Wednesday, January 14, 2009

Pinakamalinamnam na Mami

Nagsimula ang lahat sa tanong ni Barney Boy ng "ano na Jam"?  Ibig sabihin ay nagtatanong kung anong gimik , ideya o lakad ang nasa aking isipan.  Dahil sa tagos hanggang butong lamig ng panahon , napagtanto kong masarap humigop ng kumukulong sabaw. Isa pa, ang aming kaibigang si Jaypee ay hindi pa natitikman ang mami sa matagal na naming natuklasang kainan sa puso ng Binondo, ang Wai Ying.


Matagal-tagal na rin kaming naglalakbay sa Binondo upang hanapin ang pinakamalinamnam na mami. Madalas kaming lumalapag sa Big Bowl na matatagpuan sa Masangkay St. para kumain , hanggang matuklasan naman namin na sa katabing kalye, sa Benavidez St. , matatagpuan din ang isang kainan na nagsisilbi ng ma-alamat sa sarap at pagkalinamnam na mami (oo , mapapa-putang ina ka sa sarap, ehehehehe). 


Dalawa ang Wai Ying restawran sa Benavidez St., yung isa ay para sa take-home, samantalang ilang hakbang lamang mula rito ay para sa dine-in.  Sa labas ay makikita mo agad ang mga naka-display na tinustang  kamag-anak ni Donald Duck (roasted duck patay-gutom!) . Hindi ka dapat ma-OP pag-upo mo sa loob dahil mga Filipino rin naman ang mga intsik na karaniwan mong makakasabay sa pagkain, di ka nga lang mananalo sa pagalingang gumamit ng chopstick.  Pag-upo, kakasahan ka kaagad ng tsaa ng taga-silbi at ilang-minuto lamang ay nakahanda na ang inorder mo. Wag na wag mong kakalimutang magtimpla ng  sawsawan na toyo na may chili sauce at kalamansi para sa wag na wag mong kakalimutang orderin na siomai at hakaw to the tune of wag na wag mong sasabihin ni Kitchie Nadal. Bibilib naman ako sa iyo kung bibira ka pa ng thai pao na mas malaki pa ang sukat sa ulo mo pagkatapos mong lantakan ang isang mangkok na mami. 
 
Ang paghahanap sa pinakamalinamnam na mami ay magpapatuloy, sa kasalukuyan, isa ang Wai Ying sa may masarap na mami na aming natikman. Ang mga larawan sa ibaba ang ilan lamang sa mga maibabahagi naming kuha ng aming mga pakikipagsapalaran. 

BABALA: Lubhang nakakagutom ang mga sumusunod na larawan. 


Sa Wai-Ying talagang finger-lickin ang mga pagkain.


Sinong may sabing wala ng libre sa panahong ito? Libre ang tsaa dito , bottomless pa. 


Ang ma-alamat na Roasted Duck Mami......nilantakan ni Jaypee


Beef Wanton Noodles , Roasted Duck Mami, Ham Soi Kok, Siomai at Hakaw, wowowowwwww!!! 


Pwede bang magpalamang  si jamongoloids? Akin ang huling kagat...ehehehe


Wag kang papaloko sa ekspresyon ng aking mukha, abot kaya ang presyo ng mga pagkain tig-150 piso lamang kaming tatlo.


Display pa lang , maglalaway ka na. Hanggang sa muling pagkikita Wai-Ying ! 

Sunday, January 11, 2009

Wacky Shot

Salamat sa Diyos at kumpleto pa rin ang aking mga daliri ng matapos ang taong 2008 at pumasok ang taong 2009. Pagkatapos ng masayang inuman hanggang ika- 8 ng gabi , nagbuhos na ako ng malamig na tubig at nagpababa ng tama. Bagamat pinili ko pa ang matulog na lang dahil may pasok ako sa trabaho ng Bagong Taon , wala akong magawa kundi gumising dahil ubod ng lakas ang mga paputok pagsapit ng alas 12 ng umaga. Masakit na sa tenga ang ubod ng lakas na paputok, habang nasa labas ay nabagsakan pa ako ng nagbabagang papel ng paputok kaya pinili ko na lang na hintaying humupa ang putukan sa loob ng bahay kasama ang aking kasintahan, tanging ina at mga pamangkin.

Masayang nagsimula ang taong 2009 dahil inimbitahan akong maging abay sa kasal ng aking ka-mongoloids at kaklase noong nasa kolehiyo na si Marlon Bautista. Akala ko ay tuluyan na akong lulubayan ng katatawanan sa buhay pero hindi pa pala. Sa kalagitnaan ng pagpapakuha ng larawan kasama ang bagong kasal, humiling ang litratista ng walang kamatayang wacky shot.....

Litratista: O bakit naman malungkot kayo? Isang masayang "YES !" naman dyan.

Buong galak naman naming pinagbigyan ang mama sabay bigkas ng salitang "yes!".

Litratista: O isa pang wacky shot dyan sir , ma'am , taas natin ang kanang paa and say "yes!" while the couple will kiss each other.

Siyempre pinagbigyan ulit namin si manong. Habang nagpapakuha , napansin kong nakanguso ang akin ding kapwa mongoloids at kaklase na si Reegan Vargas, na pinakiusapan kong kunan din kami ng larawan, inginunguso ang aking kanang paa.

Huli na ng aking mapansin na hindi ko pa pala natatanggal ang tag price na nakalagay sa ilalim ng aking bagong sapatos. Nakalagay ang halagang 1,099.75 sa tag price at hindi ko alam kung nakuhanan din sya ng litratista. Mura ko lang nakuha ang sapatos dahil sa "christmas sale" , baka gusto mong itanong kung ano naman ang makikita mong tag price kapag iniangat ko ang aking kaliwang paa?

Wag ka ingay ha? 5o% off kaya 500 na lang ang tag price kapag iniangat ko naman ang aking kaliwang paa. Potang ina talaga ! ehehehehehe.....

Ang mag-asawang Marlon at Rina Bautista habang nagtutukaan.


Ang tag price ng aking sapatos. Parang me munting tae pa nga e, look.

Hindi naman halatang si Marlon ang pumili ng mga tugtog pagdating namin ng handaan dahil puro Beatles ang musikang pumapailanlang. Nagustuhan ko ang kantang Across the Universe kaya ilalagay ko siya dito. Jai Guru Deva Om . Congratulations kapatid!