Thursday, January 13, 2011

Kasama ko sa KASAMAKA





Anim na beses ko na siyang pinapanood ng paulit-ulit-ulit. Di ko alam kung nagagwapuhan ako sa mga kuha ko o merong di maipaliwanag na damdamin dun sa video na pinost ni Sir Butch dun sa nakaraang pagkikita-kita ng IV-1 na naging outreach program.

Isa't kalahating oras lang ang tulog ko pero nag-pagising pa rin ako sa aking kasintahan na adik sa Plants Vs.Zombies para mag-grocery. Ito kasi ang napagkasunduan namin ng presidente ng klase, Pablo Pingol Jr. aka Olbap Longip, ang magdala ng kaunting maitutulong sa ilang kababayan natin na may kapansanan. Naging negatibo pa nga ako sa una, dahil sinabi kong hindi maasahan ang ilan naming kamag-aral sa mga ganitong pagkikita-kita sa buwan ng Disyembre kaya napagpasyahan na ganapin sa buwan ng Enero.

Linggo ng magkita-kita kaming magka-kaklase sa harapan ng Mababang Paaralan ng Rafael Palma upang dumiretso pagkatapos sa bulwagan ng La Paz kung saan magaganap ang pagkikita-kita at programa. Gaya ng huling pagkakadaupang palad na nailahad ko na sa mga nauna kong lathalain, napakasaya nito bagamat mabibilang mo sa pinagsama-samang daliri sa paa't kamay ang mga dumalo. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang layunin ng presidente ng klase na ipagpatuloy ang pinlanong pagtulong. Isa sa mga hinangaan ko ay ang aming kamag-aral na si Olivia Salazar na piniling mag-trabaho sa DSWD at pagsilbihan ang mga batang may kapansanan ng kasapi ng KASAMAKA CBR Foundation. (saludo ako sa iyo klasmeyt!).

Ang video ang magsasalaysay ng mga sumunod na pangyayari. Normal at masaya ang aking pakiramdam sa kabuuan ng palatuntunan. Sigurado ako na kung mga matatanda ang aming tinulungan , di ko mapipigilang lumuha. Di ko maipaliwanag kung bakit parang ordinaryo lamang ang aking naramdaman ng matapos ang programa.

Natapos ang aming reunion sa Starbucks sa MOA. Hinatid ko ang aking kasintahan patungo sa kanilang tahanan malapit lang din sa pinag-ganapan ng outreach program. Di ko inaasahan na ang isa sa mga inimbita dun sa outreach program ay makikita pa rin namin sa daanan. May kadiliman ang lansangan ngunit malayo pa lamang ay nakita nya na kami habang kalong ang kanyang kapatid (ata) na may kapansanan at kami ay kanyang binati. Binati ko rin siya ng isang matamis na ngiti ngunit di ko na nagawang tanungin pa siya kung bakit nasa kalsada pa rin sila bagamat gabi na at nagpatuloy kami sa paglalakad. Maraming tanong ang naglaro sa aking isip habang papalayo kami sa kanila. Parang gusto ko silang balikan at tanungin kung bakit nasa labas pa rin sila ng kalsada kalaliman ng gabi. Kumain na ba sila? Wala ba silang bahay o sa kalsada lang ba sila matutulog? Puro de lata halos yung naibigay ko, meron man lamang ba silang pambukas sa lata ng sardinas? Paano at saan nya lulutuin yung bigas na kasama sa aking mga napamili?

Dito ako nakaramdam ng awa at medyo nangilid ang aking luha. Ito yung hindi ko naramdaman nung ginaganap ang palatuntunan. Di ko naisip na maliban sa kapansanan di ko naitanong sa aking sarili kung gaano kaayos yung buhay ng aming mga nabahaginan ng kaunting tulong? Gayunpaman, naisip ko na sa ngayon , yun pa lang ang talagang maitutulong namin. Sana kahit paano, makakasapat na yon para pantawid-gutom ng ilang-araw dun sa mga dumalo na talagang hikahos sa buhay. Sana maulit. At sana sa susunod maraming kaklase ang sumama at tumulong sa mga miyembro ng KASAMAKA.
Video galing sa YouTube hiniram sa: http://butchcafe.wordpress.com