Sunday, March 08, 2009

Makating Trip

“Wag kang magsi-swimming, magiging negro ka na naman !” tila pang labing-isang utos ng diyos na tugon sa akin ng aking kasintahan ng magpaalam ako na nais kong magpunta ng Rizal Memorial upang lumangoy.

Wala akong magagawa , alipin ako ng pag-ibig , maghahanap na lang ako ng ibang gagawin sa darating na biyernes….

Huwebes ng gabi ng magka-ayaan na uminom ng ilang bote ng beer ang aking mga kumpare sa kahabaan ng kalsada ng Arellano. Bagamat di ko talaga ugaling magsuot ng pang-itaas na damit , napilitan na rin akong magbihis at lumabas na upang maagang maumpisahan ang maboteng usapan. Sakaling mahuli , makakatipid ako ng limandaan. Limandaang piso pang-lagay pag nahuling nagiinuman at balita ko , limandaan din ang multa pag nahuli kang walang pang-itaas na damit. Ang siste , sa gilid lamang kami ng kalsada nag-inuman , tig-iisang bote na nakalagay lang sa gilid ng upuan, nakahandang kumaripas ng takbo sakaling me dumaang mga pulis.

“Sama kayo sa’kin bukas sa Subic?” hirit ni Oteng na me bagong biling Mitsubishi Adventure kaya ang lakas mag-aya.

“Wag kang magsi-swimming, magiging negro ka na naman !” tila ibinulong sa akin ng aking kunsensya.

Naisip kong walang bisa itong batas na ito ngayon sa kadahilanang katatapos lang naming mag-away sa isang walang kwentang bagay ng aking kasintahan. Dedma mode pa kami at walang pakialamanan.

“ Ge, swimming tayo? Dala lang tayong damit na pang-ligo” tugon ko naman na parang batang kumislap pa ang mata dahil sa di malirip na magiging saya ng paglalakbay namin bukas.

Ganun kabilis na napagkasunduan ang lakad , at parang naidlip lang ang bawat isa at heto na, pagtapos madaanan ang kanyang mga kliyente ay namili na kami ng aming lalanguyan sa gilid ng subic. Me nadaaanan kaming Andoks , bumili kami ng isang buong manok at anim na kanin. Walang mabiling sarsaparilya kaya Coke na lamang ang aming nilagok. Dalawang minutong pahinga at maya-maya pa ay naghuhubad na ako sa gilid ng sasakyan , wala akong pakialam kung makita ako ng mga taong nakasakay at bumabaybay sa gilid namin. Ang mahalaga sa amin , magtampisaw!

Masayang bumalik sa aking gunita ang pagiging bata ng sumayad ang aking talampakan sa mainit na buhangin at humalik ang malamig na tubig sa aking mga binti. Parang yung mga panahong nagpupunta pa ang buong barkada sa Manila Bay, yun nga lang ginalis ako sa pwet dahil sa dumi ng tubig. Pero iba na ngayon , sokyal na kami ngayon dahil sa Subic na kami, sabi ko sa aking sarili.Walang pagsidlan sa tuwa akong dali-daling sumisid sa kailaliman ng tubig na hindi alintana ang mga barko at bangka na nakadaong sa paligid ng dalampisigan na baka puro langis ang tubig.

Ilang segundo lang ay iniangat ko ang aking ulo.

“Putang ina me kumakagat sa akin?” sigaw ko ke pareng Derek at Oteng.

“Wala , para tong gago” tugon ni pareng Derek sa’kin, ngising demonyo ang ungas.


Hindi ako maaring magkamali, kada sisid ko sa medyo malalim na bahagi ng tubig ay nararamdaman kong me kumo-combo ng kagat sa aking hita at iba’t-ibang bahagi ng katawan. Ilang minuto pa ay hindi ko na to inalintana , siguro’y nagging manhid na ang aking katawan sa dami ng kagat.

Ilang oras kaming nagbalik-bata ng aking mga kumpare, karerahan , gumawa ng sponge bob character sa buhangin, tinusok ang mga butas na gawa ng talangka at kumain ng brownies sa dalampasigan.

Matagal din bago kami nakauwi dulot ng mabagal na daloy ng trapiko. Pagdating sa bahay ay plastado kaagad ang aking katawan sa pagod. “Solb !” sabi ko…..

“Wag kang magsi-swimming, magiging negro ka na naman !” tila me nagbulong pa sa akin mga ganap na ika-4 ng madaling –araw.

Tila me nais akong kamutin ng ako’y bahagyang magising. Ang aking bisig, maya-maya naman ang aking kamay ,ang aking hita at likuran ng aking binti.

“Putang ina, ang kati ng buong katawan ko !” sabay bangon upang tignan sa salamin kung anong hitsura ng makating butlig sa aking katawan.

Para akong pinipig crunch na mapula sa dami ng makating butlig na tumubo sa katawan ko. Sa oras na masaling mo ang isang butlig , lahat sila ay magkakatihan na. At hindi ka makakatulog sa kati ,pramis.

“Wag kang magsi-swimming, magiging negro ka na naman !”

“Tang ina , dapat nakinig ako…” habang nilalagyan ng vicks ang ubod ng kating butlig kahit grogeng-groggy pa ako sa antok….wow sarap…











2 comments:

gagolero said...

nice. kaya lang ginalis ka sa lakad na to. hehehehe. ilang araw na lang at hindi na tau magkikita sa opis. wala na ung mga lumang kanta natin ( youtube moments sabay kape :) kitakits na lang sa blog for updates sa mga buhay buhay.

eva said...

ang sarap naman mag swimming. kakainggit.

ano umitim ka ba? hehhe.