Tuesday, September 04, 2007

Universal Battery Charger

Ang laki ng problema ko kahapon , me nakatapak ng aking Universal Battery Charger na inestafa ko pa sa aking matalik na kaibigan ( karma ata). Malaki, dahil mahal ang magpagawa ng cellfone , sira na kasi yung power port nung akin, para makatipid, bumili ako ng UBC (Universal Battery Charger nga , tanga !) na nagkakahalaga ng 100 piso. Sa kasamaang palad, hindi gumana. Meron ding ganito ang ate ko , gumagana sa cellfone nya pero pag yung sa'kin na, ayaw mag-charge. Pinahiram ako ng UBC ng aking matalik na kaibigan , at sa wakas nag-charge ang baterya ng aking cellfone !. Parang one in a million lang ang gumaganang UBC sa baterya ko kaya nga inestafa ko na. Ang obyus na suspek, ayaw pang aminin na sya ang nakasira, e sya lang naman ang nakaupo duon sa pinagsaksakan ko.

Napagpasyahan kong subukin muli ang aking swerte , try and try , ika nga. Bumili akong muli ng UBC sa tabi pa ng simbahan ng San Antonio De Padua dahil umaasa ako sa himala. Ganun pa din ang halaga , isandaang piso. Tinesting pa ng tindero sa aking harapan ang UBC at kanyang ipinakita na ito'y nagkakarga ng kuryente ayon sa indikasyon ng LED (Light Emitting Diode , alam ko di mo alam, timawa !) Napansin ko na kakaiba ngayon ang pindutan at LED ng produktong aking nabili , ngunit may bahagya akong ngiti sa mga labi na binayaran ang naturang UBC at isinilid na ito sa aking bag.


Lumakas ang kabog ng aking dibdib ng buksan kong muli sa bahay ang sisidlang kinapapalooban ng UBC. Gusto ko kasing basahing maigi ang instruksyon sa likuran ng kahon . Narito ang EKSAKTONG isinasaad:


HBK UNIVERSAL CAHRGER


Operation Step:


1. play the slice the charger First to aim at the plus or minus pole of battery, good battery of cover.


2. press the "test" the key " confirm" the bright elucidati (dito ako napa- WOW! sa salitang ito , di ko alam kung magic spell sa Harry Potter) On of light is normal to refresh. If the "confirm" the light is not bright, press the "The conversion" the key convert the power supply's pole, then normal refresh.


3. normal refresh , refresh the Light flicker ; Battery saturation hour, the saturated Light is all and bright, and refresh the light to put out. Refresh time general for 4 hours, add result of an a 1-2 more good.


4. this charger can circumscribe link the line, direct opponent machine to refresh. Can refresh the pond with the charger cellular phone at the same time.


Highly Versatile Travel Charger ---in bold red letters


Heto ang pinakamatindi --> Certification Trademark : Approbated High-qualitied Products


Nahilo ka ba? Opo , isa lang ang tumamang pangungusap. At putang ina , kahit kapwa intsik ng nag-translate nito , siguradong hindi nya rin maiintindihan .Gusto kong kumuha ng martilyo , durugin tong charger , isawsaw sa holy water ng San Antonio de Padua at isubo dun sa tinderong nagbenta sa akin, pero kailangan ko pa rin itong testingin sabi ko. Kaya heto ko ngayon, me isang basong tubig sa tabi habang tinetesting tong charger, naghihintay ng resulta...gagana kaya o magliliyab ???

Saturday, September 01, 2007

Durog !!!



Nuong nakaraang Miyerkules na ata ang pinaka-produktibong araw na nangyari sa akin. Nagising ako ng mga alas 10:30 ng umaga, pagbangon ko ay nagpaalam na ang aking Madir na sya ay magpapa- Happy Dream (para sa karagdagang impormasyon pindot here) nakahanda na raw ang rekado ng aking lulutuing ginisang pusit. (hanep sa cooking training no? ) Habang nagkakape, inihanda ko na ang mga sangkap ,tinawagan ko na rin ang aking Bhabe para kumustahin, hindi naman naging kaaya-aya ang aming usapan sa cellfone sa kadahilanang me umeepal syang katabi na tsaka ko na lang idedetalye ang ginawa dahil di ko pa nakukutusan ang ulo at ipinapangako kong aabutin sa akin pag nag-krus ang aming landas ng hindot na yon.

Alas-3 ng tanghali ng magpasya na akong pumunta saQuiapo upang mamili ng kung anik-anik at makapagsimba. Sa Taft Ave., hindi nakaligtas sa aking mala-agilang paningin ang bakanteng upuan sa harapan ng FX byaheng Quiapo, at meron pang bonus nakatabing tisay (yahoooo!!!). Agad ko itong pinara, at dali-daling tinakbo ang unahan ng FX. Kailangan kong ihawak ang aking kaliwang kamay sa itaas pang-suporta, iangat ang aking puwitan upang maibuwelong maige ang pagsara at magkasya kami ni tisay sa upuan. Gusto kong sumigaw ng malakas pagkatapos kong pabagsak na isara ang pintuan ng FX, huli na nang aking napansin, naiwan kasi ang dulong hinlalaki ng aking kaliwang kamay sa itaas ng pinto, malumanay ko pang binuksang muli ang pintuan at dali-daling inalis ang aking naipit na daliri. Nadurog ata ? Tingin sa kaliwa , nakapikit pala si tisay, hindi ko sigurado kung napansin ako ng driver pero mukhang hindi nya alintana o dedma lang sa kanya. Tingin sa kanan, sigurado akong hindi naiwan ang aking kuko at walang bakas ng dugo. Tingin sa back mirror, mukhang walang nakapuna , walang testigo sa aking katangahan !

Para akong modelo ng Datu Puti na humiyaw ng walang tunog ng maramdaman ang unti-unting pagkirot ng aking dulong hinlalaki. Di ko na rin napigilan ang pagtulo ng luha sa aking mata. Mistulang baraha, dahan-dahan kong pinintahan ang hitsura nito. Wow ! Black Finger Nail. Gaya ng nasa ating larawan. Nanginginig ko pa itong sinubo pagkatapos ay itinapat sa aircon....Cool.

Gising na gising ako nung namili ako ng kung anu-ano, lalo lang akong nagiging alerto pag nababangga ang aking kamay. Hindi naman ako gutom na gutom , pero nanginginig pa rin ang aking kamay tangan ang kutsara habang isinusubo ang lumpiang sariwa na hindi ko nakakaligtaang kainin pagkatapos mag-Quiapo.

Alas 5:00 ng magpasya akong sumama naman sa rally para sa mga desaparecidos (me natutunan ka na naman bagong word bungol !) sa harapan ng Post Office. Bagama't hindi ganun kalawak ang aking nalalaman sa tunay na ipinaglalaban ng mga taong nasa paligid ko, naniniwala naman ako na meron silang hinaing na dapat sagutin ng gobyerno ni Ang Shaya-Shaya (GMA , tanga !) at sigurado akong pasok sa trip ko yung mga isinisigaw nila. Nang maramdaman kong lumalakas na ang ambon, nagpasya na akong itigil ang aking kahangalan. Sa aking paguwi, siniguro kong sa likuran na ako ng FX sasakay, ang kabilang kamay malayo sa pintuan.....ang shaya no?