Sunday, November 28, 2010

Impluwensya ni Doraemon 3

Bella Angeles Abangan
Kung nais maging positibo ang pananaw sa buhay, magkaroon ng inspirasyon, dagdag na lakas ng loob at maging matibay ang pananalig sa buhay, magbuklat lamang ng pahayagang Tempo at basahin ang "Lakbay Diwa".

Huli na ng malaman ko na nagturo pala si ma'am sa PLM , hahantingin ko sana ang kanyang klase at magpapalipat. Napakasarap atang makinig sa isang propesora na tunay na alagad ng yeso't pisara, napakadami mong matututunan sa buhay. Hindi ako nagsusulat ng mga gaya ng sinusulat ni ma'am , pero pag nababasa ko ang kanyang lathalain , parang ang sarap mabuhay, lumaban sa pagsubok at magtagumpay. Aminado ako na madalas akong magpahid ng luha kapag nababasa ang kanyang mga maikli ngunit makabuluhang sinusulat, kaya pag di ko trip maiyak, pinagtyatyagaan ko na lang yung mga babasahing tulad ng Toro, Remate at Bomba (joke only!).Ang manunulat na tulad ni ma'am ang aking impluwensya sa makabuluhan, inspirasyunal at maka-Diyos na mga sulatin(kung meron man, ehehehe).

Masashi Kishimoto
Hindi ito yung naka-imbento ng nilalagay ng nanay mo sa lutuin para sumarap, unggoy! Si G. Kishimoto ang gumawa ng manga komiks na NARUTO. Sa tanda kong ito (kahit di halata), lulong pa din ako sa mga nagliliparang ninja, samurai , kung-fu at karate. Isang matalik na kaibigan ang nagpakilala sa akin ng ligaya ng pagbabasa ng Manga at dapat sisihin sa pagka-ulol ko sa Naruto. Hindi naman ako masyadong naa- adik dito, kasi bumili pa ko ng dvd kahit alam ko na ang mangyayari, bumili pa ko ng keychain na madalas namang nawawala dahil nalalalaglag o me kumukuha sa aking bag pero bumibili pa rin ako ulit, inaabangan ko din ang paglabas ng pinaka-sariwang kabanata sa ganap na ika-12 ng madaling-araw tuwing huwebes at higit sa lahat , gaya ng mga di masyadong pangkaraniwang hibang dito , pagtapos basahin ang manga, pinagdidiskusyunan namin ito at pinagku-kwentuhan kahit pare-parehas naman kaming katatapos lang itong basahin!

Impluwensya kay Masashi ang obra ni Akira Toriyama, ang Dragon Ball. Sa kabilang banda, kung ako naman ay napagkalooban ng talento sa pag-guhit at pagsusulat, gagawin kong inspirasyon ang husay ni G. Kishimoto, at mawawalan ng trabaho si G. Carlo Jay Caparas dahil ang mga lathalain ko ang babasahin ng mga Pilipino (kasarap mangarap!).

Hiroshi Fujimoto
Alyas Fujiko F. Fujio. Pangarap ko ang mga nagawa ni G. Fujimoto, ang makapag-sulat o lumikha ng isang lathalain o karakter na nakakatawa ngunit nagpapakita ng kabutihang-asal gaya ng pagsisikap, katapangan , pagiging marangal at paggalang sa matatanda. Siya ang henyo sa likod ng karakter na Doraemon na sumikat sa kanilang bansa. Isipin mo na lang , kung totoo lahat ng gadget na lumalabas sa bulsa ng robot na pusang ito , e di kung ikaw si Nobita mapapakanta ka na lamang ng "What a Wonderful World".

Nasa ibaba ang maikling trivia na matagal kong sinaliksik ukol sa karakter na 'to (mga dalawang click sa gugel). Sige na nga para di ka magmukhang tanga , tatanungin muna kita. Alam mo ba?

1. Na ang ibig sabihin ng "Doraemon" ay pusang-gala.

2. Na si Doraemon ay walang tenga dahil kinain 'to ng isang daga, dahil dito nagkaroon siya ng
buratophobia o matinding takot sa daga (tanga ang maniniwala!).

3. Na si Doraemon ay galing sa hinaharap, inimbento ni Sewashi na kaapo-apuhan ni Nobita.

4. Na nilikha si Doraemon upang mapabuti ang susunod na henerasyon ni Nobita, na walang kapaga-pagasa sa buhay at puro ngawa lang ang alam.

5. Na Gian o Jaian ang tunay na pangalan ni "Damulag". Ewan ko ba kung bakit eto pinangalan , pwede namang Bartolo o kaya Bondying?

6. Na si Nobita ay Grade-IV, section kalabasa (oooowwwwsss?).

7. Na ang kwento ni Doraemon ay hindi natapos dahil natigok na si G. Fujio noong 1996, pero maraming nagsulputang mga kwentong katapusan pagkaraan nito.

8. Na tapos na 'to nagbabasa ka pa?

Thursday, November 25, 2010

Impluwensya ni Doraemon 2


PATALASTAS:
Nakasalubong ko ang isa sa aking cute na inaanak at ako'y kanyang binati ng isang napaka-tamis na ngiti, sabay mano:

Inaanak: Ninong Jam nauna ko sa'yo!

Ibig sabihin nito , pengeng limang piso...

Jamo: Alang dalang pitaka si Ninong eh!

Sabay hawak sa ulo ng aking inaanak para di na ko masimangutan.

Jamo (ulit): Anong gusto mong regalo sa pasko?

Para malayo na yung usapan sa limang-piso.

Inaanak: Cellphone! Sabay ngiti ng ubod-tamis na may halong ningning ng mata na tila may malaking pag-asa.

Jamo: Tanga! Di pwede, marami na kayo!

Tinapik ko yung ulo ng bata sabay talikod. Naisip ko, tangina, lumaki pa tuloy yung limang-piso, ehehehehe.

Dra. Margie Holmes
Kung payong sekswal din lang naman ang hanap mo, si Dra. Holmes ang eksperto. Isang mahusay na sikolohista na handang makinig sa iyong problema at ibahagi ang kanyang kahusayan, bigyan ka ng propesyunal na payo gaano man kataba o kaigsi ang "pototoy" mo, sinluwag man ng batya ang "pitaka" mo?. Hindi man ganoon kahusay ang kanyang pananagalog, mababasa mo sa kanyang panulat ang garantisadong sagot at payo sa kahit anong problemang sekswal mo.
Ang nagustuhan ko sa matalinong propesorang ito na isa sa aking iniidolo? Simple lang , "Walang Bolahan!".

Alfie Lorenzo
Ke Tito Alfie ko nakuha yung mga banat na me open and close parentheses (yung ganito, tanga!). Enjoy ako basahin ang mga kolum niya, dahil iilan lamang sya sa mga manunulat na may mga pagsasaliksik na ibinabahagi ukol sa paksa na kanyang isinusulat. Mas na-aaliw akong basahin ang sinusulat nya kapag meron siyang kaaway. Sino ang makakalimot sa banatan nila at pagpapalitan ng birada nina Pete Ampoloquio at Peter Ledesma? (di mo kilala? i-google mo tanga!)

Si Alfie Lorenzo ay miyembro ng pamosong "Troika" kasama ang dalawa pang yumaong beterano at mahusay na manunulat na sina Oskee Salazar at Billy Balbastro. Kaiba sa ibang manunulat sa showbiz, intelihente at halatang hindi binayaran ang mga sinusulat ni G. Lorenzo. Mas nagustuhan ko rin sa kanya ang walang takot na pagpapahayag ng kanyang opinyon at saloobin sa kanino mang tao, sa mundo man ng pulitika o itinuturing mang star ng showbiz. "Star nga ba?".

Meron pa sana akong idadagdag , kaso lang aandap-andap na ang koneksyon ko sa SBW (Sun Broadband Wireless, engot!), hanggang sa muli!

Tuesday, November 23, 2010

Impluwensya ni Doraemon

Nahiya naman ako sa isang dating kamag-aral sa kanyang komentong iniwan sa FB (Facebook, tanga!), ito ang nagtulak sa akin (tinulak daw oh?) upang muling buhayin ang blog na ito. Ngunit ang katotohanan, namatay ang 3rd hand kong laptop na hp ze200t. Sosyal di ba? Pero sinabi ko ang tatak para wag ka ng bumili boplox! Parang plantsang nagbabaga ang processor at nasa bundok ng timbuktu ang piyesa. Sa madaling salita, bumili ako ng bagong laptop mula sa pinagputahan ko heto nababasa mo na naman ako.

Narito ang kanyang tinuran. Paumanhin ngunit di ko na isasalin sa ating sariling wika , kasehodang magdugo ang ilong mo, tsaka wag mo ng tanungin kung ano yung ":D" (tungaw!):

A good person! A good writer! He could have been more popular than Bob Ong should he focused on his writing skills! :D

O di ba? Parang komento lang ng guro na isinulat sa form-138. Nakakataba ng puso, isang salamat na lamang ang aking naiganti. Pero di ko ata kayang higitan ang talento ni Master Bob Ong. At dahil nabanggit na rin lamang ang kanyang pangalan, naisip kong ilathala ang mga manunulat na naka-impluwensya sa paraan ng aking pagsusulat.

Bob Ong
Bago ko pa nabasa ang unang libro ni Bob Ong na Abanakakabasanapalako (tama ba?) na pinahiram sa akin ng isang espesyal na kaibigan (hindi yung tumutulo laway ha?), nagsusulat na ako. Pero hindi ko kinarir at pinagpapalipasan ko lang ng oras lalo na sa mga panahong nalilipasan tayo at tanging nginangatngat ay dulo ng mongol. Hindi natin kayang tapatan ang husay , banat at diskarte ni Master B.O , pero aminado ako na malaki ang impluwensya niya sa aking paraan ng pagsusulat at ang istilo nya ay aking hinahangaan.

Jose Rizal
Nasa kolehiyo na ako ng higit kong maunawaan kung gaano katalim ang panulat ni Dr. Jose Rizal. Lingid sa kaalaman ng iba, naging malalim ang aking pananaliksik sa buhay ng ating pambansang bayani. Pambihira ang kanyang katalinuhan at mas lalo ko pa syang inidolo ng malaman ko na mahilig din siyang maglaro ng ahedres. Nang malaman ko pa na matinik to sa tsikas, kung saan tula ang pinandadale kumpara ngayon na lab kowts ang pandagit, mas naging kahanga-hanga ang ating pambansang bayani di lamang dito kundi sa iba pa niyang naisulat. Ang pagsusulat ko ng mga seryoso at makabayang lathalain ay dulot ng impluwensya ng ating dakilang bayani.

Conrado De Quiros
Kung magiging mahusay ako sa pagsusulat sa ingles, wala na akong hihilingin pa kundi maging kasing-husay ng kolumnista ng isa sa pinaka-matapang at pinagkakapitagang dyaryong inquirer. Ang mga kolum ni G. De Quiros sa "There's the Rub" ay malaman, napapanahon, totoo at matapang. Pinakapaborito kong isinulat nya ay yung pinuno nya lang yung buong kolum niya ng katagang "Hello Garci".

Xerex Xaviera
Sa maniwala ka o hindi me impluwensya din sa aking itong manunulat na ito. Nasa ikatlong grado ako ng mabasa ko ang una niyang kolum ng magbitbit sa eskwelahan ang isa kong kamag-aral ng dyaryong abante. Hindi ko na babanggitin pa ang pangalan ng aking kaklase pero ang clue , wala siya sa larawan ng aming klase na sinundan ng artikulong ito (naku daling hulaan kung sino absent , ehehehe). Dalawang lathlala ni G. Xaviera ang di na nawaglit sa isip ko, yung una kong nabasa na binobondyobi niya yung mga baboy ng tiya nya kaya malulusog ang mga ito at masisigla at yung isa na ang pamagat ay "Ano? May kuto sa bulbol?". Bago ka humagalpak ng tawa o ngumiting parang demonyo, nais kong malaman mo na me aral ang mga sinusulat ng manunulat na ito. Ang una ay nagpapakita na ang mga tao ay mayroong mga kaugaliang sekswal
na kailangang isangguni sa eksperto o propesyunal at yun namang ikalawa ay nagmumulat na maging maingat sa pakikipagkangkangan kung kani-kanino (whew! lusot ba?).

Minsang naisipan kong gumawa ng isang lathalain na nakakapagpainit ng pakiramdam at ginamit ang impluwensya ni G. Xaviera(parang vicks?), at ilagay ito sa isang forum na naglalaman ng maraming ganito gamit ang alyas sa panulat na (secret...?) at pinamagatang (sekreto ulit...). Nagulat na lamang ako dahil ang aking kasama sa trabaho ay umiidolo na sa akin (huli ka kapatid!), na hindi nya nalalaman na ako pala iyon. Naniwala na lamang siya sa akin nung ipakita ko sa kanya ang mga kopya ng mga word document na naglalaman ng orihinal na kwento at sabihin ang detalye nito. Itinigil ko na ang pagsusulat ng mga kwentong ganito dahil masikip lang sa pantalon.....

Me kasunod....(antok na ko eh).