sya ang mananalo, gayunpaman nung nagtanungan kami ng aking mother kung sino ang kanyang bet, pinili nya si Evan kaya ang pinili ko na lang ay yung me kahambugan ang dating na bata na nanalo naman ng ikalawang pwesto. Malaki ang paghanga ko sa mga ganitong klaseng tao na sa napakabatang edad ay nagpapakita na ng angking katalinuhan. Minsan nga nangangarap ako na magkaroon ng ganitong anak o kaya pamangkin , kaya lang mas malala pa sa pagiging mongoloids ko ang mga kupal kong pamangkin, awa naman ng Diyos , meron din namang kinakikitaan ng angking talino at sipag ng pag-aaral gaya ni Neggy at Rex. Balik kay Evan, nagwagi sya ng ma-spell nya ng tama ang salitang "serrefine".

Usapang bata na rin lang , isama na natin sa mga pwedeng tingalain si Sergey Karjakin ng Ukraine . 17 taon na si Sergey ngayon, pero sya ang naging pinakabatang Chess Grandmaster sa kasaysayan sa edad na 12 taon at pitong buwan. Henyo para sa akin ang batang ito, ako natututo ng maglaro ng ahedres nung ikalawang taon ko sa hayskul at ang pinakapamosong tao lang na natalo ko ay ang aking tatay at si Ambong Pusa (SLN parehas), pero si Sergey sa napakabatang edad ay natalo nya na rin ang mga kilalang tao sa larangan ng ahedres gaya ni Vladimir Kramnik , na hindi ko alam kung kilala nyo kasi alam ko si Kasparov at Torre lang naman ang kilala nyo sa ahedres (joke). Kung me kontribusyong nagagawa sa katalinuhan ng isang bata ang gatas na kanyang iniinom , malamang sinaliksik ko na kung ano ang gatas na nilagok ni Sergey at iyon ang ipinainom ko sa aking mga pamangkin at paiinumin sa aking magiging anak. Kung sya naman ay lumaki sa gatas ng ina......... wala na akong magagawa pa . (Hhhmmm, parang alam ko na iniisip nyo ah? hehehe). Mas mainam turuang maglaro ng ahedres ang isang tao habang bata, pero ingat din kayo habang nagtuturo sa mga bata , baka pag nalingat kayo ay mawala na iyong piyesa , dama na ang laro, perdigana, hehe.

Monday, October 01, 2007

National Broadband Network

Napadaan ako minsan sa ANC 27 at napanood yung Senate hearing tungkol sa maanomalyang ZTE Broadband deal. Muntik ko ng ihian yung bago kong biling telebisyon sa inis. Nakakayamot pakingggan yung ibang senador kung magtanong, gaya ni Sen. Jajaja- Jamby ang gusto lang isasagot ay Yes or No , bawal magpaliwanag, pag nagpapaliwanag naman si Sec. Mendoza uulitin nya na naman yung tanong. Yung iba namang tinatanong, nabubulol pa sa pagi-ingles , pwede namang tagalugin , wala pa namang panauhing intsik na miyembro ng ZTE na hindi nakakaintindi ng tagalog. Si Sen. Jinggoy , animo rehearsed ang tanong ke Joey De Venecia III. Ang isasagot na lang ni Joey puro, "Yes your honor". Ang batang De Venecia naman ay kapansin-pansing nagpaayos ng buhok, me nakapagbulong siguro sa kanya na kamukha nya si Mayor Sanchez kapag nasa telebisyon , hehe.
Kahanga-hanga naman ang intelligence gathering ni Sen. Ping Lacson , biruin mo , meron syang kopya nung nawalang kontrata at nalaman nya pa ang ibang kinasasangkutan ng ZTE sa ibang bansa. That's Senate investigation in aid of Legislation Mr. Chairman. Lumutang naman ang halatang pagpapa-impress ng iba pang Senador , mantakin mo , yung isang senador, inihambing ang titulo sa lupa sa 'data packets" para lumabas lang na me kaalaman sya sa makabagong teknolohiya. Natatawa nga ko nung magsalita na yung kausap nya at gumamit ng mga makabagong termino gaya ng "IPv6" at "VoIP" , natameme na si hambog na Senador ( Hindi ko to iboboto sa 2010 , promise) . At higit sa lahat , ano ang ginagawa ng isang opisyal ng Komisyon este Commission on Elections sa proyektong ito? Napansin ko lang, si Chairman Abalos , malalapit sa controversial computer projects gaya ng computerized elections , bakit kaya?

Makakarelate si Jamongoloids dito kasi networking, lam mo na, yan ang trabaho natin, "Committed in providing world-class technical support cheverlu in computer chenes". Para sa kin , okey na okey na magkaroon ng National Broadband Network ang ating gobyerno. Mapapabilis nito ang proseso ng mga papeles, palitan ng komunikasyon at higit sa lahat habang tumatagal , naniniwala ako na makakatipid ng malaki ang ating gobyerno. Yun nga lang , dapat itong pag-aralan ng maigi , napakaraming dalubhasang Pilipino sa larangan ng computer na pwedeng konsultahin para dito. Dapat nating tignan ng maigi ang ibang aspeto , gaya ng teknolohiyang gagamitin , WiFi daw, e alam naman nating me mga problema kapag wireless ang connection lalo na kapag buong bansa ang dapat na mag-communicate , halimbawa me bagyo, baka wala na kaagad signal to. Isa pa, paborito ng mga mababait nating kapatid gaya ng NPA at Abu Sayyaf ang magpasabog ng mga relay stations, kaya dapat isaalang-alang ang seguridad. Naglalaro ka ba ng computer games na "Generals" ? Ang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng salapi ng bansang China sa larong ito ay system hacking nanakawin ang andalu ng kalaban . E bansang Tsina ang hahawak ng ating proyekto, di siguro malabong mangyari ang ganito, idagdag mo pa ang iba pang talentadong Filipino Hackers na pwedeng-pwede pagpraktisan ang ating network.

Malaking salapi ang gagastusin ng ating bansa para sa proyektong ito , para sa akin okey lang to, katagalan, makikita din natin ang positibong epekto ng pagkakaroon ng modernong gamit pang-komunikasyon, yun nga lang ang problema ay yung mga taong humahawak ng proyekto , pag malaking salapi ang pinaguusapan , malaking buwaya din ang lumulutang. Wag sanang maging sarado ang isipan ng ating mga Senador at nakatataas na pinuno para sa proyektong ito , kung nakikita nilang maanomalya ang proyektong ito , kanselahin. Pag-aralang maigi ulit, pagkatapos ay lumikha ng maayos na plano at proyekto para dito.
Sa bandang huli , isa lang ang nagustuhan kong nagsalita sa pagdidinig na ito ng Senado, si Senator Miriam Defensor Santiago , sabi nya “China invented civilization in the East, but as well it invented corruption for all of human civilization.”
Ang taray ng idol ko no?

Tuesday, September 04, 2007

Universal Battery Charger

Ang laki ng problema ko kahapon , me nakatapak ng aking Universal Battery Charger na inestafa ko pa sa aking matalik na kaibigan ( karma ata). Malaki, dahil mahal ang magpagawa ng cellfone , sira na kasi yung power port nung akin, para makatipid, bumili ako ng UBC (Universal Battery Charger nga , tanga !) na nagkakahalaga ng 100 piso. Sa kasamaang palad, hindi gumana. Meron ding ganito ang ate ko , gumagana sa cellfone nya pero pag yung sa'kin na, ayaw mag-charge. Pinahiram ako ng UBC ng aking matalik na kaibigan , at sa wakas nag-charge ang baterya ng aking cellfone !. Parang one in a million lang ang gumaganang UBC sa baterya ko kaya nga inestafa ko na. Ang obyus na suspek, ayaw pang aminin na sya ang nakasira, e sya lang naman ang nakaupo duon sa pinagsaksakan ko.

Napagpasyahan kong subukin muli ang aking swerte , try and try , ika nga. Bumili akong muli ng UBC sa tabi pa ng simbahan ng San Antonio De Padua dahil umaasa ako sa himala. Ganun pa din ang halaga , isandaang piso. Tinesting pa ng tindero sa aking harapan ang UBC at kanyang ipinakita na ito'y nagkakarga ng kuryente ayon sa indikasyon ng LED (Light Emitting Diode , alam ko di mo alam, timawa !) Napansin ko na kakaiba ngayon ang pindutan at LED ng produktong aking nabili , ngunit may bahagya akong ngiti sa mga labi na binayaran ang naturang UBC at isinilid na ito sa aking bag.


Lumakas ang kabog ng aking dibdib ng buksan kong muli sa bahay ang sisidlang kinapapalooban ng UBC. Gusto ko kasing basahing maigi ang instruksyon sa likuran ng kahon . Narito ang EKSAKTONG isinasaad:


HBK UNIVERSAL CAHRGER


Operation Step:


1. play the slice the charger First to aim at the plus or minus pole of battery, good battery of cover.


2. press the "test" the key " confirm" the bright elucidati (dito ako napa- WOW! sa salitang ito , di ko alam kung magic spell sa Harry Potter) On of light is normal to refresh. If the "confirm" the light is not bright, press the "The conversion" the key convert the power supply's pole, then normal refresh.


3. normal refresh , refresh the Light flicker ; Battery saturation hour, the saturated Light is all and bright, and refresh the light to put out. Refresh time general for 4 hours, add result of an a 1-2 more good.


4. this charger can circumscribe link the line, direct opponent machine to refresh. Can refresh the pond with the charger cellular phone at the same time.


Highly Versatile Travel Charger ---in bold red letters


Heto ang pinakamatindi --> Certification Trademark : Approbated High-qualitied Products


Nahilo ka ba? Opo , isa lang ang tumamang pangungusap. At putang ina , kahit kapwa intsik ng nag-translate nito , siguradong hindi nya rin maiintindihan .Gusto kong kumuha ng martilyo , durugin tong charger , isawsaw sa holy water ng San Antonio de Padua at isubo dun sa tinderong nagbenta sa akin, pero kailangan ko pa rin itong testingin sabi ko. Kaya heto ko ngayon, me isang basong tubig sa tabi habang tinetesting tong charger, naghihintay ng resulta...gagana kaya o magliliyab ???

Saturday, September 01, 2007

Durog !!!



Nuong nakaraang Miyerkules na ata ang pinaka-produktibong araw na nangyari sa akin. Nagising ako ng mga alas 10:30 ng umaga, pagbangon ko ay nagpaalam na ang aking Madir na sya ay magpapa- Happy Dream (para sa karagdagang impormasyon pindot here) nakahanda na raw ang rekado ng aking lulutuing ginisang pusit. (hanep sa cooking training no? ) Habang nagkakape, inihanda ko na ang mga sangkap ,tinawagan ko na rin ang aking Bhabe para kumustahin, hindi naman naging kaaya-aya ang aming usapan sa cellfone sa kadahilanang me umeepal syang katabi na tsaka ko na lang idedetalye ang ginawa dahil di ko pa nakukutusan ang ulo at ipinapangako kong aabutin sa akin pag nag-krus ang aming landas ng hindot na yon.

Alas-3 ng tanghali ng magpasya na akong pumunta saQuiapo upang mamili ng kung anik-anik at makapagsimba. Sa Taft Ave., hindi nakaligtas sa aking mala-agilang paningin ang bakanteng upuan sa harapan ng FX byaheng Quiapo, at meron pang bonus nakatabing tisay (yahoooo!!!). Agad ko itong pinara, at dali-daling tinakbo ang unahan ng FX. Kailangan kong ihawak ang aking kaliwang kamay sa itaas pang-suporta, iangat ang aking puwitan upang maibuwelong maige ang pagsara at magkasya kami ni tisay sa upuan. Gusto kong sumigaw ng malakas pagkatapos kong pabagsak na isara ang pintuan ng FX, huli na nang aking napansin, naiwan kasi ang dulong hinlalaki ng aking kaliwang kamay sa itaas ng pinto, malumanay ko pang binuksang muli ang pintuan at dali-daling inalis ang aking naipit na daliri. Nadurog ata ? Tingin sa kaliwa , nakapikit pala si tisay, hindi ko sigurado kung napansin ako ng driver pero mukhang hindi nya alintana o dedma lang sa kanya. Tingin sa kanan, sigurado akong hindi naiwan ang aking kuko at walang bakas ng dugo. Tingin sa back mirror, mukhang walang nakapuna , walang testigo sa aking katangahan !

Para akong modelo ng Datu Puti na humiyaw ng walang tunog ng maramdaman ang unti-unting pagkirot ng aking dulong hinlalaki. Di ko na rin napigilan ang pagtulo ng luha sa aking mata. Mistulang baraha, dahan-dahan kong pinintahan ang hitsura nito. Wow ! Black Finger Nail. Gaya ng nasa ating larawan. Nanginginig ko pa itong sinubo pagkatapos ay itinapat sa aircon....Cool.

Gising na gising ako nung namili ako ng kung anu-ano, lalo lang akong nagiging alerto pag nababangga ang aking kamay. Hindi naman ako gutom na gutom , pero nanginginig pa rin ang aking kamay tangan ang kutsara habang isinusubo ang lumpiang sariwa na hindi ko nakakaligtaang kainin pagkatapos mag-Quiapo.

Alas 5:00 ng magpasya akong sumama naman sa rally para sa mga desaparecidos (me natutunan ka na naman bagong word bungol !) sa harapan ng Post Office. Bagama't hindi ganun kalawak ang aking nalalaman sa tunay na ipinaglalaban ng mga taong nasa paligid ko, naniniwala naman ako na meron silang hinaing na dapat sagutin ng gobyerno ni Ang Shaya-Shaya (GMA , tanga !) at sigurado akong pasok sa trip ko yung mga isinisigaw nila. Nang maramdaman kong lumalakas na ang ambon, nagpasya na akong itigil ang aking kahangalan. Sa aking paguwi, siniguro kong sa likuran na ako ng FX sasakay, ang kabilang kamay malayo sa pintuan.....ang shaya no?

Sunday, August 19, 2007

Chopsuey ni Inay

Tagal ko ring di nakapag-post dito , dami ko pa naman sanang gustong ilagay, tang ina naman kasi, nung ma-assign akong magkaroon ng dagdag na trabaho sa forum , binigyan nga kami ng access sa halos lahat ng internet sites , nagkataong sa blogger.com naman yung naka-block. Me bago akong kinahihiligan ngayon , di naman siguro masyadong halata dun sa pics no? Ayoko rin namang maging blogs na para sa pagluluto ang jamongoloids pero tingin ko mapaparami yung post ko na ganito. Pero anything goes pa rin tayo , puro pakikipagsapalaran at kwento ng buhay ni Jamo. Tinuturuan ako ng nanay ko kung paano magluto ng walang halong sabon at isa ito sa mga pinakapaborito kong natutunan ang chopsuey. Lagi akong me bitbit na maliit na notebook na akala mo ay nagpapataya sa bookies ng karera para ilista yung mga sangkap at pamamaraan ng pagluluto. Natatandaan ko yung sinabi ng isa kong kaibigan sa trabaho , ilang araw bago sya mag-resign , "Jam, kung talagang gusto mo , walang imposible". Gusto ko sana syang pagsamantalahan nung mga sandaling iyon , tutal di naman imposible (joke, ehehehe). Kaya eto na, gusto kong matutong magluto , hindi nga imposible.

Mga Sangkap:


¼ kilo sitsaro


celery - limang piso lang , pero mas madami mas malasa


pugo - optional


¼ kilo- baguio beans


1- siling pula


2- carrots


1- cauli flower


1 plastic young corn


¼ kilo repolyo


¼ kilo sayote


¼ kilo pork


¼ kilo atay ng baboy


¼ kilo hipon (mas madami mas okey)


1 bawang, hiwain ng medyo pino.


1 sibuyas, hiwain ng medyo pino


2 tbsp. cornstarch , haluin sa ½ basong tubig , lagyan ng 1 kutsarang toyo or oyster sauce


1 tbsp patis


1 vetsin





Paraan ng pagluto: -


Sa kalahating tasa ng tubig, ilagay ang dinikdik na ulo ng hipon. Pigain hanggang kumatas ng maigi , salain pagkatapos. Ito ang gagamiting pampalasa sa chopsuey.


- Hiwain ang mga gulay ng katamtamang laki ayon sa iyong trip, ilaga mo na rin ang pugo.


- Igisa sa konting mantika ang baboy, hintayin itong magkulay brown.


- Sunod na ilagay ang bawang , pag medyo brown na , isunod ang sibuyas.


- Pag wala na yung kulay ng sibuyas , ilagay na ang binalatang hipon at atay. Igisang maigi.


- Pag gisado na ang hipon at atay , ilagay na ang sabaw ng dinikdik na ulo ng hipon.


- Lagyan ng pamintang durog, vetsin, mga 1 kutsarang patis


***pag madami na yung nalagay mong toyo sa cornstarch konti na lang ang ilagay mong patis para di maalat.


- Pag medyo kumulo na , ilagay na ang mga sangkap na gulay.Ilagay na rin ang cornstarch na may toyo , depende kung gusto mo ng madaming sabaw , mas okey kung hindi mo ilalagay lahat ng iyong tinimpla.


- Haluin ng bahagya, takpan ng mga kalahating minuto lamang. Pag medyo kumulo na yung sabaw , alisin na yung takip para mapanatiliang berdeng kulay ng gulay.


- Ilagay ang pugo.


- Tikman kung di ka malalason.

Thursday, June 14, 2007

Globe Lumpiang Sariwa


Adik na ata ko sa lumpiang sariwa. Sa tuwing nagpupunta ko ng Quiapo eto na lagi kong hinahanap, kulang na lang manginig ako pag di ko natitikman yung lumpia, pagkatapos magsimba hahalukay muna ko ng mga oldies music. Patingin-tingin sa mga bold cd's , patigas konti (hehe). Tas punta na ko ng Globe . Opo hindi cellphone yung tinitinda nila , lumpiang sariwa. Matatagpuan sya sa Raon , hindi sya pansinin pero makikita mo sya sa google pag sinearch mo. Hindi ka kagad makakakain pag-pasok mo kse madaming kumakain sa loob at me kaliitan yung pwesto. Pag minamalas ka lalo na 't biyernes o kaya linggo , pipila ka muna bago ka makakain . 16 na piso ang isang lumpia at karaniwang tineternuhan ng sarsi . Pagpasok mo , mapapansin mo kagad ang larawan ni Charlene Gonzales kasama ang may ari tsaka yung larawan ni "Kay Susan tayo!!!" me hawak ding lumpia. Me butas ang mga kutsara nila , hindi ko alam kung bakit. At mapapansin mo kagad ang karatulang " No Branch". Bago lumabas , tinitignan ko kung me buntot at sungay yung nagpe-prepara ng lumpia, kasi parang demonyo sa sarap kung gumawa eh. ( Hanep sa advertisement no? )

Mababa ang dalawang lumpia bago ko lumabas ng globe. Yung nasa larawan natin ngayon , na-search ko lang yan sa google pero sigurado akong sa globe kuha yan. Nung nakaraang linggo , pagkatapos kong kumain ng tatlo, dumiretso kagad ako ng 168 mall para bumili ng weighing scale (oo timbangan , tanga!) para malaman ni Mother kung me progreso ang pagpapababa nya ng timbang. Napadaan ako sa isang tindahan ng medyo me "kagandahang intsik" . Tinanong ko , kung me iba pa silang kulay ng timbangan. " Heto koya pele ka oh" wika ng magandang intsik sabay turo sa bandang kaliwa nya ng iba pang disenyo ng mga timbangan. Bigla akong nahilo sa kinatatayuan ko, nakita ko ang me kakapalang balahibo sa kili-kili nung magandang intsik pagturo nya ng iba pang produkto (Wapak !).

Walang sabi-sabing kinuha ko na yung isang timbangan, binayaran ng wala ng tawaran at nagmamadaling umalis. Paglabas ng 168, halos isuka ko yung tatlong lumpiang sariwa na kinain ko. Putang inang buhok sa kili-kili yan , ayaw mawala sa utak ko.........