Me kesong maliit , me kesong malaki, kesong maasim at ubod ng sarap ng keso gaya ng binanggit ko. Dito ko unang narinig ang katagang "say cheese!". Bumalik sa aking gunita ang dahilan kung bakit ganito na lamang ka-cheesy ang aming mga ngiti sa larawang ito ng aking mga kamag-aral noong ako'y nasa ika-apat na baitang sa Mababang Paaralan ng Epifanio Delos Santos Elementary School.
Tanggal agad ang aking pagod mula sa magdamag na pagtatrabaho ng aking masilayan ang larawang ito mula sa isang kamag-aral na nagkataong nahanap ako sa facebook. Nagbalik ang mga di malilimutang istorya ng aking kabataan na hindi na mawawaglit sa aking gunita:
NOISY
Aalis ang aking guro ng araw na iyon at dadalo daw sa isang mahalagang pulong kaya nagpasya siyang iwan ang klase at inutusan ang isa kong kamag-aral na isulat sa pisara kung sino ang maingay.
Tila nakawala sa kural ang aking mga kaklase makaraang lumisan ang guro sa silid aralan. Ang pisara ay halos mapuno ng mga pangalan at di mabilang na tantos at guhit ng mga kaklase kong maingay. Pahuhuli ba naman ang isang madaldal at makulit na tulad ko? Kabilang ako sa mga nalistang maingay ngunit mga dalawang guhit lamang ata ang bilang ng aking noisy. Kumpara sa mga landslide victory ng iba kong kamag-aral na halos magwala na sa pag-iingay habang wala ang aming ikalawang ina.
At dumating ang guro. Nakabibinging katahimikan ang bumalot sa buong silid-aralan. Mukhang napagod ng husto sa di malamang kadahilanan at mukhang hindi natuwa sa nakitang dami ng guhit at pangalan ng maiingay. Mula sa kung saan ay meron na siyang hawak na pamatpat.
Tinawag ang unang nakalista, pinalahad ang kamay. Isa! Dalawa! Tatlo!
Tatlong palo ang tumama sa kanyang mga palad dahil tatlong guhit ang nakalista sa kanya bilang noisy. Parang naging epileptic ang naturang estudyante dahil di malaman kung ipupunas sa pwet ang kanyang mga kamay o hihipan ito upang mawala ang sakit na dulot ng ginawang palong dumapo sa kanyang mga palad.
Hindi lumipas ang mahabang panahon at natikman ko rin ang dalawang hampas sa aking mga palad. Masakit nga talaga.
Gusto ko sanang maiyak sa hapdi ng aking mga kamay pero medyo natawa talaga ako ng makita ko ang bilang ng guhit na inilista sa isa kong kamag-aral. Lagpas sampu ata.
Kung di ako nagkakamali di na umabot ng sampu yung hampas na dumapo sa kanyang mga palad. Suko na kumbaga. Nadala. Mukhang napawi din naman ang galit ng aming guro at siguro ay naawa.
Ng mga sumunod na mga araw ay nagpaalam muli ang aking guro na me dadaluhang importanteng pulong at nagtakda ng isang estudyante na maglista ng maingay. Kakaiba sa nakaraang tagpo , ng meron akong kaklase na kumibot lang ng konti at nailista ay pumalahaw na agad ng atungal na kala mo ay bibitayin. Walang nagawa ang aking kamag-aral na naglilista kundi burahin ang kanyang pangalan dahil sa awa upang tumigil na rin sa pagngawa ang nailista.
Lumipas ang ilang oras na parang sementeryo sa katahimikan ang buong silid-aralan hanggang muling dumating ang aming guro.
Kababait na mga bata....
MAGNANAKAW
Isang ordinaryong araw, isa sa aking mga kamag-aral ang ngumawa na siya raw ay ninakawan. Isa sa aking mga kaklaseng babae ang kanyang pinagbibintangan. Itago na lang natin siya sa pangalang Gloria (ang shayah no?).
Nagkaroon ng isang malawakang kapkapan, at sa aking pagkakatanda ay walang nakuhang ibidinsya na si Gloria nga ang nang-umit sa aming kamag-aral.
Uwian.
Habang lulan ako ng pampasaherong jeep ay natanaw kong naglalakad si Gloria kasama ang isa pang di ko na matandaang ngalan ng aking kamag-aral. Likas na makulit, hindi ko na rin malaman kung bakit ko naisipang isigaw ang pabirong pangungusap na ito habang mabilis na umaandar ang jeep na aking sinasakyan:
" Gloria! Alam ko na kung sino yung nagnakaw, yung MAGNANAKAW!!!!".
Kinabukasan....
Isa sa aking mga kamag-aral ang nag-chismax sa akin na galit na galit daw akong hinihintay ng Nanay ni Gloria sa aming silid-aralan. Sinabihan ko daw ang kanyang anak na MAGNANAKAW!!!
Gustuhin ko mang magpaliwanag. Naunahan na ako ng takot at dali-daling umuwi na at nagpasyang hindi na pumasok ng mga araw na iyon.
Natatandaan kong nung mga sumunod na araw ay sinasabihan ako ni Gloria na lagot ako sa nanay niya, pero dinedma ko na lang ang mga ito. Hindi ko na nagawang ipaliwanag pa ang naturang pangyayari o humingi ng paumanhin sa aking kaklase dahil sa likas kong kadaldalan at kawalanghiyaan nung mga panahong iyon.
Marami pa akong mga kwentong nais ibahagi na sariwa pa sa aking ala-ala nong mga panahong ito na nasa larawan. Mga tumaeng kaklase, malakas na lindol noong 1990, pagkamulat sa mga makamundong bagay at iba pa, pero sapat na itong mga kwentong ito para gunitain ang mga masasayang nakaraan.
Ang aral na makukuha sa kwentong ito: Wag magbibitaw ng mahabang pangungusap habang umaandar ang Jeep, malamang yung huling salita lamang ang maririnig. Sa susunod , pumara muna bago magbitaw ng dyoks. Oki?