Saturday, April 29, 2006

Paano Masusumpungan ang Kabaitan ?


Pagkatapos kong makipag-EB sa isang ka-textmate , sumakay na ko ng FX papuntang Cubao. Mainit pa rin ang singaw ng air-con, para kang niluluto sa loob. Tumunog ang cellphone ko , si Barney Boy nag-text , tinatanong kung san daw kami magkikita-kita at wala daw nakakaalam ng papunta sa bahay ng ikakasal . E sinabi ko na kahapon pa , nireplyan ko sya ng ganito , " Antigas din ng t*t* mo eh no ? sabi ng sa 7-11 sa Gateway!". Tinext ko rin ang mga ka-tropang globe users para magtanong kung paano makakapunta , swerteng nag-reply si Piglet ng eksaktong direksyon , kung saan sasakay , bababa. Hanapin daw ang Kabaitan St. na nasa Karangalan Village. Hindi ko sukat akalaing masisira ang ulo ko sa paghahanap ng mahiwagang letra . Letrang K.

Nagsimula ang aming pakikipagsapalaran ng mag-U turn na yung FX , ibinaba kami sa Karangalan Village II. Hanggang dun na lang daw. Binaybay namin ang overpass, para kang naglalakad sa disyerto ng makarating kami sa kabilang kalye. Kasipagan St. , Kalusugan St, Katapatan St. ,....lahat ng maisip mong magagandang katangian na nagsisimula sa letrang K . Sabi ko " Eto na pre malapit na na tayo , kse Kalinisan St. na 'to , eh next to cleanliness is Godliness, may kaugnayan na to sa Kabaitan! " . Ilang kanto pa , mukhang maaabot na namin yung Katapusan , " Hindi kaya sa Katarantaduhan St. nakatira yun?" kaya nagtanong na kami sa tricycle driver. " Anong Karangalan ? Pasig o Cainta? " Sabi ko "huh? dalawa pala yun?". Sumakay kami ng taxi para pumunta dun sa kabila , e si Manong driver mukhang nalito din sa mga K , binaba na kami sa entrance nung kabilang Karangalan Vill. Bago kami makalayo , tinanong na namin kaagad kung may Kabaitan. "Phase 1 o Phase 2?" Muntik ng malaglag yung panga ko, gusto kong sumagot ng "Tooth Phase". Tinawagan ko na si Tin2x, sabi nya dapat daw sa Phase 2 -A . Lakad na naman kami ni Barney Boy sa overpass, kahit naliligo na kami sa pawis. Bago kami magsimulang maghanap , nagtanong na kami sa isang side car boy. " Pes 2 eh? Pes 2 eh? " sabi ko " Opo Phase 2 -A po" . "Kaya nga Pes 2 Eh , dun sa likod ng Caltex ! ".

"Heto na Kapatid ! hehehehehehehe" nasabi ko kay Barney Boy . "Pes 2 eh ? Pes 2 eh? Nandeto na kame! ". Tinahak namin yung maalikabok na daan, nakita ko na yung gate Phase 2-A. Tinanong na namin yung isang Ale , " Huy Kabaitan daw? " . Nagtaka naman ako bakit di nya alam. Hanggang merong isang nakarinig tinuro kami dun daw sa banda run. Pagdating dun sa banda run. May pinagtanungan kami .Tinanong nya pa dun sa tatay nya kung saan ang Kabaitan, sa likod daw ng Caltex . Ulit? Lakad na naman kami ni Barney Boy pabalik, malapit na naman kami sa palabas ng Gate , may nakita akong mama sa tabi ng gate. Mukhang Veterans , malaki ang tyan na nakahubad. Sabi ko " Eto mukhang hindi pa ginagawa ang Karangalan Village nandito na to si Manong" . Saulado ni Manong ang unang limang kalye , pero pinanghinaan ako ng loob ng mapunang hindi nya alam ang Kabaitan. Pumasok si Manong sa loob nang bahay nya , naglabas ng upuan at may inilabas ......TAAADDDAAAANNNN!!!!! Si Manong ay may MAPA ng buong Village ! Kinusot-kusot ko pa yung mata ko para mabasa yung pagkaliliit na letra dun sa mapa. Pagdating namin sa bahay ng mag-asawa, na-straight ko yung laman ng isang buong bote ng pale pilsen sa uhaw at pagod. Pagkatapos ng 2 oras na paghahanap nung araw na yun may isang importanteng aral akong natutuhan na pwede nating gamitin sa ating buhay, Ang Kabaitan ay nasa dulo ng Karangyaan na nasa loob ng Karangalan (Pes 2 eh). Kudos sa bagong kasal.

Wednesday, April 12, 2006

Mga gabay para sa maayos na pagre-Resign

Bungi-bungi na ang mga upuan dito sa’min .Kapansin-pansin ang kakulangan ng mga tao dahil sa dami ng mga nagre-resign. Siguro di na ko magugulat kung yung “team” tawagin na lang “squad” sa mga susunod pang mga buwan. Mga eksenang , “ pakisagot po yung waiting sa LVS pagkatapos mo dyan sa Internal Escalation na ita-transfer mo pa sa RMA, habang sumasagot ka ng Email at nakikipag-chat !” .
Habang nagmumuni-muni sa FX, naisip kong gumawa ng “Mga Gabay para sa Maayos na Pagre-Resign”. Pwedeng hindi to lapat sa mga ibang nagta-trabaho pero bagay siguro ito sa mga kasama ko. Paumanhin sa mga maling tagalog, kasalukuyan pa akong nagsasanay.

Siguraduhin mong may lilipatan ka na pag nag-resign ka . Ito yung mga tipong naka-pirma ka na ng kontrata at alam mo na mataas yung sweldong matatanggap at napag-alaman mo na maganda talaga yung kumpanyang lilipatan. Kung ala pa, mahiya ka sa mga magulang mo na magpapalamon sa’yo habang ikaw ay maghahanap ng panibagong trabaho na di mo alam kung kailan mo masusumpungan. Pwede ‘to kung meron kang sugar mommy/daddy o kaya gay benefactor na handang sumustento sa’yo habang pinagpapasasaan nila ang mura mong katawan at inuubos ang iyong lakas.

Pag nag-resign wag ka ng babalik, siguraduhing pinal na ang iyung desisyon. Bagamat may mga kumpanyang tumatanggap ng mga nagbabalik-loob, minsan magbabalik ka sa simula kaya sayang lang ang mga pinaghirapan mo, sasalubungin ka ng mga dati mong kasama ng “Maligayang Pagbabalik!” depende to sa’yo kung may katigasan ang iyong mukha. Wala ‘tong pinagkaiba sa nangyari sa’kin nung bata pa ako , lumayas ako ng umaga , sa sobrang gutom ko , bumalik din ako pagkatanghali.

Ilagay ang resignation letter sa tamang lalagyan. Iwasang ilagay ang liham sa puting sobre, para kang nag-aabot ng pakimkim o kaya abuloy. Lalong wag mong ilalagay sa airmail tapos lalapit ka sa bisor na naka-body bag dahil mukha kang messenger nun. Mas mainam kung pipili ng medyo pormal na kulay, gaya ng dilaw. [TIP#1: maraming magandang sobre sa tabi ng printer malapit sa MIS , papatungan mo na lang ng pangalan] Kung walang sobre , itupi lang ‘to ng maayos o gamitin ang natutunan sa Origami para astig.

Mag-iwan ng positibong damdamin sa e-mail. Naging kaugalian na ng mga nagre-resign na magsend ng email sa buong grupo , pati manager kasama. Mas kaaya-ayang basahin ang mga taong nagpapa-alam na may positibong damdamin sa kanilang mga liham, ito yung mga tipo ng taong nagpapasalamat sa kanilang mga natutunan at natulungan ng kumpanya sa aspetong pampinansyal. Dati TCP/IP hindi pa alam ang kahulugan ,nung umalis na sa kumpanya pwede nang Network Admin, dating umiinom lang ng Nescafe 3 in 1, dahil sa trabaho , ngayon Iced Caramel Macchiato (Starbucks ‘to timawa!) na ang nilalagok. Mga dating aliping saguiguilid na marunong tumanaw ng utang na loob.

Kung nais ipahayag ang sama ng loob , sige lang. May mga taong hindi talaga mapigilang magpahayag ng masasamang saloobin , okey lang ito. Pumili ng maayos at propesyunal na salita habang ipinapahayag ang disgusto sa kumpanya , maaring maantig mo ang matigas na puso ng mga namamahala at maiisip nilang meron din silang pagkakamali na maari nilang baguhin. Wag magmumura sa iyong liham. Kung ang kumpanya mo ay yung gumagawa ng I-Fish Cracker na nahuli sa BITAG ng Tulfo Brothers , eto mumurahin mo talaga , susuportahan pa kita! Wag gumamit ng “anonymous name” sa email, ito ay kung lalaki kang may paninindigan at dala mo ang bayag mo. Kung babae ka naman , kung dala mo ang obaryo mo.

Suriin ang liham bago ipadala. Maiiging repasuhin kung may maling salita, pagbaybay, etc.,dahil nakakahiya sa napakaraming taong makakabasa. Okey lang iwanan yung titulo sa email pero wag na siguro masyadong mahaba , gaya ng Senior Product Support Specialist ,okey na to , tanggalin na yung ECE , MCP, DPWH , SSS , GSIS, Best in Aux. Okey lang iwanan yung mga quotes kasi nagiging pangganyak ito sa mga makakabasa , tipo bang “If A is success in life, then A equals x plus y plus z. Work is x; y is play; and z is keeping your mouth shut”. Ang impresyon ng nagbabasa , “okey to ah” Iwasan yung mga gaya ng “ Do not extend any part of your body outside the bus” o kaya “ Keep ticket for inspection” tanggalin na to.

Wag kalimutan ang taong hinahangaan. May mga taong hindi na pinapaabot sa lahat ang pagre-resign at nagpapaalam na lang sa mga taong malalapit sa kanya. Wag kalimutang I- Bcc ang iyong crush . Ilagay ang bagong email address pati na rin ang numero ng iyong cellphone. Malay mo maging mag-textmate kayo, kalaunan baka humantong kayo sa “ Pinakamalinis, Pinakamagalang, Laging Bago”. Sayang yon di ba?

Wag manghihikayat. Hindi mo na kailangang hikayatin pa ang mga tao na mag-resign , hayaan silang mag-desisyon para sa sarili , isa pa , ang pagre-resign ay nakakahawa. May mga dahilan kaya ang mga empleyado ay hindi umaalis sa kumpanya. Maaring kuntento sila sa sahod at masaya pa rin sila sa pamamalakad ng nakatataas. Pwede ring dahil sa kanilang mga, idolo, espesyal na kaibigan, matalik na kaibigan, tanging iniibig, utang na binabayaran , mahahalagang pagsasanay na binibigay, mapang-hamon na trabaho o nagpapalawak ng karanasan.

Pagisipan ng mabuti ang pagbibitiw sa trabaho. Sampung beses mong isipin kung tama ang gagawing hakbang para hindi magsisi sa bandang huli. Mas mabuti kung hihingi ng payo sa kaibigan. Kung ang iyong pag-alis ay para sa ikabubuti mo, gaya ng pagpunta sa abroad, hindi ka rin naman siguro pipigilan.. Isa lang daw ang dapat mong isipin kapag nagtatrabaho ka sabi ng aking propesora nuon sa kolehiyo . If you’re not happy with your job , you resign, ok? Get one half sheet of yellow pad paper”.

Sunday, April 09, 2006

Ouch!!!

Hirap talaga pag nadidikit ka sa mga siyentipiko, inabot kami ng 12 ng tanghali ni Barney Boy sa laboratory para matesting lang yung Sipura, paglabas ko feeling ko si Einstein na ko , sya siguro si Galileo, pag-uwi ko sa bahay mga bandang 2:00 pm para na kong bulateng gumagapang sa higaan. Ginising ako ni mother ng mga 7 ng gabi , as usual , kahit alam nyang magagalit ako pag ginigising , alam ko natatakot ang aking ina kase halos lumutin na naman ako sa higaan . Alang kainan o inuman ng tubig , kandila na lang ang kulang , isang makatotohanang pagganap bilang isang tunay na bangkay ang matatamo kong award. Anong panama ng tumitira ng katol sa tagal kong matulog ? Di ko na nga ma-break yung sarili kong record na 18 hours na tulog eh. Pagkasabi kong kakain na lang ako maya-maya, yung mamaya ko naging alas 3 na ng madaling araw. Ilang bote ng alak na naman ang pinalampas ko ng mga araw na yon, bumangon na ako, nararamdaman kong nagsasalita na yung sikmura ko sa gutom. Pagkatapos kong kumain , napansin ko na naman yung nabondat kong tyan, kailangang paliitin pa ito, baka hindi akong tanggaping pulis ni Ping Lacson , anong panama ng mga chinese monk pag nagdyeta na ko , kaya binuhat ko na yung MBsBnB ko (Makasabog Betlog sa Bigat na Bike) ratsada ko sa PICC.
Sa PICC , maririnig mong may sumisigaw na "O yung mga taga-Letran dito!!!" Halatang araw ng pagtatapos , ako naman dinarama ko kung may pawis na sa likuran ko ....., ala pa rin , konti pa , sige pa Jamo , padyak pa ! Mas mabilis para pawisan .......ayaw pa rin , sige pa padyak ! Pagbaling ko sa gilid ng manibela , may nadaanan akong lubid na nasa lapag, sinagasaan ko yon, sa wakas pinagpawisan din ako ! Kaso lang sumemplang na pala ako. Muntik na naman akong maging butiki , humahalik sa lupa. Kaya ako pinagpapawisan , kse may pepperoni na ko sa tuhod (sugat bobo!) ansakit! Ganun pala kapag kumakayod ang laman sa aspalto , full of friction pero alang sound! Buti na lang alang nakakita kse yung mga magmamartsa nasa kabilang kalsada , kung nagkataong may nakasaksi sa nangyari , magkukunwari akong nagi-stretching sa lapag o kaya nagpu-push up. Tagal na rin akong di nagkakaroon ng tocino sa tuhod , madalas din akong magkaroon ng ganito nung nagii-skateboard pa ko. Dapat daw tayong matutong tumayo sa sarili nating mga paa kapag nadarapa, ewan ko , basta pag ligo ko , ang hapdi. Ouch!