Napawi na ang usok sa naganap na pigaan ng utak sa Dresden, Germany. Ilang linggo ko ring sinusubaybayan ang laban sa 2008 Chess Olympiad. Simula pa lang ng mabasa ko ang artikulo ni manong Recah Trinidad , kung saan hindi pinayagan si GM Eugene Torre na maglaro at sumama sa koponan ng Pilipinas sa Olympiad dahil laos na daw, kinutuban na ako na lagim lamang ang naghihintay sa ating mga kababayan. Ang mga politiko talaga , di na lang kasi magtanim ng pechay para me kakainin...
Ginawa na lamang Kapitan ng koponang Pilipino si GM Eugene Torre na katatapos lamang durugin ang apat ng Grand Master ng Tsina sa katatapos lamang na GMA Cup. Samantala , nagningning ang batang si GM Wesley So ng sa unang laban pa lamang ay gapiin ang Super GM ng Tsina na si Ni Hua. Idol ko na nga tong batang ito eh. Kasama rin sa nagkaroon ng impresibong laban ang batang iskolar ng DLSU at bagong GM ng Pilipinas na si GM JP Gomez. Si GM Bong Villamayor naman ay halatang nahirapan sa Board 1 dahil nahirapang makakuha ng panalo at halos puro tabla sa laban. Mas mainam siguro kung si GM Eugene Torre ang nakapwesto dito, mabuti na lamang at humahalinhin si Wesley boy sa kanyang pwesto. Gayunpaman , alam nating mahirap ang naging papel ni GM Bong at tingin naman natin ay ginawa nya ang lahat ng kanyang makakaya.
Nanguna ang bansang Armenia , sinundan ng Israel at ikatlo ang Estados Unidos. Nagtapos sa pang 46 na pwesto ang Pilipinas. Mas mababa kumpara sa nakaraang pwesto natin sa nakaraang Olympiad , pinatunayan pa rin ng mga batang miyembro ng koponan na may malaki tayong tsansa at magandang kinabukasan sa mga susunod pang labanan. Mabuhay ang Pilipinas!
Iba na ang kahulugan at gamit ng pangalang ito sa kasalukuyan, pero maari mo pa ring mahinuha kung saan ito galing kung napanood mo ang pelikula ni George Javier (Tolongges) , Cachupoy (Zapatatem) at Redford White (Arizona Gid) nuong dekada otsenta. “ A Man Called Tolongges (1981)” . Nuod ibaba:
”Ginagawa tayong tolongges!”, karaniwang gamit ng pangalan o salita sa ’min pag pinagmumukha kang tanga o engot ng isang tao. Ganyan tayo ituring ngayon ng mga pulitiko at mandarambong sa kasalukuyan, tolongges. Ngayon , bago mo bitawan ang pahinang ito dapat masuksok sa kukote mo ang bago mong pangalan. Tolongges.
Joc Joc lang
Ipinakita sa ABS-CBN ni Henry Omaga-Diaz ang kuha ni Joc squared Bolante sa loob ng eroplano bago ito lumapag sa paliparan, mukhang wala namang malubhang karamdamang iniinda at naglalakad pa. Ilang minuto pa, ipinakita sa pambansang telebisyon ang pagdating ng tinaguriang arkitekto ng fertilizer scam na nakasakay sa wheelchair , hinahaplos-haplos ang dibdib na parang me kumikirot sa puso.
Sa tagal ng kanyang inilagi sa Estados Unidos ngayon lamang nya naramdaman na meron syang malubhang karamdaman? Kung ang sakit nya, ayon sa mga doktor ng St. Lukes ay multiple gastric ulcers bakit nya hinahawakan ang dibdib nya? Di ba dapat tyan?
Bakit nya binigyan ng milyong pondo para sa sakahan ang ibang tongressman, samantalang wala namang lupang mabubungkal sa mga siyudad na pinaglilingkuran nito kundi puro mga gusali? Saan napunta ang ilang milyong piso pataba na ayon sa mga magsasaka ay hindi naman nila natanggap? Sino ang pasimuno sa pagpapapatay sa ”whistle-blower” na si Gng. Marlene Esperat na binaril mismo sa harap ng kanyang mga kaanak?
Lahat yan, syempre, mabibigyan ni Joc squared ng kasagutan, dahil nakapaglagi na sya sa pagamutan ng may katagalan. Napaghandaan na ang mga sitwasyon , nagawaan na ng mga papeles o magandang senaryo. Plantsado na ikanga.
Wag ka ring magugulat kung may lalabas na kakamping senador si Joc squared sa imbestigasyon. Sa kalagitnaan ng mainit na diskusyon meron na namang lilitaw na kontrobesya gaya ng mas malaking kaso ng pandarambong , pagsabog o pambobomba o kung ano pa man tas matatabunan na naman ang isyung ito at malamang wala ring mangyayari. At ikaw, maniniwala ka naman o kaya magsasawalang-kibo na lang. Kasi tolongges ka e di ba?
Euro Generals
Yung 105,000 euros na nahuli kay Dela Paz na hindi pa kasama yung 45,000 euros na kelan lang natuklasan ay ”contingency fund daw” sabi ng magiting na kalihim ng DILG. Dahil tingin nya ay mga tolongges tayo , maaring naiisip nya na tinatanggap natin ang paliwanag na sobrang mahal ng mga bilihin at serbisyo sa bansang Rusya at katanggap-tangap lamang na magdala ng ekstrang milyon-milyong halaga para hindi ka nga naman kapusin sa gastusin. Tama nga naman di ba?
Ilang araw matapos pumutok ang kontrobersya, ipinaliwanag ng Direktor ng PNP Jesus Versoza na ang milyones naman daw ay inatasang ipambili ng ”intelligence equipment”. Dahil tolongges tayo, siguro naisip nya pwede tayong maniwala na ubod nga naman ng mahal ang isang intelligence equipment dahil ito ay napakasopistikado upang maintindihan natin kumbaga sa espada may laser. Yun nga lang , marahil ay nakalimutan o walang nakapagsabi sa kanila na bawal magbitbit ng halagang lagpas sa 30, 000 dolyar kaya nahuli si Sir General . Sayang nahuli pa, pero maniniwala naman sana tayo di ba?
Heto pa, yung karagdagang 45,000 euros na huli na lang nalantad ay galing naman daw sa isang kaibigan na naki-paki sa heneral na ibili sya ng pagkamahal-mahal na relos sa bansang Vienna. Sabagay , yung mga kasama ko sa aming tanggapan minsan nagpapabili ako sa kanila pag pupunta sila ng ibang bansa, pero para mas makamura, ganun din marahil sa sitwasyong ito ni Dela Paz. At dahil tolongges tayo, maniniwala tayo sa mga sinasabi nila kahit kasalukuyan na siyang hindi mahanap para humarap sa imbestigasyon sa Senado.
Di gaya ng kay Joc squared , meron akong nakikitang kaunting liwanag sa kaso dahil hinahawakan ng aking idolo na si Senadora Miriam Defensor Santiago . Nataon pa na natalo si idol sa nakaraang botohan ng ICJ kaya malamang me paglagyan itong mga heneral na akala marahil pati ang matalinong senadora ay naging tolongges na rin.