Saturday, July 01, 2006

Cutting Classes

Wala pong dugong medicloreans (dugong Jedi bobo!) yung babae sa ating larawan , parang sobrang ganda lang nang mata nya kaya trip kong ipost, kasama sya sa 100 best picture ng Nat Geo , nakilala sya bilang "Afghan Girl" , pagkalipas ng 17 taon , pinilit syang hanapin ng kumuha sa kanya ng larawan , hindi ko sinama yung bago nyang kuha dahil makikita lang natin yung hindi magandang epekto ng digmaan sa ating mga pagmumukha. Tignan mo ang sarili mo sa salamin , baka masyado ka ng subsob sa trabaho , tumatanda din ang mukha natin sa sobrang pag-iisip, para tayong dumadaan sa giyera araw-araw. Dati kang kamukha ng afghan girl paglipas ng panahon magulat ka mukha ka ng taliban girl , ehehehe.........

Mahirap talagang magpalaki ng tiyanak. Kung lagi kang dumadaan ng site na to , malamang nabasa mo yung tungkol sa mga tiyanak. Nagulat ako minsan ng makita ko ang isa sa aking mga pamangkin , may dalang putol na kahoy , pulang cartolina , isang bond paper , pambabaeng gunting na hiniram (kulay pink at parang tenga ng kuneho yung hawakan) at isang malaking mangkok. Tinanong ko kung anong gagawin nya , pinagagawa pala siya ng logo ng Araullo na nagdiwang ng ika-100 anibersaryo http://beta.inq7.net/opinion/index.php?index=2&story_id=78752&col=61, bigla kong naalala ang sarili ko nung bata pa ako, mahilig akong mag-drawing pero ala akong mga gamit. Tinuping papel ang gamit kong ruler , tutupiin ko naman yung papel tsaka didilaan para putulin , siguro kung may samurai, yun ang gagamitin ko. Laway din ang pambura ko dati , pag walang pantasa , ikikiskis mo ng mabilis yung lapis sa isang papel o kaya sa magaspang na bato, pero walang lalabas na genie , matulis na lapis lang. Pag medyo matibay-tibay ang ngipin mo, ngatngatin pwede din. Kanin naman yung pandikit ko dati , nakuha ko tong ideya na to sa mga adik na nagbabalot ng marijuana sa lugar namin.

Nung sumahod ako, binili ko ng gamit si kupal. Protractor , triangle , gunting , cutter , glue, compass , lapis , pangkulay etc. Minsan gumising ako galing sa 12 oras na pagkakahimlay sa aking higaan , sinabihan ako ni Mother na kausapin ang aking pamangkin. Hindi daw niya nakikitang gumagawa ng assignment, hindi nakikinig sa Nanay nya , sa ate nya at sa kanya. Sa itsura ko pag bagong gising , sabog ang buhok at mapulang mga mata na may panis na laway pa , hindi pa kaya siya matatakot sa akin at makikinig? Pinatawag ko at tinanong ko,

Jamo: Gumagawa ka ba ng assignment?
Tiyanak: Opo , pag vacant ginagawa ko ( wow , ambait "opo")
Jamo: Bakit ang aga mong umuwi nung nakaraan?
Tiyanak: Maaga kaming pinauwi eh!
Jamo: Patingin nga ng notebook mo.
(Umakyat at binitbit ang note book, sabay abot ng isang notebook)
Jamo: Lahat , titignan ko lahat.
Pagbuklat ko ng mga notebook , merong something in common , lahat may date ng June 14 ang huling sulat eh June 28 na. Napuna ko rin ang class schedule nya , mula 9:45 AM hanggang 7:00 PM ang pasok.
Jamo: Sabi mo ginagawa mo tuwing vacant , eh alas 12:00 ang vacant mo , papaano mo ginagawa yung mga assignment mo bago mag-vacant?
( Nagkutkot na ng kuko ang kupal , sabay yuko.)
Jamo: Bakit ang aga mong umuwi lagi , alas-singko pa lang nakakasalubong na kita pag pumapasok ako , eh hanggang alas -7 ka di ba?
Tiyanak: Kase sabi nila 'cutting classes' daw ako .
Jamo: Bakit di ka pumapasok ?
Tiyanak: Kase ala akong assignment.
Jamo: Ano bang pinapa-assignment sa yo?
Tiyanak: Lagyan daw nung cover yung notebook , pag ala akong assignment di na'ko pumapasok.
Andami nya pang mga dinahilan , na hindi rin nakalusot sa tindi ng aking "tactical interrogation" dito na naubos yung pasensya ko , lahat ng notebook nya nahampas ko sa ulo nya , siguro mga 12 subjects din yun , swerte nya ala pang binibigay na libro. Ang mga sumunod na eksena ay hindi ko na pwedeng ilathala dahil pwede na itong gamiting ebidensya para sa child abuse . Sa kabuuan , niloloko kami ng tiyanak na to , hindi na nga matuturing na tiyanak dahil hayskul na, nakakalungkot isipin na hindi pinahahalagahan ang pinagpapaguran ng mga taong nagpapa-aral sa kanya , kung tutuusin hindi ko na sya responsibilidad dahil hindi ko naman siya anak , hindi rin naman ako tinulungan ng ina nya nung mga panahong nginangatngat ko yung lapis para makatapos. Kinuha ko yung iskedyul nya pati pangalan ng mga titser nya, minsan bubulagain ko sa Araullo , titignan ko kung pumapasok nga. Pag hindi , pagugulungin ko mula ikaapat na palapag, tignan ko lang kung di pa 'to magtanda.