Monday, February 28, 2011

Nasaan ka noong EDSA?

Hindi ko na matandaan, pero malamang naglalaro lang ako noong kainitan ng EDSA I. Mga pitong taon pa lang kasi ako ng mga panahong ito. Ang aking papa't mama naman(hanep, mayaman?) ay malamang kasalukuyang abala sa pagkakarpinterya at pagtitinda ng ulam.

Bakit? Sa aking pagkakaalam, ang Republika ng Zapanta, kung saan ako isinilang, ay pugad ng mga loyalista. Maka-Marcos halos lahat.

Personal ko namang idolo si Macoy. Para sa akin , hindi lahat ng ginawa nya sa Republika ng Pilipinas ay masama. Isa pa sa mga hinahangaan ko sa kanya ay ang pagiging magaling at matalino niyang Lider. Bagama't aminado tayo na marami rin siyang naging atraso sa ating kababayan at nalulong din siya sa sobrang kapangyarihan. Ang iba pang bagay na nagustuhan ko sa kanya, malamang ay gumugol ng isang mala-nobelang lathalain na hindi ko nais talakayin.

Me diwa ang EDSA I. Me halaga. At meron tayong aral na dapat matutunan. Ito lang ang kinikilala kong tunay na mapayapang rebolusyon at lehitimong pag-aaklas ng sambayanan. Nararapat na masulat sa ating kasaysayan. Ang ikukuwento ko sa aking magiging anak. Yung mga sumunod na EDSA ay pawang pang-aagaw lang ng kapangyarihan. Walang hustisya. Pansariling interes lang at kuntsabahan ng mga swapang. Nilahukan ng mga elitista at uto-uto..

Di ko trip na magsulat ng ukol sa EDSA pero di ko mapigilang magbigay ng reaksyon ukol sa aking napanood na panayam sa mga estudyante ukol sa alam nila sa EDSA, minsang maligaw ang aking pagpindot ng remote control sa ANC News.


Muntik na akong malaglag sa aking kinauupuan ng mabanggit ng isang estudyante na isang "General Tomas Diaz daw ang lumagda sa Martial Law!" Meron pang isa na ang edsa daw ay "ginawa ng mga americans", hindi na naberipika kung ang tinutukoy nya ay ang kahabaan ng EDSA. Mayroon pang nag-akala na si "Ninoy ay naging presidente bago pa si Cory?" At sari-saring ewan at hindi alam.

Malamang natutulog yung iba nung kasalukuyang itinuturo ang araling EDSA sa asignaturang kasaysayan, o mas paborito ang aritmetik? O mas marami lang sa kanila talaga ang walang pakialam? Maiintindihan ko kung ikakatwiran nila na sila'y me karga o sabog habang tinatanong.

Hindi ko rin masasagot ang ibang katanungang ipinukol ng tagapagbalita sa mga estudyante, gaya ng eksaktong petsa. Pero masisiguro kong masasagot ko ang iba pang katanungan at matapat kong aaminin kung hindi ko alam kesa magpanggap na may alam.

Malamang na nakakatawa sa iba yung mga tinuran ng mga kinapanayam na kabataan, pero ako? sa totoo lang...kinilabatutan.

Parang naisip ko tuloy minsan hindi na angkop ang awiting Magkaisa ni Virna Lisa tuwing gugunitain natin ang EDSA. Mas akma siguro, Malayo Pa Ang Umaga ni Rey Valera.

Kawawa.

Friday, February 25, 2011

R n Beatles


Mistula akong sinumpa. Hindi ako makainom ng malamig , kaya kahit absent ako kahapon , di pa rin ako makalaklak ng alak. Namamaga kasi ang aking lalamunan , kaya nagkasya na lang ako sa panonood ng telebisyon habang hinihimas ang aking ALAGA! (aso nga gago...).

Hindi ako ang hari ng remote control, dahil me kasamang kontrabida na nakaluklok sa kanan ng aking trono. Si Atheng (my love yihi!). Siya ang nagpapasya kung saang istasyon ako hihinto habang pinipindot ko mula 55 pababa. Anong magagawa ko eh alipin ako ng pag-ibig?

American Idol 10 ang palabas na napili ng Reyna. Parehas kaming natuwa sa palabas dahil Beatles ang tema. Ang magkaka-grupo ay pabubunutin ng awitin ng maalamat na banda at ito'y kailangang mabigyan nila ng hustisya sa harap ng mga inampalan.

Poreber na talaga ang awitin nila. At sadyang ang mahusay na mang-aawit , kahit ano ang ipakanta mo, maganda talaga ang kalalabasan. Tulad ni Paul McDonalds, ikanga'y ang aking manok sa patimpalak na ito. At wag kang magugulat kung sasabihin ko sa yong dito na nagtatapos ang paksang ito. Tinatamad ako eh, ungas. O hala , maki-awit ka na sa kanila.....

Thursday, February 10, 2011

Wer na U?


Enero pa dapat napakawalan ang lathalaing ito, ngunit sa di malamang kadahilanan o nangangalay ata ang aking mga daliri o tinatamad ako na mas gusto ko pang mangulangot kesa magtipa ng isang artikulo.

Pamilyar ang mukha ng nasa bidyo na pinapanood/pinakikinggan ni Boss June ng madaanan ko sya sa kanyang upuan. Boss ang tawag ko sa mga senior namin na nahihingan ko ng tulong at madalas kong tanungan sa mga makakati sa ulo kong cases. Nang tanungin ko siya kung sino yun , nabanggit niya ang pangalang Joanne Lorenzana. Parang me nauga sa hungkag na bao ng aking bungo. Gaya ni Bb. Lorenzana , asan na nga ba ang iba pang alagad ng sining na matagal ko ng hinahanap? Tamang hanap kasi ako nitong mga nakaraang linggo eh, una mga banyagang mang-aawit, yung mga dekada sisenta at sitenta (60's at 70's indio!). Tapos ipo-poste ko sa peysbuk , tapos gugustuhin ng mga ulupong kong kaibigan na mahilig din sa oldies.

Ngayon mga alagad ng OPM naman ang gusto kong hanapin. At gumawa ako ng maikling talaan nung mga medyo mahirap hagilapin. Nakikini-kinita ko na ang eksena nito sa darating na Linggo, isang tasang tsaa, hinihimas ang aking alaga.... (aso gago!) habang nagbabalik-tanaw sa musika ng dekada sitenta.

Nga pala, wag mo kong tanungin kung bakit walang apelyido si Keno at Lilet, hinanap ko ito, pramis, ngunit di ko nasumpungan. Kung nais mong mapakinggan ang awitin nila , punta ka ng youtube.com at hanapin sila doon, hindi ka mabibigo. Sawndtrip tayo.

Joanne Lorenzana
Kung Alam mo Lang
I'll Never Let You Go
Back In Your Arms
www.joannelorenzana.com

Raymond Lauchengco
So It's You
Farewell (uu kanta ito nung graduation nyo?)
Saan Darating ang Umaga
www.raymondlauchengco.com

Keno
A Friend
Leaving Yesterday Behind

Gino Padilla
Closer you and I
I Believe in You
Angel in Disguise

Timmy Cruz
Boy

Lilet
Kahit Bata Pa
Kay Palad Mo
Kaibigan Lang Pala

Flippers
Sa Bawat Sandali
Hindi Ako Iiyak

Bidyo naharbat sa youtube.com, nagpaalam ako sa may-ari ng bidyo ngunit dinedma ako kung payag o hindi.