Sunday, November 28, 2010

Impluwensya ni Doraemon 3

Bella Angeles Abangan
Kung nais maging positibo ang pananaw sa buhay, magkaroon ng inspirasyon, dagdag na lakas ng loob at maging matibay ang pananalig sa buhay, magbuklat lamang ng pahayagang Tempo at basahin ang "Lakbay Diwa".

Huli na ng malaman ko na nagturo pala si ma'am sa PLM , hahantingin ko sana ang kanyang klase at magpapalipat. Napakasarap atang makinig sa isang propesora na tunay na alagad ng yeso't pisara, napakadami mong matututunan sa buhay. Hindi ako nagsusulat ng mga gaya ng sinusulat ni ma'am , pero pag nababasa ko ang kanyang lathalain , parang ang sarap mabuhay, lumaban sa pagsubok at magtagumpay. Aminado ako na madalas akong magpahid ng luha kapag nababasa ang kanyang mga maikli ngunit makabuluhang sinusulat, kaya pag di ko trip maiyak, pinagtyatyagaan ko na lang yung mga babasahing tulad ng Toro, Remate at Bomba (joke only!).Ang manunulat na tulad ni ma'am ang aking impluwensya sa makabuluhan, inspirasyunal at maka-Diyos na mga sulatin(kung meron man, ehehehe).

Masashi Kishimoto
Hindi ito yung naka-imbento ng nilalagay ng nanay mo sa lutuin para sumarap, unggoy! Si G. Kishimoto ang gumawa ng manga komiks na NARUTO. Sa tanda kong ito (kahit di halata), lulong pa din ako sa mga nagliliparang ninja, samurai , kung-fu at karate. Isang matalik na kaibigan ang nagpakilala sa akin ng ligaya ng pagbabasa ng Manga at dapat sisihin sa pagka-ulol ko sa Naruto. Hindi naman ako masyadong naa- adik dito, kasi bumili pa ko ng dvd kahit alam ko na ang mangyayari, bumili pa ko ng keychain na madalas namang nawawala dahil nalalalaglag o me kumukuha sa aking bag pero bumibili pa rin ako ulit, inaabangan ko din ang paglabas ng pinaka-sariwang kabanata sa ganap na ika-12 ng madaling-araw tuwing huwebes at higit sa lahat , gaya ng mga di masyadong pangkaraniwang hibang dito , pagtapos basahin ang manga, pinagdidiskusyunan namin ito at pinagku-kwentuhan kahit pare-parehas naman kaming katatapos lang itong basahin!

Impluwensya kay Masashi ang obra ni Akira Toriyama, ang Dragon Ball. Sa kabilang banda, kung ako naman ay napagkalooban ng talento sa pag-guhit at pagsusulat, gagawin kong inspirasyon ang husay ni G. Kishimoto, at mawawalan ng trabaho si G. Carlo Jay Caparas dahil ang mga lathalain ko ang babasahin ng mga Pilipino (kasarap mangarap!).

Hiroshi Fujimoto
Alyas Fujiko F. Fujio. Pangarap ko ang mga nagawa ni G. Fujimoto, ang makapag-sulat o lumikha ng isang lathalain o karakter na nakakatawa ngunit nagpapakita ng kabutihang-asal gaya ng pagsisikap, katapangan , pagiging marangal at paggalang sa matatanda. Siya ang henyo sa likod ng karakter na Doraemon na sumikat sa kanilang bansa. Isipin mo na lang , kung totoo lahat ng gadget na lumalabas sa bulsa ng robot na pusang ito , e di kung ikaw si Nobita mapapakanta ka na lamang ng "What a Wonderful World".

Nasa ibaba ang maikling trivia na matagal kong sinaliksik ukol sa karakter na 'to (mga dalawang click sa gugel). Sige na nga para di ka magmukhang tanga , tatanungin muna kita. Alam mo ba?

1. Na ang ibig sabihin ng "Doraemon" ay pusang-gala.

2. Na si Doraemon ay walang tenga dahil kinain 'to ng isang daga, dahil dito nagkaroon siya ng
buratophobia o matinding takot sa daga (tanga ang maniniwala!).

3. Na si Doraemon ay galing sa hinaharap, inimbento ni Sewashi na kaapo-apuhan ni Nobita.

4. Na nilikha si Doraemon upang mapabuti ang susunod na henerasyon ni Nobita, na walang kapaga-pagasa sa buhay at puro ngawa lang ang alam.

5. Na Gian o Jaian ang tunay na pangalan ni "Damulag". Ewan ko ba kung bakit eto pinangalan , pwede namang Bartolo o kaya Bondying?

6. Na si Nobita ay Grade-IV, section kalabasa (oooowwwwsss?).

7. Na ang kwento ni Doraemon ay hindi natapos dahil natigok na si G. Fujio noong 1996, pero maraming nagsulputang mga kwentong katapusan pagkaraan nito.

8. Na tapos na 'to nagbabasa ka pa?

Thursday, November 25, 2010

Impluwensya ni Doraemon 2


PATALASTAS:
Nakasalubong ko ang isa sa aking cute na inaanak at ako'y kanyang binati ng isang napaka-tamis na ngiti, sabay mano:

Inaanak: Ninong Jam nauna ko sa'yo!

Ibig sabihin nito , pengeng limang piso...

Jamo: Alang dalang pitaka si Ninong eh!

Sabay hawak sa ulo ng aking inaanak para di na ko masimangutan.

Jamo (ulit): Anong gusto mong regalo sa pasko?

Para malayo na yung usapan sa limang-piso.

Inaanak: Cellphone! Sabay ngiti ng ubod-tamis na may halong ningning ng mata na tila may malaking pag-asa.

Jamo: Tanga! Di pwede, marami na kayo!

Tinapik ko yung ulo ng bata sabay talikod. Naisip ko, tangina, lumaki pa tuloy yung limang-piso, ehehehehe.

Dra. Margie Holmes
Kung payong sekswal din lang naman ang hanap mo, si Dra. Holmes ang eksperto. Isang mahusay na sikolohista na handang makinig sa iyong problema at ibahagi ang kanyang kahusayan, bigyan ka ng propesyunal na payo gaano man kataba o kaigsi ang "pototoy" mo, sinluwag man ng batya ang "pitaka" mo?. Hindi man ganoon kahusay ang kanyang pananagalog, mababasa mo sa kanyang panulat ang garantisadong sagot at payo sa kahit anong problemang sekswal mo.
Ang nagustuhan ko sa matalinong propesorang ito na isa sa aking iniidolo? Simple lang , "Walang Bolahan!".

Alfie Lorenzo
Ke Tito Alfie ko nakuha yung mga banat na me open and close parentheses (yung ganito, tanga!). Enjoy ako basahin ang mga kolum niya, dahil iilan lamang sya sa mga manunulat na may mga pagsasaliksik na ibinabahagi ukol sa paksa na kanyang isinusulat. Mas na-aaliw akong basahin ang sinusulat nya kapag meron siyang kaaway. Sino ang makakalimot sa banatan nila at pagpapalitan ng birada nina Pete Ampoloquio at Peter Ledesma? (di mo kilala? i-google mo tanga!)

Si Alfie Lorenzo ay miyembro ng pamosong "Troika" kasama ang dalawa pang yumaong beterano at mahusay na manunulat na sina Oskee Salazar at Billy Balbastro. Kaiba sa ibang manunulat sa showbiz, intelihente at halatang hindi binayaran ang mga sinusulat ni G. Lorenzo. Mas nagustuhan ko rin sa kanya ang walang takot na pagpapahayag ng kanyang opinyon at saloobin sa kanino mang tao, sa mundo man ng pulitika o itinuturing mang star ng showbiz. "Star nga ba?".

Meron pa sana akong idadagdag , kaso lang aandap-andap na ang koneksyon ko sa SBW (Sun Broadband Wireless, engot!), hanggang sa muli!

Tuesday, November 23, 2010

Impluwensya ni Doraemon

Nahiya naman ako sa isang dating kamag-aral sa kanyang komentong iniwan sa FB (Facebook, tanga!), ito ang nagtulak sa akin (tinulak daw oh?) upang muling buhayin ang blog na ito. Ngunit ang katotohanan, namatay ang 3rd hand kong laptop na hp ze200t. Sosyal di ba? Pero sinabi ko ang tatak para wag ka ng bumili boplox! Parang plantsang nagbabaga ang processor at nasa bundok ng timbuktu ang piyesa. Sa madaling salita, bumili ako ng bagong laptop mula sa pinagputahan ko heto nababasa mo na naman ako.

Narito ang kanyang tinuran. Paumanhin ngunit di ko na isasalin sa ating sariling wika , kasehodang magdugo ang ilong mo, tsaka wag mo ng tanungin kung ano yung ":D" (tungaw!):

A good person! A good writer! He could have been more popular than Bob Ong should he focused on his writing skills! :D

O di ba? Parang komento lang ng guro na isinulat sa form-138. Nakakataba ng puso, isang salamat na lamang ang aking naiganti. Pero di ko ata kayang higitan ang talento ni Master Bob Ong. At dahil nabanggit na rin lamang ang kanyang pangalan, naisip kong ilathala ang mga manunulat na naka-impluwensya sa paraan ng aking pagsusulat.

Bob Ong
Bago ko pa nabasa ang unang libro ni Bob Ong na Abanakakabasanapalako (tama ba?) na pinahiram sa akin ng isang espesyal na kaibigan (hindi yung tumutulo laway ha?), nagsusulat na ako. Pero hindi ko kinarir at pinagpapalipasan ko lang ng oras lalo na sa mga panahong nalilipasan tayo at tanging nginangatngat ay dulo ng mongol. Hindi natin kayang tapatan ang husay , banat at diskarte ni Master B.O , pero aminado ako na malaki ang impluwensya niya sa aking paraan ng pagsusulat at ang istilo nya ay aking hinahangaan.

Jose Rizal
Nasa kolehiyo na ako ng higit kong maunawaan kung gaano katalim ang panulat ni Dr. Jose Rizal. Lingid sa kaalaman ng iba, naging malalim ang aking pananaliksik sa buhay ng ating pambansang bayani. Pambihira ang kanyang katalinuhan at mas lalo ko pa syang inidolo ng malaman ko na mahilig din siyang maglaro ng ahedres. Nang malaman ko pa na matinik to sa tsikas, kung saan tula ang pinandadale kumpara ngayon na lab kowts ang pandagit, mas naging kahanga-hanga ang ating pambansang bayani di lamang dito kundi sa iba pa niyang naisulat. Ang pagsusulat ko ng mga seryoso at makabayang lathalain ay dulot ng impluwensya ng ating dakilang bayani.

Conrado De Quiros
Kung magiging mahusay ako sa pagsusulat sa ingles, wala na akong hihilingin pa kundi maging kasing-husay ng kolumnista ng isa sa pinaka-matapang at pinagkakapitagang dyaryong inquirer. Ang mga kolum ni G. De Quiros sa "There's the Rub" ay malaman, napapanahon, totoo at matapang. Pinakapaborito kong isinulat nya ay yung pinuno nya lang yung buong kolum niya ng katagang "Hello Garci".

Xerex Xaviera
Sa maniwala ka o hindi me impluwensya din sa aking itong manunulat na ito. Nasa ikatlong grado ako ng mabasa ko ang una niyang kolum ng magbitbit sa eskwelahan ang isa kong kamag-aral ng dyaryong abante. Hindi ko na babanggitin pa ang pangalan ng aking kaklase pero ang clue , wala siya sa larawan ng aming klase na sinundan ng artikulong ito (naku daling hulaan kung sino absent , ehehehe). Dalawang lathlala ni G. Xaviera ang di na nawaglit sa isip ko, yung una kong nabasa na binobondyobi niya yung mga baboy ng tiya nya kaya malulusog ang mga ito at masisigla at yung isa na ang pamagat ay "Ano? May kuto sa bulbol?". Bago ka humagalpak ng tawa o ngumiting parang demonyo, nais kong malaman mo na me aral ang mga sinusulat ng manunulat na ito. Ang una ay nagpapakita na ang mga tao ay mayroong mga kaugaliang sekswal
na kailangang isangguni sa eksperto o propesyunal at yun namang ikalawa ay nagmumulat na maging maingat sa pakikipagkangkangan kung kani-kanino (whew! lusot ba?).

Minsang naisipan kong gumawa ng isang lathalain na nakakapagpainit ng pakiramdam at ginamit ang impluwensya ni G. Xaviera(parang vicks?), at ilagay ito sa isang forum na naglalaman ng maraming ganito gamit ang alyas sa panulat na (secret...?) at pinamagatang (sekreto ulit...). Nagulat na lamang ako dahil ang aking kasama sa trabaho ay umiidolo na sa akin (huli ka kapatid!), na hindi nya nalalaman na ako pala iyon. Naniwala na lamang siya sa akin nung ipakita ko sa kanya ang mga kopya ng mga word document na naglalaman ng orihinal na kwento at sabihin ang detalye nito. Itinigil ko na ang pagsusulat ng mga kwentong ganito dahil masikip lang sa pantalon.....

Me kasunod....(antok na ko eh).

Sunday, May 30, 2010

OLDSKUL







Hindi nagtatapos sa mga litrato noong ika-apat na baitang ang bumaha sa facebook. Marami pang mga nagsulputang lumang litrato. At lahat sila ay talagang nakakatuwa at nagbabalik ng sayang dulot noong ako ay supot pa. Eto yung mga panahong de-ikot pa ang mga kamera at hanggang 24 shots lang. Di tulad ngayon na kahit lahat ng pagtutuwad-tuwad ang gawin mo sa harap ng digicam, di ito mauubusan.

Ang pagpapalitan ng litrato ay hindi lamang humantong sa muling pagkikita-kita sa facebook. Nauwi ito sa isang personal na pagkikita-kita na ginanap sa CCP. Kung ihahalintulad ito sa isa pang grupo ng mga ka-batch din mula sa pribadong eskwelahan na nagkita-kita rin sa naturang lugar, marami sa amin ang absent ngunit bakas ang mas masaya at walang halong erehan na pagkikita-kita. Di ko mailalarawan ang saya. Hindi ako nagsisisi na pinilit kong bumangon kahit pagod pa ang aking katawan dulot ng magdamag na trabaho.

Malalaki na nga kami. Ang mga dating supot ay pawang mga tatay na. Ang mga walang muwang na kaklaseng babae ay may mga anak na rin. Ako, na dating di nawawala sa unahang pila dahil sa pangalawa o dili kaya ay pangatlo sa pinaka-maliit na estudyante, ngayo'y tila pinaka-malaki pa ata sa lahat ng dumalo.

Di rin nakaligtas sa usapan ang mga nakakatawang pangyayari noong kami ay nag-aaral pa. Pati yung bagong apartelle/motel na itinayo sa harapan ng aming eskwelahan ay napagbalingan. Talagang malalaki na nga kami.

Oo malalaki na nga kami. Ang dating hawak ay lapis at papel , ngayo'y bote ng red-horse at sigarilyo na. Nang magkaroon ng munting palaro , ang hep-hep hooray ay ginawang pek-pek burat! O di ba masaya? At ako pa ang tinanghal na nagwagi sa palarong ito, tumanggap ng Giorgio Armani na pabango bilang gantimpala. Palatandaan na kapag kabastusan, kampeon ang inyong abang-lingkod ehehehe.

Ika-nga ni Gary Valenciano, sana'y maulit muli. Mabuhay kayo, mga naging kaklase ko at ka-batch sa Mababang Paaralan ng Epifanio delos Santos. I lab yu ol !



Tuesday, April 27, 2010

Kesong Keso


Me kesong maliit , me kesong malaki, kesong maasim at ubod ng sarap ng keso gaya ng binanggit ko. Dito ko unang narinig ang katagang "say cheese!". Bumalik sa aking gunita ang dahilan kung bakit ganito na lamang ka-cheesy ang aming mga ngiti sa larawang ito ng aking mga kamag-aral noong ako'y nasa ika-apat na baitang sa Mababang Paaralan ng Epifanio Delos Santos Elementary School.

Tanggal agad ang aking pagod mula sa magdamag na pagtatrabaho ng aking masilayan ang larawang ito mula sa isang kamag-aral na nagkataong nahanap ako sa facebook. Nagbalik ang mga di malilimutang istorya ng aking kabataan na hindi na mawawaglit sa aking gunita:

NOISY
Aalis ang aking guro ng araw na iyon at dadalo daw sa isang mahalagang pulong kaya nagpasya siyang iwan ang klase at inutusan ang isa kong kamag-aral na isulat sa pisara kung sino ang maingay.

Tila nakawala sa kural ang aking mga kaklase makaraang lumisan ang guro sa silid aralan. Ang pisara ay halos mapuno ng mga pangalan at di mabilang na tantos at guhit ng mga kaklase kong maingay. Pahuhuli ba naman ang isang madaldal at makulit na tulad ko? Kabilang ako sa mga nalistang maingay ngunit mga dalawang guhit lamang ata ang bilang ng aking noisy. Kumpara sa mga landslide victory ng iba kong kamag-aral na halos magwala na sa pag-iingay habang wala ang aming ikalawang ina.

At dumating ang guro. Nakabibinging katahimikan ang bumalot sa buong silid-aralan. Mukhang napagod ng husto sa di malamang kadahilanan at mukhang hindi natuwa sa nakitang dami ng guhit at pangalan ng maiingay. Mula sa kung saan ay meron na siyang hawak na pamatpat.

Tinawag ang unang nakalista, pinalahad ang kamay. Isa! Dalawa! Tatlo!

Tatlong palo ang tumama sa kanyang mga palad dahil tatlong guhit ang nakalista sa kanya bilang noisy. Parang naging epileptic ang naturang estudyante dahil di malaman kung ipupunas sa pwet ang kanyang mga kamay o hihipan ito upang mawala ang sakit na dulot ng ginawang palong dumapo sa kanyang mga palad.

Hindi lumipas ang mahabang panahon at natikman ko rin ang dalawang hampas sa aking mga palad. Masakit nga talaga.

Gusto ko sanang maiyak sa hapdi ng aking mga kamay pero medyo natawa talaga ako ng makita ko ang bilang ng guhit na inilista sa isa kong kamag-aral. Lagpas sampu ata.

Kung di ako nagkakamali di na umabot ng sampu yung hampas na dumapo sa kanyang mga palad. Suko na kumbaga. Nadala. Mukhang napawi din naman ang galit ng aming guro at siguro ay naawa.

Ng mga sumunod na mga araw ay nagpaalam muli ang aking guro na me dadaluhang importanteng pulong at nagtakda ng isang estudyante na maglista ng maingay. Kakaiba sa nakaraang tagpo , ng meron akong kaklase na kumibot lang ng konti at nailista ay pumalahaw na agad ng atungal na kala mo ay bibitayin. Walang nagawa ang aking kamag-aral na naglilista kundi burahin ang kanyang pangalan dahil sa awa upang tumigil na rin sa pagngawa ang nailista.

Lumipas ang ilang oras na parang sementeryo sa katahimikan ang buong silid-aralan hanggang muling dumating ang aming guro.

Kababait na mga bata....

MAGNANAKAW

Isang ordinaryong araw, isa sa aking mga kamag-aral ang ngumawa na siya raw ay ninakawan. Isa sa aking mga kaklaseng babae ang kanyang pinagbibintangan. Itago na lang natin siya sa pangalang Gloria (ang shayah no?).

Nagkaroon ng isang malawakang kapkapan, at sa aking pagkakatanda ay walang nakuhang ibidinsya na si Gloria nga ang nang-umit sa aming kamag-aral.

Uwian.

Habang lulan ako ng pampasaherong jeep ay natanaw kong naglalakad si Gloria kasama ang isa pang di ko na matandaang ngalan ng aking kamag-aral. Likas na makulit, hindi ko na rin malaman kung bakit ko naisipang isigaw ang pabirong pangungusap na ito habang mabilis na umaandar ang jeep na aking sinasakyan:

" Gloria! Alam ko na kung sino yung nagnakaw, yung MAGNANAKAW!!!!".

Kinabukasan....

Isa sa aking mga kamag-aral ang nag-chismax sa akin na galit na galit daw akong hinihintay ng Nanay ni Gloria sa aming silid-aralan. Sinabihan ko daw ang kanyang anak na MAGNANAKAW!!!

Gustuhin ko mang magpaliwanag. Naunahan na ako ng takot at dali-daling umuwi na at nagpasyang hindi na pumasok ng mga araw na iyon.

Natatandaan kong nung mga sumunod na araw ay sinasabihan ako ni Gloria na lagot ako sa nanay niya, pero dinedma ko na lang ang mga ito. Hindi ko na nagawang ipaliwanag pa ang naturang pangyayari o humingi ng paumanhin sa aking kaklase dahil sa likas kong kadaldalan at kawalanghiyaan nung mga panahong iyon.

Marami pa akong mga kwentong nais ibahagi na sariwa pa sa aking ala-ala nong mga panahong ito na nasa larawan. Mga tumaeng kaklase, malakas na lindol noong 1990, pagkamulat sa mga makamundong bagay at iba pa, pero sapat na itong mga kwentong ito para gunitain ang mga masasayang nakaraan.

Ang aral na makukuha sa kwentong ito: Wag magbibitaw ng mahabang pangungusap habang umaandar ang Jeep, malamang yung huling salita lamang ang maririnig. Sa susunod , pumara muna bago magbitaw ng dyoks. Oki?

Monday, April 12, 2010

Bobotante

Minsan mabuti ring nagbabatuhan ng putik ang mga taong ating iluluklok sa gobyerno. Yun kasing putik pwedeng lagyan ng palamang bato , tas pag me inabot. Bukol.

Muntik ko ng piliin ang isang taong laki sa hirap, taga-tondo, nag-breast stroke o free style daw sa dagat ng basura at magtatapos daw ng ating kahirapan para maging Presidente. Bilib ako, sa una pa lang sa paghawak ng tao, sa diskarte sa mga patalastas, di ko gaanong pinansin ang paratang na nag-ala Moises siya, hindi dahil sa paghati ng dagat kundi sa ginawang pagbaluktot ng isang mahabang kalsada para makinabang ang kanyang negosyo. Katwiran ko, inggit lang marahil sa kanya yung iba. Lalo na yung isang medyo hawig ni Judy Ann Santos nung mga panahong mukhang siopao pa siya, kung bola-bola o asado, hindi ko na sasabihin.

Hindi daw siya mahirap. Sabi nung isang medyo napapanot na kandidato na maputok sa botante dahil sa kanyang apelyido. Hindi ko rin ito iboboto kahit sabihing malinis pa sya sa pinagbabaran ng Tide with Safeguard ni Bossing. Dahil para sa akin, wala nga siyang bahid, ngunit wala din siyang kayang gawin, at gagawin. Kung bakit ko nasabi? aba'y sa susunod na lang kung sisipagin. Hindi ko rin to pinakinggan, dahil natural lamang sa isang kalaban na mambato ng tae (ang baho nun ah?). Nang me kapanayamin sa ANC na isang kolumnista na nagsasabing me mga dokumento siyang makapagsasabi na ang kapatid pala nitong si kandidato ay natigok sa isang pribadong ospital at ibinurol sa isang pang-elitistang punerarya. Aba'y nagduda na ako.

Nang gugelin ko ang kanyang pangalan (i-google tanga?), sabi ni wikipedia, http://en.wikipedia.org/wiki/Manny_Villar. Gumradweyt ng Holy Child Catholic School at MAPUA ang butihing senador. Aba'y niloloko ata ako nito. Pribadong paaralan nag-aral tas pinalalangoy sa basura? Magagalit si fader nyan...

Eksaherado ang pagsasabi nyang mahirap. Kahit sabihing nagkaroon ang nanay niyang si Aling Curing ng tindahan sa Singalong na dati raw mistulang Tondo, kung saan tayo lumaki. Pwedeng naging mahirap pero hindi ganoon kahirap kung paano nya ipakilala ang kanyang sarili sa mga bobotante. Masyado ata tayong ginagawang tanga. Nagduda din ako ng mabalitaan ko na nagtalunan sa barko nya ang mga pulitikong gaya ni Chavit Singson na bespren ni sherap. Aba'y bespren nito si madam poreber powerful tas magiging kakampi nya? Ganundin ang iba pang pulitiko na kaalyado ni madam. Parang kukunot ang noo mo sa isyung siya ang lihim na kandidato ni madam poreber powerful na magiging kongresista , pagtapos ay magiging speaker of the house tas magkakaroon ng cha-cha, magiging parlyamento ang gobyerno at siya ang maluluklok na Prime Minster pagkatapos di pa rin siya makukuntento , hanggang maging Monarkiya at siya na rin ang magiging Reyna, o di ba?

Kung nag-iisip ka at magsusuri, aba'y matuto kang magtanong , magsuri at wag magbobo-bobohan...

GIYERA sa MAYNILA

Pinaka-aabangan ang laban ni Dirty Harry at Ginoong bulaklakin sa Maynila. Himayin natin.

Nang maging alkalde ang bumubuhay ng Maynila, nabuhay nga ang Lungsod. Nagkikislapan ang ilaw sa daanan, malinis ang daanan ,at masaya hanggang Baywalk. Ang ilaw na ito ay hanggang
ay abot hanggang Mabini na ipinasara naman dati ni Dirty Harry. Ke Dirty Harry naman, gusto ng pantay na oportunidad, sa sobrang pagkapantay pati sidecar pwede na rin sa malaking lansangan gaya ng Taft, kung kaya mong humataw kahit sa kahabaan pa ng Osmena pwede. Di naman to pwede ke G. Bulaklak na gusto ng kaayusan at kalinisan.

Parehas na halos walang droga sa panahon ng panunungkulan ng dalawa. Parehas naman silang tumulong sa mga mahihirap , mas peborit nga lamang ni Dirty Harry ang Tondo kaya mas buhos ang atensyon niya doon, ewan ko lang ke G. Bulaklakin kung peborit nya ang St. Andrew's Field (San Andres Bukid kupal!).

Kung iisipin , mahirap pumili. Pero bibigyan kita ng tip. Nung nag-aaral ako sa kolehiyo , tinalo ni G. Bulaklakin si Dirty Harry, nadama ko ang pagkakaiba nila dahil ang Alkalde ng Maynila ang may hawak sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Napabalita dati na me ibebentang pag-aari ng isang paaralan si G. Bulaklakin, samantalang sa panahon naman ni Dirty Harry ay nakita kong me mga bagong eskwelahang ipinagawa at ipinaayos. Mas may malasakit sa edukasyon si Dirty Harry, marami siyang pagkukulang pero siya ang iboboto ko.

Lapit na bumoto ha? Wag kang bobo.

Larawan ni Manny Villar ay nadampot ko lang sa internet at wala akong pakialam kung kanino man ito.

Friday, March 19, 2010

Nakakaumay

Nagbalik-tanaw sa aking gunita yung binitawang salita ng aking maestra sa asignaturang sikolohiya sa isa kong kamag-aral na lagi na lamang huli kung pumasok at lagi pang natutulog sa klase. Tinanong sya kung bakit lagi siyang parang pagod na pagod sa pagpasok , sumagot ang aking kaklase ng buong pagmamalaki na pinagsasabay niya ang pagtatrabaho at pag-aaral. "Kung malakas pa naman ang iyong mga magulang at kaya kang igapang sa pag-aaral , hayaan mo silang magtrabaho para ka papag-aralin. Pagkatapos mong mag-aral , puro trabaho rin ang aatupagin mo hanggang sa pagtanda". Parang malapit sa pangungusap na iyan ang tinugon ng aking propesora sa sagot ng aking masipag na kamag-aral. Anong nangyari sa aking uliran at dakilang kaklase? Binagsak siya ng naturang guro sa asignaturang iyon dahil patuloy pa rin siyang nahuhuli ng pasok at tila kandilang aandap-andap tuwing nagka-klase.

Bakit ko naalala ang mga tagpong iyon?

Dahil nauumay ako sa trabaho....

Tama ang tinuran ng aking maestra. Wala ka ngang gagawin pagtapos mo ng kolehiyo kundi kumayod. Meron ding sumiksik sa aking gunita habang nagtitipa ng lathalaing ito. Sabi naman ng Boss ko sa una kong trabaho. "Mag-anak ka Jam para magkaroon ka ng bagong perspektibo at inspirasyon sa buhay"

Naisip ko , salbahe to ah? Mambuntis daw ako pero di sinabing mag-asawa?

Pagod lang siguro ako at umay sa trabaho. Ni hindi ko na nga makuhang mag-lathala ng regular dito. Pero okey lang , tinitgasan pa naman ako eh, hehehe. Heto habang nagpapatuyo ng buhok, tsaka ko naisipang magtipa.

Gayunpaman kailangan ko lang sigurong maglibang-libang at pagtagni-tagniin ang mga sinabi ng mga taong nagbigay impluwensya sa akin kung ano ako ngayon. Baka me punto rin sila.

Heto , gumawa ako ng talaan ng mga dapat kong gawin para mawala ang umay sa buhay:

Magpunta sa Pambansang Museo sa susunod na linggo.
Mag-swimming ng hindi nagpapaalam kay Mowa (dahil ayaw nya kong umitim lalo).
Magluto ng espesyal na pulutan para sa isang palihim na inuman sa Linggo ng gabi...
Magbuhat ng bakal.
Mag-jogging sa Linggo ng umaga.
Mag-date sa Fort Santiago
Maglaro ng ahedres sa kabliang baranggay.
Mag-aya ng mga dating kasama sa trabaho ng isang biglaang kainan session.
Laruin si Moja.
Laruin ang sarili.
Laruin ang iba....ehehehe

O sya, sound trip muna...wrong spelling huh? Noel Cabangon dapat. Relak , watch and listen.

Sunday, January 31, 2010

Dialogo at Upakan

Na-wow mali ako nina Joey De Leon. Akala ko sila talaga ang kumatha ng liriko at musika ng awiting Upakan, ito pala ay "spoof" bersyon ng orihinal na kantang Dialogo(Usapan) ng Singsing. Misteryo sa akin ang pangalan ng duet na ito. Di ko magugel (google tanga!) ang impormasyon ukol sa umawit. Ang naharbat ko lang, kasama ang kantang ito sa album na "Decade of Duets" kung saan binanggit ang pangalan ng mga nag-dueto, maliban lamang sa mang-aawit na Singsing. Medyo kukunot ang noo mo at maraming maiiwan na tanong , sino ang magkatambal na mang-aawit? Mag-asawa ba sila? Parehas ba silang me wedding ring na suot? O parehas silang putol ang pala-singsingan kaya gusto nila ng Singsing?

Kung di ko pa napakinggan sa "Singing Bee" di ko malalaman. Gayunpaman , pinahanga na naman ako ng TVJ, para sa akin , ibang klase ang utak nila sa kalokohan at pagpapatawa. Usapan ang ibig sabihin ng Dialogo tas ginawa nilang Upakan. Misteryo rin kung sino ang babaeng kaduweto at kakilitian ni Joey. Si Dina Bonnevie ba ito o si Ate Shawie?

Kanta tayo ulit bago kita ma-upakan.....





Sunday, January 10, 2010

Mainam na Bukang-Liwayway

O di ba okey ang pamagat? Kung baga pagmulat mo ng iyong mga mata ay magigisnan mo na kaagad sa durungawan ng inyong tahanan ang mainam na sikat ng haring araw at dumampi sa iyong balat ang mainit na silahis nito. Tanda na bagong taon. Bagong pag-asa.

Matapos gunitain kagabi kasama ng aking mga kumpare ang sarap ng ginawa naming maliit na Ihaw-ihaw salu-salo (mini-BBQ party, bungol!) noong nakaraang unang araw ng Enero, napagpasyahan naming ulitin ito ngayong Linggo ngunit iba naman ang pulutang aming titirahin. "Healthy" ang inuman namin. Dalawang bote ng Paul Masson (red wine tanga!), manok na ibinabad sa Mama Sita's oyster sauce at iba pang sangkap na itinuro sa akin ng aking inay, pang-marinade, para ihawin habang lumalagok. "Steamed Broccoli" na may oyster sauce at binudburan ng piniritong maliliit na pirasong bawang. Fruit Salad. Natirang ube sa refrigerator noong pasko. Ilan lamang sa mga maka-kalusugang pulutan na binira namin nuong bagong taon na gusto naming ulitin mamaya.Oki ba?

Simulan ang araw ng tama.

Alas singko 'y medya ay nagising ako hindi sa alarma ng aking selepono(cellphone di ba, engot?) kundi sa atake sa pulikat sa binti. Matapos ang mga ilang minutong pamamaluktot hanggang sa mawala ang pulikat ay tumayo na ako upang maghanda sa pagdya-dyaging. Pagbaba ko ng hagdan ay sinalubong ako ng pagkawag ng buntot ng aking alagang si Moja, tanda ng pagbati ng isang magandang umaga. Medyo malamig ang likidong aking naluhuran nung aking nilandi ang aking makulit na tuta, pag-amoy ko ay ihi pala ni kupal. Pagpasok ko ng banyo ay meron akong natapakang malamig na madulas. Tae pala ng sosyal kong aso na hindi mo malaman kung maliit na kangaroo o daga. Gustuhin ko mang magalit, naiisip ko naman na kung nakakasagot lang ang aso, baka mangatwiran ng "sa banyo naman ako tumae ah , abot ko ba ang kubeta?". Oo nga naman..

Buhkit kaya?

Habang tumatakbo papuntang CCP ay marami akong napuna na ewan ko kung tama ba o maling punahin o sadyang ako lang ang nakakapansin kaya ako magtatanong ng ganito. Isa-isahin natin:

Buhkit kaya kailangan pang isigaw ng barker kung saan ang biyahe ng isang dyip samantalang
nababasa naman ng pasahero sa harap at sa gilid kung saan ang ruta. Ang tanga namang dyipney drayber, binabayaran ang barker na isinigaw lang ang mga letrang nakatatak sa kanyang dyip na tiyak namang nababasa ng mga pasahero?

Buhkit kaya ang mga drayber ngayon kahit hindi mo parahin, hihintuan ka at uulitin pa yung nakapaskil na ruta sa kanya at para bang kung makahikayat ay alam nyang sa ruta nya ka pupunta? "Ay divisoria! Divisoria ! Lika na!", habang kumakaway pa sa akin. " Taena ka? tatawid ako at magdya-dyaging sa CCP hindi sasakay!", gusto ko sanang sabihin sa manong drayber kundi lang matipuno ang katawan. Matso ba?

Buhkit kaya yung wala namang kapansanang umaakay dun sa bulag at naglalahad ng kamay nya upang mamalimos eh hindi na lang sya ang mag-trabaho at iwan yung bulag sa bahay upang makagawa ng mas kapaki-pakinabang na bagay? Mas malusog naman syang tignan at mukhang malakas pa upang makapagbanat ng buto? Dahil ba mas nakaka-awa ang bulag at mas madali ang mamalimos? Buhkit di nya na lang bulagin yung mga mata nya para sya na lang ang mamalimos? Nagbibiro lang kaya ako? Pero sa totoo lang nakaka-awa lang talaga ang iba nating kapatid kaya siguro nila nagagawa ang ganito.

Buhkit kaya yung namamalimos naman na mga bata sa loob ng dyip eh meron pang inaabot na sobre o kaya ang-pao? Tapos meron pa silang sinusulat dun sa sobre na mga katagang " Ate ,koya konteng tolong lang po pangkaen lang. Salamat po!". Bisaya kaya ang kanilang guro kaya me pagka-bisaya din ang turo sa kanila at kaya ganito ang kanilang sulat? O meron silang asignaturang bisaya o sadyang "wrong splelling" lang talaga? Nilalagay kaya nila sa sobre para pormal na parang pakimkim o para papel na pera ang ibigay? Nag-aabot kaya sila ng ang-pao para swertehin yung nagbigay o yung pinagbigyan? Bakit di na lang nila direktang ilahad ang kamay nila para mas mabilis ang abutan? Ano naman ang masasabi mo dun sa isa pang bersyon ng panlilimos kung saan pupunasan ng bahagya yung mga sapatos na hindi mo talaga mawari kung pinunasan o pinagpagan sabay lahad ng kamay na tila ba naniningil sa serbisyong kanilang ginawad? Buhkit ayaw ng tanggapan ng DSWD na kunsintihin natin ang ganitong paraan ng panlilimos samantalang parang wala naman silang nagagawa para mawala ito? Buhkit di ako kumakagat sa ganitong pakulo?

Buhkit kaya patok ang Star City tuwing pasko at bagong taon lang? Buhkit di trip ng mga pinoy na magpunta dito tuwing ordinaryong araw lang? Buhkit kaya tayo nagbabayad ng mahal sa mga "rides" dito para lamang takutin , lulain at hiluhin? Buhkit andami laging kalat sa labas ng Star City at hindi sa loob nagkakalat ng basura yung mga walang disiplina at baboy nating mga kababayan?

Buhkit andami kong tanong? Buhkit may "h" ang aking buhkit?

O sya , sound trip ka muna. Happy New Year ha? Mwah!